Bread and circuses
Nananatiling invisible ang mga kandidatong kumakatawan sa mga marhinadong sektor. Naroon sila sa laylayan ng pampublikong espera.

Sa pelikulang “Balota” ni Kip Oebanda, inilahad ng kandidatong si Edraline (pantukoy marahil sa yumaong diktador na si Ferdinand Edralin Marcos) kung paano ginagamit ang taktikang “bread and circuses” upang suyuin ang mga botante.
Pinapangakuan ang sambayanan ng makakain. Nililibang ng mga pagtatanghal upang ikubli ang panlipunan at pampolitikang karahasan.
Sa mga taktikang ito, matingkad ang partisipasyon ng korporatisadong midya. Dito inilalatag ang mga pangako sa mga press release na nagpapanggap na balita. Ikinukuwento ang mala-teleseryeng buhay at pakikipagsapalaran ng ibinibidang kandidato.
Sa panahon ng halalan, isinasantabi ng ilang pormasyong midya ang kanilang panlipunang tungkulin sa publiko na maghatid ng impormasyon at maging watchdog ng estado.
Tila nagiging public relations arm ng pampolitikang dinastiya ng mga Villar ang Philippine Daily Inquirer. Sa ilang palabas sa GMA Network, nagkaroon ng cameo appearance at naging bida pa ang kandidato sa pagkasenador na si Benhur Abalos.
Muli, naipapaalala sa atin na negosyo pa rin ang mainstream media. Ang airtime sa telebisyon, ang mga espasyo sa pahayagan ay mga paupahan na inookupa upang tiyaking maililimbag ang mga politiko sa kamalayan ng publiko.
Mabigat na pakikipagsapalaran ang pagsuong sa midya ng mga kandidatong naghahapag ng alternatibong politika. Hindi patas ang larangan ng kampanya. Nakakiling ito sa mga may makinaryang nakasandig sa mga dinastiya at tradisyonal na partido politikal.
Nananatiling invisible ang mga kandidatong kumakatawan sa mga marhinadong sektor. Naroon sila sa laylayan ng pampublikong espera.
Kung ang pagboto’y nakabatay sa kalakhan sa kung ano o sino ang madalas na nakikita, hindi maiiwasan ang makaramdam ng pagkakahon. Sila na nga lang ba ang mapagpipilian? Tunggalian na lang ba ito sa pagitan ng kadiliman at kasamaan?
Kung may pinatunayan ang serye ng mga pagkilos upang panagutin si Sara Duterte para sa kanyang katiwalian at abuso sa kapangyarihan, ito ay ang kahungkagan ng pangako ng maayos na politika sa paghahalinhinan ng mga lumang apelyido sa pamahalaan.
Sa pagkakawatak-watak at oportunismo sa hanay ng mga nangako ng huwad na pagkakaisa, nasisilip ang patuloy na paghahangad sa alternatibong politika ng pagbabago mula sa mga tunay na kumakatawan sa mga inaaping sektor at uri.
Kaya’t kahit mahirap, nagpapatuloy ang paggigiit sa makipot na espasyo sa larangang midya. Maski sa manaka-nakang pagkakataon, maaaring mapalawak ang pampolitikang imahinasyon ng madlang ikinahon sa tradisyonal na politika.
Nariyan lagi ang posibilidad na maipakilala ang mga platapormang maka-mamamayan sa gitna ng malaong disimpormasyon at marhinasyon sa pampublikong espero. At lagpas sa dominasyon ng mainstream media, nariyan din naman ang alternatibong midya, bilang lunsaran din ng alternatibong politika.