close
Balik-Tanaw

Ika-38 taon ng Mendiola Massacre


Dahil sa pamamaril ng mga pulis sa mga nagpoprotesta, hindi bababa sa 50 ang sugatan habang 13 magsasaka naman ang nasawi.

Hindi malilimutang araw ng karahasan ang Ene. 22, 1987 nang paulanan ng mga puwersa ng gobyerno ng bala ang nasa 10,000 hanggang 20,000 magsasakang nagmamartsa sa Mendiola Bridge sa Maynila para ipanawagan ang pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka at tutulan ang pangangamkam ng mga panginoong maylupa.

Dahil sa pamamaril ng mga pulis, hindi bababa sa 50 ang sugatan habang 13 magsasaka naman ang nasawi. Sila sina Sonny Boy Perez, Leopoldo Alonzo, Dionisio Bautista, Rodrigo Grampan, Vicente Campomanes, Angelito Gutierrez at Roberto Caylao.

Walang napanagot sa pagpatay. Dahil sa kawalan ng hustisya at nagpapatuloy na banta sa kabuhayan, karapatan mag-organisa at mismong buhay ng mga magsasaka, ginawang tradisyon ng Anakpawis, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Amihan at mga tanggol-kalikasan ang magmartsa patungong Mendiola bilang pag-alala at pagpapatuloy ng laban.

Bilang isa sa mga saksi sa karahasan ng Mendiola massacre noong 31 taong gulang pa lang siya, tingin ni Kilusang Magbubukid ng Pilipinas chairperson Danilo Ramos na hindi pa nakakamtan ang kahilingan ng mga magsasaka.

Ayon noon sa kanya, kawalan ng tunay na repormang agraryo ang nagtutulak sa mga magsasaka na ulit-uliting ipanawagan ang pamamahagi ng lupang sinasaka at pagkilala sa iba pang karapatan ng mga magsasaka.