Mga libro sa PBB
Ang anyaya ng pagbabasa ang isa sa mga tarangkahan patungo sa papakipot na espasyo ng kritikal na pag-iisip.

Nakapukaw sa aking atensiyon ang isang artikulo mula sa Cosmopolitan Philippines tungkol sa mga binabasang libro ng mga housemates sa reality show na Pinoy Big Brother. Sa artikulong “What Books Are PBB Celeb Collab Housemates Reading?,” inilista ang mga pamagat gaya ng “The Subtle Art of Not Giving A F*ck” ni Mark Manson at “48 Laws of Power” ni Robert Greene.
Madalas kong maengkuwentro ang mga pamagat na ito sa mga komersiyal na bookstore, maging sa mga rekomendasyon sa BookTok. Self-help books ang taguri sa genre ng mga aklat na ito na nagbibigay ng “no nonsense” na mga tagubilin sa pagpapaunlad ng sarili—o mas tumpak na sabihin, kung paano makaka-survive sa daigdig ng indibidwalismo at kompetisyon.
Sa loob ng bahay ni Kuya kung saan ang mga ugnayan ay nakabatay sa kompetisyon ng pagpapakatotoo bilang isang currency upang makahatak ng mga manonood, medyo akma ang mga selection ng babasahing ito.
Malimit na naididikit din ang mga librong ito sa tinatawag na subkulturang “incel” na hango sa “involuntary celibacy.” Madalas na nakaugat ang kulturang incel sa hanay ng mga kalalakihang kabataan—lalo na sa Kanluran—sa kabiguang magkaroon ng romantikong relasyon. Nauuwi ang mga personal nilang sentimyento sa pagbuo ng isang misogynistikong pananaw sa lipunan. Politika ito ng ngitngit na salalayan ng pagpapalaganap ng maka-Kanang ideolohiya lalo na sa internet.
Kagaya ng maka-Kanang ideolohiya na laging naipapadron sa pragmatismo ng araw-araw, may anyaya ang mga babasahing self-help lalo pa’t may pangako ang mga ito ng praktikal—malimit na in-your-face—na pagtugon sa araw-araw na suliranin ng publiko.
Mula sa kakulangan ng kompiyansa sa sarili, pakikitungo sa toxic na katrabaho, kawalan ng sexual appetite at pagbuo ng atomic habits, nariyan ang genre ng self-help upang gabayan tayo sa ating araw-araw na desperasyon.
Para silang user manual sa ating mga buhay na parang mga produktong ikinakalakal na rin at ina-unbox para sa kaligayahan at interes ng mga puwersang mas malalaki kaysa sa atin.
Ang anyaya ng pagbabasa ang isa sa mga tarangkahan patungo sa papakipot na espasyo ng kritikal na pag-iisip. Lumiliit ang oras sa pagbabasa sa panahon ng flexibilized na trabaho kung saan burado na ang hangganan ng buhay at trabaho. Sa mga naipupuslit na sandali, napapadpad naman tayo sa overstimulating na espasyo ng ating mga smartphone.
At sa kakapiranggot na sandali para humawak ng libro, naitutulak tayo sa self-help book na isang industriyang nakadisenyo upang bumuo ng band-aid solution sa ating mga diskuntento. Burado ang malaong pag-uugat ng ating mga suliranin dahil may inilalakong ilusyon na tayo ang superhero ng ating gutay-gutay na mundo.
Naniniwala ako na mahalaga lagi ang pagbabalik sa mga pahina ng libro. May meditatibong dimensiyon ang pagbabasa na bahagi rin ng proseso ng malalim na pag-iisip, pag-uusisa at pagsusuri.
Kaugnay nito ang pagsampalataya na ang bawat pagbabasa ay lumilikha ng gutom para sa malaong pagbabasa, marahil patungo sa mga pampanitikang akda na porma rin ng pagsusuri sa mga personal na ugnayan sa mas malawak na pamayanan at mga kaakibat na masasalimuot na isyu nito.
Ito ang sampalataya na lalabas tayo sa mapanganib na pragmatismo sa mga librong self-help patungo sa mga babasahing lumalampas sa ating mga pansariling ngitngit, kung saan hindi tayo nag-iisa sa ating mga araw-araw na pakikibaka.