close
Rebyu

Muling sulat, muling tanghal


Naglalakbay ang dulaan sa malagim na panahon ng Batas Militar, hanggang sa iba’t ibang mga pag-uulit at manipestasyon nito sa mga sumunod na administrasyon.

Tinipon sa librong “Sa Ating Panonood: Pitong Dula at mga Palaisipang Panlipunan” ni Bonifacio Ilagan ang pitong proyektong ipapasok niya sa malakihang terminong “dulaan.”

Itong tatlong script para sa palabas na pang-entablado, isang adaptasyon na naging malayong bersiyon na ng orihinal pagkalipas ng ilang rebisyon, isang musikal na update mula sa nauna nang piyesa, isang full-length na dulang pampelikula, isang maiksing script na maaaring gamitin bilang short film na ipapalabas sa sine o telebisyon—lahat ay mga piyesang lumilingkis, nakikipag-usap, at naghahalughog sa mga suliraning kilala at laganap na simula noong Unang Sigwa ng Dekada ‘70, hanggang sa naging mga sakit na nanatili’t lumala sa panahon ng COVID-19 pandemic.

Kaakibat ng mga dulaang ito ang mga pansariling tala ng mandudula tungkol sa kanyang malalim at mayamang karanasan bilang aktibista, manggagawang kultural, guro’t tagapagsanay, media practitioner at artistang patuloy pa ring nakakaranas ng red-tagging at banta sa kaligtasan.

Tinipon din ang magkakaibang kritika, larawan at iba pang dokumentasyon mula sa mga nakasama ni Ilagan sa pagbuo ng bawat piyesa. Makailang ulit na sasabihin nitong aklat na ang hinihirayang hubog ng dulaan ay isang sining na kolaboratibo, mapagbigay, mapagkalinga.

Sa kanyang introduksiyon sa libro, iminumungkahi ni Rolando Tolentino ang pagpapahalaga sa dalawang antas ng pagtatanghal.

Una, ang pagsipat sa mismong mga script na tinipon sa libro, ang mga script na naipalabas sa mga pormal na espasyo ng entablado, pelikula, o telebisyon. Pangalawa, ang pagtrato sa mismong buhay at mga danas ng mandudulang si Ilagan bilang isang anyo rin ng impormal na pagtatanghal.

Ang mga proseso ng pagsabuhay at pagsasadula ng buhay ang tatawagin ni Tolentino bilang “performatibo.”

Madaling mapanghawakan itong ideya ng performatibo, lalo’t naimapa sa librong ito ang mga pagtatanghal sa ating politikal na kasaysayan, mga naratibong sinikap at patuloy na binabaka ng dulaan ni Ilagan.

Ang manunulat, mandudula at direktor na si Bonifacio Ilagan sa lunsad-aklat ng “Sa Ating Panonood” sa University of the Philippines Diliman noong Ene. 24, 2025. Marc Lino J. Abila/Pinoy Weekly

Naglalakbay ang dulaan sa malagim na panahon ng Batas Militar, hanggang sa iba’t ibang mga pag-uulit at manipestasyon nito sa mga sumunod na administrasyon.

Kinakatawan ng mga dulaang ito ang ating kolektibong panonood, dito sa nabubulok na kalagayan ng bansa sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan, gayon din ang kolektibong pagnanais na ibalik-sa-ayos ang mga kuwento at mundong wala-sa-wasto.

Sa usapin ng anyo, sinubukan ni Ilagan ang pagsasanib ng mga elemento sa pormal na pagtatanghal at pag-angkop sa kanyang danas at mga natutuhan bilang aktibista at organisador.

Nabuo ang “Sinipi sa Buhay/Tunggalian” bilang pagsasanib ng karanasan ni Ilagan sa University of the Philippines Mobile Theater at sa mga nasalihang agitprop at discussion group.

Humugot sa imahen ng misa ang “Pagsambang Bayan,” samantalang buhay at akda ni Rizal naman para sa “Ang mga Pinag-uusig” at “Ang Batang Rizal at ang Lihim ng Liwanag,” at sa lahat ng dula’y itinatampok ang mga suliranin ng mga manggagawa, magsasaka at pambansang minorya laban sa mga dayuhan, panginoong maylupa at sa iba pa nilang mga kasabwat.

Sumusubok sa tonong nagpapatawa at nang-uuyam, gayon din sa mga hanggahan ng adaptasyon at rebisyon ang “Mabuhay ang Bagong Kasal,” isang piyesang nagsimula bilang kinomisyong adaptasyon ng dula ni Bertolt Brecht.

Eksplorasyon sa ugat at politika ng armadong pakikibaka ang “Dukot” habang inuulit-ulit ang dahas na dulot ng gera laban sa terorismo, isang anyo ng giyerang nag-iiba lang ng pangalan at hubog pero laging nasa intensiyon ng pagbura sa ituturing ng estado bilang “kalaban.”

Sa musikal na bersiyon ng “Pagsambang Bayan,” ipinaalala ni Ilagan ang pahayag at bilin ng direktor at kaibigang si Behn Cervantes, kaugnay sa kuryente’t enerhiya ng sining at dulaan—na kailangang maging malay at sensitibo ang mandudula sa panawagan ng kanyang panahon, hindi lang sa papaksain ng kanyang sining kundi sa kung ano ang magiging pinakaangkop na bihis nito sa partikular na kaligiran.

Tinitipon ang mga piyesa at danas sa isang libro upang itrato bilang performatibong nakaabang at handang humarap sa kung anuman din ang maging panibagong hubog ng kaaway. At sa usapin ng mga panibagong bersiyon, masigla at bukas na bukas ang koleksyon sa pagkilala at pagdiwang sa mga panibagong pagtatanghal ng dulaang natipon.

Ang bawat balik-tanaw sa mga naunang pagtatanghal ay sinusundan ng dokumentasyon sa mga pinakahuling pagpapalabas nito sa mga unibersidad, birtuwal na espasyo at iba pang lugar-tanghalan.

May pakiramdam ng pagiging bukas itong dulaan sa kung ano ang maaari pang idagdag, kung ano pa ang maaaring paksain o ikuwento. Nag-aabang lang ito ng panibagong mga alagad ng sining na magpapatuloy ng mga nasimulan ng koleksiyong ito.

Higit sa lahat, kinakatawan ng libro ang paalala at panawagang ang sining na hindi naglalahok sa masa ay hungkag na sining. Papel ng mandudula at iba pang artista ang manghikayat, maglahok, magpalawak at matuto sa mga danas at istorya ng hinihirayang manonood.

Ang dulaan, sa pinakamataas at pinakaideyal na anyo nito, ay isang sining na sama-samang binubuno at binubuo ng nagkakaisang komunidad. Lahat ay kapwa manonood at manlilikha ng performatibong mapagpalaya, makatwiran at makatao.