close
Main Story

Hanapin sa halalan 


Daig ng anumang pagpapabango sa halalan ang tunay na makataong tindig sa mga isyung bayan.

Maraming nakasalalay sa paparating na eleksiyon. 

Nagtataasan ang presyo ng bigas at iba pang bilihin sa kabila ng pagbaba ng presyo sa pandaigdigang pamilihan. May mga imbestigasyon sa mag-amang Duterte. At nakapila ang mga reklamo sa paggamit ng gobyerno ng pondo, tulad na lang sa Philhealth.

Ayon kay Robert (hindi tunay na pangalan), gusto niyang bumoto para sa mga kandidato na poprotekta sa kontribusyon niya sa Philhealth. Pitong taon na siyang rider para sa Angkas at pinili niyang hindi mapangalanan alang-alang sa seguridad sa trabaho.

“Hindi po tayo empleyado habambuhay. Tatanda tayong lahat, magkakasakit. Kailangan kaya natin magpahinga; dapat ayos lang magkasakit. Maganda nga may konting maitatabi pangbakasyon,” aniya.

Gusto raw sana ng anak niya makapasok sa medical school sa Unibersidad ng Pilipinas sa Maynila. Ang kaso, sabi ni Robert, parang hindi rin naman daw sapat ang pondo ng gobyerno para sa libo-libong estudyante sa kolehiyo na nangangailangan ng libreng edukasyon.

Alin sa 66 na kandidato para sa 12 mababakanteng posisyon sa Senado ang lilikha o aamiyenda ng mga batas sa panig ng katarungan? Paano darating sa saklolo ng mga Pilipino ang higit 18,000 na magiging bagong halal?

Sa likod ng ningning ng naglipanang mga billboard at mga ad sa telebisyon, radyo at social media na ginamitan ng bilyong pondo, napakaraming mga isyu ang kailangang matindigan ng mga kandidato.

Wala na sigurong mas dapat na pagtuunan ng malaking pansin ang katotohanang halos hindi na kaya ng mga mamamayan kumain nang tatlong beses sa isang araw dahil sa nagtataasang presyo ng mga bilihin.

Ayon sa Department of Agriculture, pumapalo na sa P45 ang karaniwang presyo ng bigas kumpara sa P39 noong 2023, habang ang presyo ng sibuyas, bawang at kamatis, aabot na sa P143, P170 at P335 ang kada kilo.

Ang kada kilo ng galunggong, aabot na sa halos P300; ang manok ay aabot sa halos P200 kada kilo; habang ang presyo ng baboy ay tumutuntong na ng P410.

Kasama rin sa kuwenta ng lumalaking gastusin ang kuryente. Sinabi ng Meralco na magtataas sila ng P0.28 per kilowatt-hour (kWh) ngayong Pebrero. Sa mga kabahayang kumukonsumo ng halos 200 kWh, asahang tataas ang bill ng mga ito ng halos P57.

Ngayong taon rin epektibo ang inaprubahan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System Regulatory Office na taas-singil sa tubig. Nadagdagan ng P5.95 per cubic meter ang singil ng Manila Water, habang may P7.32 per cubic meter namang patong ang Maynilad. 

Butas na butas na ang bulsa ng mga Pilipino.

Dagdag pa ang tuluyang napako na ipinangakong P20 kada kilo na bigas at hindi sumasapat ang pagbaba ng presyo sa mga Kadiwa store.

Ayon sa lider-maralita at senatorial candidate na si Mimi Doringo, kahit pa palakasin ang Kadiwa, hindi ito magiging sapat lalo’t hindi naman lahat ng maralita ay may akses sa mga Kadiwa store sa Pilipinas. 

“Huwag mo na kaming lokohin [Pangulong Ferdinand Marcos Jr.] dahil [nang] maupo ka bilang presidente, naging ginto ang halaga ng mga pagkain—bigas, itlog, mantika, sibuyas, sili, kamatis—ganoon din ang mga bayarin ng tubig, kuryente at pamasahe, lalo na ang langis,” dagdag ni Doringo.

Kakambal ng usapin sa presyo ng bilihin ang kapasidad ng mga Pilipino na makabili ng mga produkto at serbisyo na nakaangkla sa sahod ng mga manggagawa at kita sa kabuhayan.

Sa mga kawani sa pamahalaan, gumugulong na ang pagpapataas sa kanilang sahod sa loob ng apat na taon o tranche, pero hinaing ng mga nasa pampublikong sektor, malaking insulto ang barya-baryang umento.

Matatandaang gumastos ang Department of Budget and Management ng P48 milyon para umano sa pagsasaliksik ng mas komprehensibong dagdag-sahod alinsunod sa magiging Salary Standardization Law VI. 

Pero sa lumabas na Executive Order 64 na nagtatakda sa umentong ito, aabot lang sa P17 hanggang P93 ang nadagdag kada araw na kita ng mga manggagawa sa gobyerno para sa mga kawani sa Salary Grade (SG) 1 hanggang SG 20, kung saan nakapaloob rito ang mga guro, nars at iba pang manggagawang nasa laylayan.

Nitong huli lang, may naipasa ang House Committee on Labor na P200 na umento para sana mga manggagawa sa pribadong sektor. Hindi pa ito naisasabatas, pero maraming umaasa na mas malaki pa sana ang dagdag.

Wika ni Kilusang Mayo Uno secretary general Jerome Adonis, “Kulang [itong P200]. Dahil sa taas ng mga bilihin, hindi pa rin ito nakabubuhay. Kasabay nito dapat ang pagbaba ng presyo ng pangunahing bilihin, yutilidad at produktong petrolyo, or else halos hindi rin natin mararamdaman itong dagdag na sahod.”

