close
Balik-Tanaw

Isang dekada matapos ang trahedya sa Kentex


Ang trahedya sa Kentex noong Mayo 13, 2015 ang pinakamalaking sunog sa pabrika sa Pilipinas na may 72 na namatay.

Binalot ng maitim at makapal na usok ang Kentex Manufacturing Corporation noong May 13, 2015 habang natutupok ang pagawaan. Dahil sa kakulangan ng maayos na fire safety measures at bentilasyon, mabilis na kumalat ang apoy na nagtagal ng pitong oras at hirap makalabas ang mga empleyado. 

Dahil sa kapabayaan ng korporasyon, 72 manggagawa ang nasawi. Ang trahedya sa Kentex ang pinakamalaking sunog sa pabrika sa Pilipinas na may malaking bilang ng namatay.

Matapos ang isang dekada, hustisya pa rin ang sigaw ng mga naulilang pamilya.

Nagpasa-pasahan ang mga taong sangkot, mula sa may-ari ng Kentex, dating alkalde ng Valenzuela at mga opisyal ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Base sa mga naunang report, kasalanan umano ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela ang pagbibigay ng business permit sa Kentex. Samantala, ayon naman sa alkalde nito noong 2015 na si Rex Gatchalian, sinunod nila ang pamantayan ng Department of Interior Local Government  sa mas madaling pagkuha ng business permit. 

Inalmahan din ng BFP ang puna sa gobyerno dahil ayon sa rekord ng lokal na ahensya, pumasa raw sa fire safety standards ang pabrika noong Setyembre 2014, walong buwan bago ang trahedya. 

Agad na tinanggal sina Superintendent Mel Jose Lagan at Senior Inspector Ed-groover Oculam sa kanilang mga posisyon bilang tagapamuno sa Valenzuela Fire Station at tagapangasiwa sa kahandaan ng mga lokal na establisyemento.

Panawagan ng Kilusang Mayo Uno at Institute for Occupational Health and Safety Development, hustisya para sa kaanak ng mga namatay, pagpapabuti ng lugar-paggawa sa buong bansa at maayos na benepisyo sa mga manggagawa.

Tatlong taon na nang maisabatas ang Republic Act 11058, kung saan pinaghigpit ang mga employer sa pagsunod sa Occupational Safety and Health (OSH) Standards. 

Layon nitong masigurong ligtas ang lugar-paggawa, protektahan ang mga manggagawa sa sakit, pinsala, o pagkamatay at mangasiwa ng sapat na audit at training ang mga kompanya.

Sa kabila ng pagpapatupad ng Republic Act 11058, may ilang mga pabrika pa rin ang hindi lubos na sumusunod. Halimbawa na lang ang kapabayaan ng MEC Electronics Corporation sa kanilang mga babaeng empleyado na nagkakaroon ng isyu sa reproductive health dahil sa mga kemikal sa pabrika.

Kaya kasabay ng panawagan sa hustisya at ligtas na lugar-paggawa, panawagan din ng mga grupo ang parusahan ang lumalabag sa OSH Standards.