close
Main Story

Katapat ng numero ang danas ng Pilipino

Kung datos lang ng gobyerno ang batayan, buo na ang imahen—ang mito—ng masiglang ekonomiya at umaasensong mga Pilipino. Pero may hindi matago-tagong kuwento ang administrasyon: nasa laylayan pa rin ang karaniwang manggagawa.

Magdiwang! Nasa 96.2% ng edad 15 pataas na bahagi ng lakas paggawa o 49.15 milyong Pilipino ang may trabaho ayon sa sarbey na isinapubliko nitong Abr. 8 ng Philippine Statistics Authority. Ito ang datos na ginamit sa balita ng Philippine Information Agency kung saan ibinida ng gobyerno na bumababa hanggang 3.8% ang bilang ng walang mga trabaho nitong Pebrero.

Ngunit kung itatapat sa datos ng Pebrero 2024 na 96.5% ang may trabaho at 3.5% ang walang trabaho, numinipis agad ang magandang balita. 

At kung tunay na sisinsinin ang kuwento sa likod ng mga numero mas madaling makikita na panaginip pa rin ang ipinagmamalaki ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na higit na dumarami ang magagandang trabaho.

“Isipin mo na lang, kung ang basehan ng may trabaho ay kung nakapagtrabaho ka ng isang oras sa isang linggo, at ang minimum wage sa isang araw ay nasa P600, magkano ang makukuha sa isang oras sa isang linggo?” puna ni Ferdinand Gaite, dating lider ng unyon sa publikong sektor at kasalukuyang ikatlong nominado ng Bayan Muna Partylist.

Setyembre pa ng nakaraang taon nang maging maugong sa balita ang teknikalidad ng Labor Force Survey kung saan binibilang bilang employed ang isang tao basta nakapagtrabaho siya ng kahit isang oras sa “reference period” ng sarbey, na kadalasa’y isang linggo.

Gaano man kaliit o kalaki ang kinita, binibilang na may trabaho ang Pilipinong may isang oras na nagtrabaho sa isang linggo. Macky Macaspac/Pinoy Weekly File Photo

Ayon kay Gaite, kahit pa totoo ang sinasabi ng gobyerno na sumusunod lang ito sa batayan ng International Labour Organization, lumalabas pa rin na hindi priyoridad sa datos ang makita kung nakabubuhay pa ba ang mga trabaho.

Sino ba ang kayang mabuhay nang may dignidad hawak ang mas kakaunti sa P600 kada linggo?

“Hindi tinitingnan ng administrasyong Marcos [Jr.] ang mas malalim na konteksto labas sa opisyal na estadistika,” sabi ng independent research group na Ibon Foundation. “Kinukuha ng manggagawang Pilipino ang anumang trabahong puwede, kahit pa hindi disente o hindi pirmihan, para lang may pagkain sa lamesa.”

Dagdag ng grupo, makikita sa sarbey ng gobyerno na may dagdag na 326,000 na manggagawa sa impormal na sektor at bahagi ito ng dahilan bakit mukhang dumarami ang may trabaho sa bansa.

Lumalabas anila na 42% ng lahat ng  Pilipinong may trabaho ay bahagi ng impormal na sektor na karaniwa’y kapos sa garantiya sa mga benepisyong nararapat sa manggagawa. 

Dehado ang mga bahagi ng impormal na sektor, ani Gaite, at sino mang pinagkakaitan ng pagkilala sa relasyon ng employer at employee tulad ng mga kontraktuwal na manggagawa.

Sa huling bilang noong 2024, may higit 832,000 kawani sa gobyerno ang kontraktuwal, mas mataas sa lagpas 600,000 noong 2023.

“Dapat itigil na ang kontraktuwalisasyon dahil liban sa paglabag nito sa karapatan ng manggagawa sa seguridad sa trabaho, paglabag rin ito sa pagtanggap nila ng mga benepisyo,” sabi ng dating kongresista.

Hindi raw dapat ituring na pribilehiyo ang disenteng pamumuhay para sa mga manggagawa.

Sa kabila ng sinasahod ni Ricardo Fernando, 41, bilang manggagawa sa Manila Bay Thread Corporation (MBTC) sa Marikina City, paminsa’y hindi na muna siya bumibili ng kailangang mga gamot dahil sasakto lang sa bigas at pagkain ang naiuuwi sa pamilya.

Kaya ganoon na lang ang panawagan niya para sa nakabubuhay na sahod, na sa tingin niya’y posible naman kung hindi uunahin ang korupsiyon o pagkamal ng salapi. Dapat aniya, “Bayan muna, bago bulsa.

“Kung si Duterte pumatay ng mga taong wala namang kasalanan noong [giyera kontra droga], si Marcos pumapatay ng mga nagugutom dahil sa taas ng presyo ng mga bilihin.”

