close

Anak ng Tokwa! Tinausihang Tokwa


Nagkakahalagang P130 ang ating resipi para sa masustansiyang putahe na maaaring ihain sa pamilya kahit may kamahalan ang kamatis.

Sa pagpasok ng taon, hindi lang paghaharap sa bagong taon ang naranasan ng mamamayan.

Sumambulat ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, pamasahe, gasolina at iba pang pangangailangan at serbisyo. Nanguna na sa listahan ang pagtaas ng kamatis na umabot ng P360 hanggang P400 per kilo na mas mahal pa kilo ng karne ng baboy.

Ayon sa Department of Agriculture, sanhi ito ng 45% pagbagsak ng produksiyon noong nakaraang taon dahil sa kawalan ng disaster management sa sunod-sunod na kalamidad sa Calabarzon, Cagayan Valley at Bicol.

Bagaman umabot sa P14.22 milyon ang pinsala nagagamit ang dahilan na ito sa malabnaw na tugon ng pamahalaan, imbis na bigyan ng kompensasyon ang mga magsasaka.

Sa ating mga Pilipino, isang mahalagang parte ang kamatis sa pang-araw-araw na pagkain. Sa paggisa ng mga gulay o sa mga may sabaw at sarsang ulam. Mayaman ito sa vitamin C na nakatutulong na palakasin ang ating katawan laban sa sakit. Mayroon din itong taglay na antioxidant na lycopene na mabisa namang pang-iwas sa sakit sa puso at kanser.

Kaya kung napakamahal na ng isa mga mga masustansiyang prutas, paano pa ang mamamayang Pilipino? Mapapaiyak ka na lang talaga at sisigaw ka na ng “anak ng tokwa!” sa kawalan ng tugon ng pamahalaan sa isyu na ito.

Ngunit kahit ganito ang kalagayan, nagkakahalagang P130 ang ating resipi para sa masustansiyang putahe na maaaring ihain sa pamilya kahit may kamahalan ang kamatis.

Gagawa tayo ng tinausihang tokwa. Sundan ang mga sangkap na may nakasaad na ding presyo batay sa palengke ng Malabon City.

  • P30 na tokwa, hiniwa nang parihaba
  • P25 na kamatis, 4 na piraso na hiniwa nang parihaba
  • P5 kinchay, hiniwa nang maliliit
  • P5 sibuyas, hiniwa nang parihaba
  • P5 bawang, tinadtad nang maliliit
  • P40 mantika
  • P20 na tausi
  • 3 kutsarang toyo
  • asin at paminta
  1. Unahing lutuin ang tokwa. Magpainit ng kawali at kung ito ay uminit na, maglagay ng sapat na mantika para maprito ang mga hiniwang tokwa.
  2. Sa pagprito ng tokwa, hintayin na maging golden brown ito. Hanguin at itabi muna sa isang lagayan pagkatapos maprito.
  3. Sa hiwalay na kawali, magpainit ng mantika. Igisa ang sibuyas at ‘pag medyo luto na’y isunod na ang bawang. Kapag naluto, isunod na ang kamatis. Haluin ang lahat.
  4. Isunod naman ang tausi o black beans, haluing maigi. Lagyan ito ng isang basong tubig, tapos ilagay na din ang toyo. Takpan hanggang kumulo.
  5. Kapag kumulo, ilagay na ang prinitong tokwa.
  6. Ilagay na ang kinchay at maaaring lagyan ng asin at paminta ayon sa panlasa
  7. Maaari na itong iulam sa mainit na kanin at pagsaluhan na ng inyong pamilya.

Bilang mamamayan, tandaan na tayong mga konsyumer at mga magsasaka ang mas naaapektuhan sa tuwing may pagtaas ng mga pangunahing bilihin. Katulad sa kamatis, marapat na mabigyan ng solusyon ng pamahalaan ang patuloy na pagsirit ng presyo ng pagkain dahil tungkulin nila na seguruhin na may pagkain sa mesa ang bawat pamilyang Pinoy.