close

Espasyo ng pakikibaka 


Ipinalabas sa isang film forum ng Respond and Break the Silence Against the Killings (Resbak) sa SinePop Cubao ang dokumentaryong “Dambuhalang Panganib sa Pakil” ng Film Weekly. naging daan para talakayan ng mga taga-Pakil ang pagtutol sa ginagawang dam sa kanilang kabundukan.

Hindi nahihiwalay ang sining sa buhay ng komunidad. Ito ang nagiging lunsaran ng karanasan ng mga tao at tagahubog ng kanilang identidad. 

Sa film forum na inorganisa ng Respond and Break the Silence Against the Killings (Resbak) noong Hun. 13 sa SinePop Cubao, ipinakita ng dokumentaryong “Legiun of Flexibility: 20 Centimeters per Year” ang papel ng Indonesian art collective na Grobak Hysteria sa pagpapalakas ng diskurso sa mga isyung panlipunan at sa pagpapanatili ng kultura ng komunidad. 

Ibinahagi ni Akhmad Khairudin, direktor ng dokumentaryo, na nabuo ng Semarang Studio ang kanilang proyekto mula sa tpakikibahagi sa mga bumubuo ng Grobak Hysteria. Mula rito, nalaman nila ang mga problemang kinakaharap ng mga lokal.

“Nandito kami para bigyang-pansin ang nangyayari sa lugar at bumuo ng konteksto. Marami kasing mga artista ang gumagawa ng sining, ng exhibition, nang hindi tinatalakay ‘yong konteksto sa lugar,” sabi ni Khairudin sa Ingles. 

Mula sa pagtatahi ng iba’t ibang mga karanasan, layunin nila na mas ilitaw pa ang kolektibong memorya ng komunidad. 

Ang pagpapanatili rin ng kolektibong memorya ang naging misyon ng Resbak para mabuo ang koleksiyon ng mga panayam sa mga pamilyang biktima sa giyera kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. 

“Sa Resbak, lahat ng mga artista namin, para sa pagpapanatili ng kolektibong memorya. Mayroon kaming mga aktor sa teatro, pintor, litratista; ‘Yong aming alyansa, mayroong mga manunulat, mamamahayag – lahat kami nagsasama-sama para isulat at panatilihin yung memorya ng mga inhustisya,” sabi sa Ingles ni Benjamin Mirasol mula sa Resbak. 

Sa kabila naman ng malaking panganib sa buhay ng mga residente sa Pakil, Laguna dala ng pagpapatayo ng Ahunan dam (o ayon kay Kiri Dalena, mas naaangkop na tawaging Razon’s Dam bilang proyekto ng kompanya ng bilyonaryong si Enrique Razon), hindi nabibigyang tuon ng dominanteng midya ang mga sentimyento at karanasan ng mga lokal sa lugar.  

Naging daan ang dokumentaryong “Dambuhalang Panganib sa Pakil” ng Film Weekly para ihayag ng mga residente ang danas nilang pang-aatake ng gobyerno dahil sa pagtutol ng komunidad sa nasabing proyekto. 

Aktibong nakilahok sa produksyon ng dokumentaryo ang grupong Mamamayang Nagmamahal sa Pakil (Manapak) na nabuo dahil sa iisa nilang layunin na protektahan ang kanilang lupain at kabuhayan.

Malapit para kay Daisy Macapanpan, miyembro ng Manapak, ang usapin ng Ahunan dam dahil maaari nitong maapektuhan ang buhay ng mga katulad niyang nagmula sa uring magsasaka. 

Ipinaliwanag ni Daisy Macapanpan ng Manapak sa ginanap na Resbak post-discussion forum noong Hun. 13 na lubhang maaapektuhan ng proyektong Ahunan dam sa Pakil, Laguna ang buhay ng mga residente sa lugar. M.A. Abril/Pinoy Weekly

“‘Yong mga unang tao [rito sa Sierra Madre], mayroong bundok, mayroong dagat, mayroong palayan. ‘Yan ang inaalis. Usapin ‘yan ng food security,” sabi ni Macapanpan. 

Isinalaysay naman ng visual artist at residente ng Pakil na si Aba Lluch Dalena ang nangyayaring pangagamkam ng lupa sa kanilang lugar. 

“‘Yong mga farmers ay pinapa-stop na silang magtanim. Nilagyan na ng mga signs na ‘This is for the Department of Energy project.’ May land grab talaga without notice. Nagulat na lang sila, nakalagay na ‘yon,” sabi ni Dalena. 

“Katulad ng nangyari sa Pakil, mayroong pakikialam ng gobyerno, mayroong pagbabanta ng puwersa ng estado, panghahasik ng takot na dumdating sa puntong sasaktan ka, ipapakulong ka at ang pinakamalala, papatayin,” sabi ni Joanna Robles mula sa Film Weekly. 

Hindi rin naging madali ang proseso ng pagbuo ng dokumentaryo tungkol sa mga residente ng Pakil. Sa kabila ng mga limitasyon, itinutuloy ng mga artista at dokumentarista ang pagtambol sa karapatang magpahayag. 

“Limitado na ang nagiging espasyo para sa mga artista pero kailangang lumaban – nandiyan pa rin ang paglaban,” sabi ni Robles sa Ingles.