close
Youth On Mission

Reporma tungong ‘General Emptiness’


Ang “General Education” ay hahantong tungo sa “General Emptiness” ng populasyong pagsasamantalahang lakas-paggawa at tahimik sa harap ng mga tirano, walang laman ang isip at puso na magsilbi sa kapuwa kahit lumalala ang krisis.

Lumabas kamakailan ang sarbey hinggil sa ibobotong mga senador batay sa natamong antas sa edukasyon. Nahahati sa tatlo ang kategorya: “Some/completed vocational”; “Some college”; at “Completed/Post college”.

Magkakaiba man ng antas ng natapos ang mga nasarbey ngunit halos pare-pareho lang ang listahan ng nasa top 12 senatoriable. Kahit ang mga sagad-sagarang mga pangalan gaya nina mga Marcos at dela Rosa ay nasa top 12. Lumabas ang mga sentimyentong tunay na hindi sasalamin ang pinag-aralan sa “matalinong pagboto.”

Kamakailan din, kumalat sa sirkulo ko ang isang post mula sa UP (University of the Philippines) Diliman Freedom Wall na nagsasabing “I wish ‘di gaanong political ang UP” alang-alang sa seguridad. Kadikit nito, banggit niya, “I just want to be safe and maka-graduate to work.”

Ang paghubog sa kabataan na ituring ang kanilang sarili na hiwalay sa mundong kinagagalawan, hiwalay sa karanasang buhay at pakikibaka ng kalakhang pinagsasamantalahang mamamayan, at makupot bilang isang Homo economicus na manguna ang kaligtasang indibidwal sa panahong lumalala ang krisis sa ekonomiya at bahagi ng matagal nang programa ng pamahalaan na bawasan ang mga asignaturang itinuturing nitong hindi esensiyal at magtuon ng pansin sa espesyalisasyon.

Panahon pa lang ni Ferdinand Marcos Sr., sa tulak at pagpapautang ng World Bank, binawasan ang halaga sa mga asignaturang agham panlipunan at humanidades bilang mga hindi esensiyal tungo sa pangangailangan ng mga korporasyong transnasyonal. Ganito ngayon ang banta sa panibagong General Education (GE) Reform na iniraratsada ngayon sa UP.

Sa itinutulak na Reporma sa GE babawasan tungo 30 ang maksimong unit at magpapaikli sa pag-aaral tungo sa tatlo’t kalahating taon. Nakababahala rin na ang turing ng technical working group sa GE ang employability ng mga magsisipagtapos.

Taliwas ito sa nararapat ng papel ng GE na maghubog ng mga indibidwal na kritikal mag-isip at makita ang karunungan mula sa mga aral ng nakaraan at ng lipunan sa pangkalahatan.

Dagdag pa, sa mga tagapagtanggol ng GE, magluwal ng mga nagsitapos sa kolehiyo na nakaugat sa mga panlipunang reyalidad ng Pilipinas at hikayating ang kalayaang akademiko at tungkuling baguhin ang lipunang matagal nang lugmok sa umiikid na krisis.

Masuwerte pa nga ang UP ngayon dahil bagaman hindi perpekto at bawas na, maituturing pa ring mahalaga ang GE sa pamantasan.

Paano pa kaya sa mga pamantasang maituturing na “diploma mill” o nagluluwal lang ng mga nagsitapos na bulag-bulagang apolitikal at ipapakain lang sa bunganga ng lohikang merkado ng globalisasyon? Sa kasalukuyan, tinatayang 9,500 na ang Pilipinong umaalis ng bansa araw-araw.

At gaya ng diwa ng GE, kailangang suriin itong reporma sa konteksto ng lipunan. Sa panahong rumururok ang krisis sa politika, ngunit ayaw ipag-alsa ang mamamayan upang manatili ang “payapa” na palitan ng kapangyarihan sa pagitan ng mga naghaharing-uri, susi ang pagsasamangmang ng kalakhan upang madaling mapasunod ang mga nais pagsamantalahan.

Hindi tayo magtataka kung bakit may pagtutulak sa mga polisiya gaya ng Mandatory ROTC, pagbabawas ng mga asignatura gaya ng Filipino at Kasaysayan, pagpapaigting ng polisiyang English-only, at mga iskemang pleksibilidad sa pagkamit ng diploma upang ituring ang edukasyon bilang tuntungan lang sa trabaho kahit ang kalagayan ng empleyo sa Pilipinas ay lalong mababang sahod sa totoong halaga.

Hamon ngayon sa kabataan ang ubos-lakas na tutulan ang mga polisiya sa edukasyon gaya ng reporma sa GE. Ang “General Education” ay hahantong tungo sa “General Emptiness” ng populasyong pagsasamantalahang lakas-paggawa at tahimik sa harap ng mga tirano, walang laman ang isip at puso na magsilbi sa kapwa kahit lumalala ang krisis.

Hamon ding ngayong magkusa ng kabataang Pilipino na magsusumikap ding magtayo ng mga paaralang alternatibo, kontra-agos at magtataguyod ng edukasyong nakatuon sa pangangailangan ng bayan, batay sa ating mga kongkretong pangangailangan at maaaring lahukan ng lahat.

Samakatuwid, isang paaralang mapagpalaya, paaralang tumutugon sa mga pambansa at demokratikong hangarin ng masa.