Ganito inilarawan ni Malou Fabella, pangulo ng unyon ng MBTC-Marikina sa Marikina, ang estado ng mga manggagawa ngayong panahon ni Marcos Jr. 

Ani Malou, na 26 taon nang nagtatrabaho sa kompanya, kahit pa mas mataas nang bahagya sa minimum ang kanyang sinasahod, hindi pa rin sapat ito upang tustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya. 

“Kung pagkain lang ang gagastusan, kakasya naman sana e. Kaso may bayad sa bahay, kuryente, tubig, baon ng mga bata at kung ano pa, hindi talaga sasapat,” sabi ni Malou. “Ano pa kaya kapag minimum pa ako?”

Naging talamak din noong mga nakaraang taon ang madaliang pagpapatalsik sa mga kontraktuwal na manggagawa, kaya naman ipinaglaban ng kanilang unyon na sa tutukan ang mga manggagawang limang buwan na sa serbisyo. 

Bukod sa kahirapan sa regularisasyon at sa benepisyo sanang kalakip nito, hirap pa rin ang karaniwang mamamayan sa makakuha ng sahod na nakasasapat para sa pang-araw-araw na pamumuhay.

Para kay Ricardo Fernando, pagtaas ng sahod ang isang solusyon sa nagtataasang presyo ng mga bilihin at serbisyo. Jordan Joaquin/Pinoy Weekly

Nananatili sa P645 ang minimum na sahod pribadong sektor sa National Capital Region (NCR), halos kalahati lang ng tinatayang P1,200 na nakabubuhay na sahod ayon sa Ibon Foundation. 

Ang masama, mas maliit pa ang sahod ng mga manggagawang nasa labas ng NCR, gaya na lamang sa Bicol Region na nasa P395 at Bagsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na nasa P361.

Lumalabas din sa pag-aaral ng iba’t ibang research group na hindi naman naiiba ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa NCR at mga lalawigan—mas mahal pa nga dahil sa patong sa transportasyon ng mga produkto.

Isa rin sa mga ipinapanawagan ang pagbuwag sa mga Regional Tripartite Wages and Productivity Board. Itinatalaga ito ng National Wages and Productivity Commission sa ilalim ng Republic Act 6727 o Wage Rationalization Act.

Patuloy rin na lumolobo ang presyo ng mga bilihin. Ani Fabella, “Mas una nilang pinatataas ang [presyo ng] bilihin kaysa sahod. [Tapos] ang sahod, kung hindi mo pa ipananawagan, hindi nila dadagdagan.”

Dagdag pa niya, imbis na bigas ang maging P20 gaya ng pangako ni Marcos Jr. noong 2022, petsay ang naging P20 ang isang tali kumpara sa dating P10 o P15 lang. 

Sabi pa nina Fabella at Fernando, marami na ring mga nagsialisan na sa MBTC dahil sa hindi maayos na pagtrabahuhan sa kanilang mga pabrika. 

Kaya naman upang mas mapalawak ang panawagan ng mga manggagawa sa regular na trabaho at nakabubuhay na sahod, hinihikayat ni Fabella ang mga kapwa manggagawa na magbuo ng unyon sa kani-kanilang mga kompanya para dalhin ang kanilang mga lehitimong kahingian. 

“Napakaganda ng may unyon, kasi ‘yon iyong kumbaga magiging sandalan mo, may kasangga ka sa problema sa trabaho,” paliwanag ni Fabella. 

Isang karapatan ang pag-uunyon sa mga pagawaan alinsunod sa Article XIII, Section 3 ng Saligang Batas. Karapatan ng manggagawa na makapag-unyon at makipagtawaran sa kanilang mga employer sa pamamagitan ng collective bargaining agreement (CBA). 

Ayon sa ikasiyam na nominado ng Bayan Muna Partylist na si Lean Porquia, mahalaga ito dahil sa “patuloy na lumalalang sitwasyon ng mga manggagawa sa nagdaang mga administrasyon.”

Dahil sa patuloy na pamamayani ng union busting, pananakot at kawalang kaalaman sa kanilang karapatan bilang manggagawa, nananatiling tikom ang bibig ng mga obrero na ipaglaban ang sahod at benepisyong nararapat sa kanila.

Ayon kay Porquia, kita ito sa mababang bilang ng mga manggagawang bahagi ng unyon, kung saan halos nasa 700,000 hanggang 800,000 lang ang bahagi ng isang unyon sa kabila ng halos 56 milyong manggagawa sa bansa. Wala pang 100,000 sa mga ito ang may CBA. 

“Huwag silang matakot na sila ay magtayo ng unyon, kasi hanggang ngayon, regular man o hindi, nakukuntento sila doon sa sinasabi nilang ‘maganda naman nakukuha namin e.’ Pero hindi nila alam na kahit anong ganda ng nakukuha nila sa management, pero sa dulo niyan, sila pa rin ang kawawa,” ani Fabella. /May ulat mula kay Jordan Joaquin