Nanindigan rin si Adonis mahalagang maisulong ng mga magiging susunod na mambabatas ang P1,200 na minimum at nakabubuhay na sahod para sa mga manggagawa.

Napakaraming plano at panukala ang makailang ulit nang inaalikabok sa lamesa ng mga mambabatas, kahit pa nilikha ang mga ito para sana sa kapakanan ng mga Pilipino.

Inaatasan ng Saligang Batas ng 1987 na pagkakaroon ng batas na nagbabawal sa dinastiyang politikal. Ngunit hanggang ngayon, wala pa ring batas para dito at nananatiling nakatengga ang mga panukala ukol dito.

Ngayon, 113 sa 149 na siyudad ang napaghaharian ng mga dinastiyang politikal, dose-dosenang pamilya ang nasa Kamara, Senado at pamahalaang lokal.

Hindi na rin halos sumasapat ang posisyon sa gobyerno sa dami ng magkakaanak. Sa lalawigan ng La Union, magkakalaban para sa walong posisyon ang angkan ng Ortega.

Sa kabila nito at sa mga imbestigasyon sa korupsiyon, hindi pa rin naipapasa ang Anti-Political Dynasty bill.

Dekada na rin ang hinintay para sa mga panukala tulad ng sa diborsiyo na umabot pa lang sa pagpasa ng Kamara.

Ayon kay Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, dapat pinagbabatayan ng mga mambabatas ang kalagayan ng maraming Pilipino—tulad ng libo-libong biktima ng abuso—at hindi lang ang paniniwala ng ilang grupo.

Mahalaga ring makita ang tindig ng mga kandidato sa usapin ng karapatang pantao, lalo na’t parehong ginagamit ng magkasunod na rehimeng Duterte at Marcos Jr. ang mga batas tulad ng Anti-Terrorism Act.

Sinabi ni Renee Co, unang nominado ng Kabataan Partylist, na nakakatakot ang paggamit sa batas para sa pagpapatahimik sa kritisismo.

Aniya, pati kaya ang mga protesta ng kabataan laban sa pagtaas ng tuition at iba pang bayarin sa paaralan, babansagang terorismo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac)?

Nagwagi noong halalan 2022 ang Kabataan Partylist kahit pa sinubukang harangin ng NTF-Elcac ang kanilang kandidatura.

Ngayon taon, laksa-laksang kaso ng paglabag sa karapatang pantao ang naitala ng mga tanggol-karapatan.

Nariyan ang pag-aresto sa tanggol-katutubong si Myrna Cruz-Abraham, mga manggagawang pangkaunlaran sa Negros na sina Federico Salvilla, Perla Jaleco at Dharyll Albañez; at pag-akusa sa mga aktibista sa Cagayan na sina Isabelo Adviento, Cita Managuelod, Jackie Valencia at Agnes Mesina, kasama ang Pinoy Weekly staff na si Deo Montesclaros.

Mahalagang ibigay ng mga Pilipino ang boto nila sa mga kandidatong kayang tumanggap ng kritisismo at handang tumindig para sa karaniwang tao.

Maraming nababahala sa kasalukuyang kalagayan ng edukasyon sa bansa at mga institusyong dapat naghahasa sa isip at kakayahan ng kabataang Pinoy.

Atrasado ng apat hanggang limang taon ang kakayahan ng mga estudyanteng Pilipino ayon sa ulat ng Second Congressional Commission on Education (Edcom 2).

Sa pagbisita ng Edcom 2 sa ilang paaralan, nakita nilang hirap ang ilang mag-aaral na Grade 8 sa mga gawain na dapat natutuhan na nila noon pang Grade 4 sila.

Sanga-sanga ang pinagmumulan nito. Naging mas malala pa ang krisis sa edukasyon dahil sa pandemya.

Sa bagong datos ng Department of Education (DepEd), lampas 165,000 ang kulang na silid-aralan sa mga paaralan. Hindi rin maayos ang maraming pasilidad at laboratoryo sa mga paaralan.

Bukod pa rito, halos 50,000 ang kulang na empleyado sa pampublikong edukasyon kung saan lampas kalahati rito ang mga hindi bakanteng teaching position.

Patuloy na lumalaki ang populasyon ng mga estudyante at nananatiling kapos ang bilang ng guro para matapatan ang dami ng mag-aaral sa mga pampublikong paaralan. 

Tuloy rin ang sistemang shifting o setup kung saan may mga estudyanteng pumapasok sa pang-umaga at panghapon. Talamak ito sa Metro Manila at Region IV-A.

Naging malaking pasanin naman sa mga guro ang bagong Matatag curriculum dahil umaabot sa walong klase ang kailangang pasukan ng mga guro sa isang araw, ayon sa pangulo ng Alliance of Concerned Teachers-National Capital Region Union (ACT-NCR Union) Ruby Bernardo.

Sa lahat ng ito, hindi nakatulong na naging daluyan ng korupsiyon ang DepEd lalo sa pag-upo ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte bilang kalihim nito, kung saan milyong pondo ang kwestiyonableng hindi nagamit nang tama sa sektor. 

Sa kasalukuyan, may iniimbestigahang P12.3 bilyong pondo ng DepEd na ginamit sa mga kaduda-dudang transaksiyon na nadiskubre ng Commission on Audit. Isa ito sa mga batayan ng nakabinbing impeachment sa pangalawang pangulo.

Ilan lang ito sa maraming isyung hindi nabibigyang lalim sa makukulay na billboard at poster ng mga kandidato, o kahit pa sa pabibong mga sayawan nila sa telebisyon o madramang mga telenovela.

Kapag binaklas na lahat ng pagpapapogi at pagpapagandang ito, anong sagot ang ihaharap sa sambayanang Pilipino? /May ulat mula kay Andrea Jobelle Adan