close
Maralitang Lungsod

Sa lamig ng lansangan ng Baguio


Malamig ang klima sa lungsod ng Baguio, kaya higit na nakakalungkot makakita ng mga namamalimos at walang tahanan sa bawat kalsada at overpass. Pero ano nga ba ang kuwento nila’t napilitan silang mamalimos?

Malamig ang klima sa lungsod ng Baguio, kaya higit na nakakalungkot makakita ng mga namamalimos at walang tahanan sa bawat kalsada at overpass. Lahat sila, may tinatagong kuwento.

Tubong Mountain Province si Diego Dangla, 51 anyos. Nagtungo siya sa Baguio noong 2009 para magtrabaho at masustentuhan ang pamilya. Tatlong taon na siyang namamalimos dahil hindi na siya makapagtrabaho.

“Dati kasi akong construction worker. Nahulog kami mula sa scaffolding,” sabi ni Dangla. “Bigla na lang bumigay ‘yong scaffolding tapos napuruhan ‘yong baywang ko.”

Bakas ang lungkot sa mata niya. “Pinilit ko noon na magtrabaho ulit pero hindi ko na kaya,” ani Dangla.

Hindi na bumuti ang kondisyon ng kanyang baywang matapos ang aksidente. “Na-trauma na rin ako noong nahulog kami kaya ayoko na rin bumalik sa construction site,” aniya.

Para sa kanya, basta may maipambibili ng pagkain, ayos na. Kapag pumatak ang suwerte, P500 ang pinakamalaking nalilimos ni Dangla sa isang araw pero kung maalat naman ang panahon, P100 lang ang kanyang natatanggap.

Mayroong kamag-anak si Dangla sa lungsod pero nang hindi sila nagkaintindihan isang araw, pinili na lang niya ang matulog sa lansangan.

“Mahirap. Ang lamig. Tinatamaan rin ako ng sakit kapag sobrang lamig lalo na ngayong buwan,” ani Dangla.

Palipat-lipat si Dangla ng lugar na kanyang pagtutulugan pagsapit ng gabi—sa damuhan, kalsada o waiting shed. Kung saan man siya tamaan ng antok.

At kung may bagyo, matatagpuan si Dangla sa terminal ng bus na malugod siyang pinapatuloy basta’t ‘wag lang raw siya gagawa ng masama.

Sa bawat gabi, hindi niya maiwasang malungkot dahil sa lagay ng kanyang buhay. Tingin niya, hindi rin maganda kung babalik siya sa kanyang pamilya sa Mountain Province.

“Hindi naman ako makatulong kapag bumalik ako sa probinsya. Useless rin,” aniya.

Sa kabila ng lahat, nakukuha pa rin niya maging positibo. “Basta’t manalangin sa Diyos, hindi mawalan ng pag-asa. Kahit papaano, nabubuhay,” ito ang mga salitang laging sinasabi ni Dangla sa sarili. 

“Noong Pasko, ang daming magagandang tanawin, naging masaya ako.”

Bukod kay Dangla, isa rin si Anghelo Magtibay, 34 anyos, sa mga pinili na lang ang mamalimos at manatili sa lungsod kaysa ang bumalik sa kanyang pamilya. 

“Dati akong construction worker bago ako mamalimos rito, pero no’ng pandemic pa ‘yon,” kuwento ni Magtibay.

Hindi tubong Baguio si Magtibay at nagpalipat-lipat mula Batangas papuntang Olongapo hanggang sa makarating siya sa lungsod.

“Broken family ako. Wala akong kinalakihang magulang,” ani Magtibay na may halong lungkot sa mukha.

“Bata pa lang kasi ako, nasa kalye na ako,” dagdag niya. “Nagtrabaho naman ako pero tinanggal ako.”

Sa kabila ng pinagdadaanan ni Magtibay, balak pa rin daw niyang maghanap ng trabaho pero hindi niya alam kung paano at saan magsisimula.

Nasa P500 ang nakukuha ni Magtibay kapag pabor sa kaniya ang panahon at P200 naman kapag dumadalaw ang malas.

Kahit may mga tumutulong kay Magtibay, nandiyan pa rin ang mga taong may nasasabing masama tungkol sa kanya. Sabi nila, “Ang laki-laki ng katawan tapos hindi maghanap ng trabaho.”

“Sanay na ako. Hindi naman ako mabubuhay kung dadamdamin ko ‘yon,” ani Magtibay.

Ang mga magulang ni Magtibay ay may sari-sariling  na rin mga buhay. Kilala niya ang kanyang mga kapatid pero ayaw raw niyang bumalik sa kanila. 

“Noong minsang na-post ako, imbis na tulungan nila ako, puro masasakit na salita lang ang natanggap ko,” aniya.

Kaya para sa kanya, mas magiging masaya pa siya sa Baguio kaysa sa pinagmulang komunidad.

Sa kabila ng mapait na relasyon nina Dangla at Magtibay sa kanilang mga pamilya, nakakahanap pa rin sila ng suporta at pagmamahal sa mga taong nagbibigay sa kanila at sa mga kapwa namamalimos nila.