close
Main Story

Puhunan sa pag-aaral 


Bagama’t may katotohonang malaki ang problema sa kalidad ng edukasyon sa bansa, ang isang hindi maitatangging realidad, nananatiling mailap ang edukasyon para sa mga hindi kayang magbayad.

Philippine News Agency

Pasukan na naman! Ito ang unang taon na muling ibinalik sa lumang academic calendar ang school year. Ayon sa Department of Education (DepEd), nakatakdang magsimula ang klase para sa school year 2025-2026 sa darating na Hunyo 16 at matatapos sa Marso 31, 2026. 

Binuksan na ng mga pampublikong paaralan ang early enrollment noong Enero hanggang Pebrero, habang ang regular na enrollment ay magsisimula naman isang linggo bago ang unang araw ng klase. Sa nakaraang taon, mahigit 23 milyong estudyante sa elementarya at hayskul ang naitalang nag-enroll sa buong bansa, mayorya sa pampublikong paaralan.

Sa magkabiyak na sina Sarah Valdes at Van Sulitas, magkahalong pananabik at pangamba ang kanilang nararamdaman sa pagsisimula ng kanilang anak sa Grade 1 ngayong taon. Nasasabik silang makitang makihalubilo sa mas maraming bata at makitang lumalaki ang kanilang anak, habang nangangamba din sa gastos lalo pa’t sa pribadong eskuwelahan mag-aaral ang bata. 

Anila, gusto man sana nilang ipasok sa pampublikong paaralan ang anak, hindi sila naeengganyo sa kalagayan ng mga pampublikong paaralang malapit sa kanila. “Maganda sana ang public school—libre, pero hindi kami tiwala sa gobyerno,” sabi ni Sarah.

Naging batbat ng kontrobersiya ang DepEd sa ilalim ni Vice President Sara Duterte matapos malantad noong sa ulat ng Commission on Audit (COA) ang nasa P12.3 bilyong pondo ng kagawaran noong 2023 na sinisingil pabalik ng COA dahil sa hindi tamang paggamit. Sa parehong ulat ng COA, nailantad din ang mahigit P15 milyon pondong hindi nagamit para sa iba’t ibang proyekto ng kagawaran. Sa 6,379 na target na itayong silid-aralan noong 2023, 192 lang ang natapos. 

Abot-tainga ang ngiti ng pamilya Sulitas sa moving up ng kanilang anak. Van Sulitas/Kontribusyon 

Liban sa malaking kakulangan sa mga silid-aralan, patuloy ding hinaharap ng pampublikong edukasyon ang problema sa kulang na mga libro, malaking class size, kulang na mga guro, at kahit ang kalidad ng kurikulum sa mga eskuwelahan. 

Sa pinakabagong report ng Education Commission II, ang komisyong binuo sa bisa ng Republic Act 11899 noong 2022 para pag-aralan ang kalagayan ng sektor ng edukasyon sa bansa, dahil sa patong-patong na mga isyu, karamihan sa mga estudyanteng nasa Grade 3 na, kapos ng isa hanggang dalawang taon ang pagkatuto.

“Lalala lang ito kapag nagtuloy-tuloy ito sa kanilang pagtanda, tulad ng nakita ng Komisyon sa mga DepEd learning camp na may mga Grade 8 at 9 na hirap sa simpleng subtraction at multiplication,” sabi sa report.

Pagpili para sa bukas

Maraming pinagtanungan sina Sarah at Van bago makapili ng eskuwelahang papasukan ng anak. Liban kasi sa halaga ng matrikula at iba pang bayarin, gusto rin nilang matiyak na maganda ang mga pasilidad at maayos ang kultura sa loob ng paaralan. 

May mga paaralan pa nga raw na nagpapabayad na agad na “assessment fee.” Sa unang pinuntahan nila, nasa P55,000 na aniya ang matrikula, hindi pa kasama ang libro at mga notebook. May nakita din naman silang mas mura, nasa P38,000 kada taon, pero hindi naman nila nagustuhan ang mga nababasa tungkol sa paraan ng pagtuturo at kultura doon. 

Nagpasya silang ipasok ang kanilang anak sa isang kilalang eskuwelahang malapit lang din sa kanila. “Established ang school, maganda ang facilities, kasama na ang libro, uniform at miscellaneous fees, P54,000 buong taon. Pwede pa ma-discount if maagang [mag-eenroll]. Okay ang facilities, culture, at malapit lang,” sabi ni Sarah.

Sa karanasan nila, “best deal” na ang napili nilang paaralan. Hindi hamak na mas mura ito kaysa sa mga malalaki at mas kilalang pribadong paaralan na aabot ng P70,000 hanggang P80,000 ang matrikula ng Grade 1. 

Sa Basic Education System, nasa 12 taon nag-aaral ang isang bata. Sa halagang P70,000, higit isang milyon ang kailangan para makatapos hanggang Grade 12 ang isang estudyante. Malaki pa ang tsansang mas tumaas ang halaga dahil sa taunang pahintulot na magtaas ng matrikula.

Malaking hakbang para kina Sarah at Van ang pagpasok ng anak sa elementarya, lalo pa’t hindi kalakihan ang kanilang sahod. Ayon kay Van, hindi maiiwasang maghigpit ng sinturon.

Liban kasi sa pag-aaral ng anak, patong-patong ang buwanang mga gastos. Kung pagsasamahin ang kinikita ng dalawa, halos sakto lang ito para sa kanilang mga pangangailangan.

Ngayong magsisimula ang klase, inaantay pa ni Sarah ang kanyang anim na buwang sahod para makabayad ng matrikula, makabili ng mga gamit sa school, at makabawas ng ilang mga utang. 

Sa inilabas ng Department of Trade and Industry na gabay sa presyo ng mga school supplies ngayong taon, nasa 17 produkto ang natalang magtataas ng presyo, habang 29 ang bumaba, at nasa 101 na produkto ang nananatili sa dating presyo. 

Buti na lang ayon sa mag-asawa na mas malapit ang eskuwelahan sa kanilang bahay kaya mababawasan ang gastos sa pamasahe. Pero dahil pareho silang nagtatrabaho, tiyak na lalaki ang gastos sa baon dahil hindi nila maipapangakong araw-araw makakapagluto ng pambaon. 

Pinaghahandaan na rin nila ang mga gastos sa field trip, kung ano-anong project sa mga klase, mga costume tuwing may programa, at kung ano pang hahanapin na kagamitan ng mga guro. 

Proud na hawak-hawak ng munting nagtapos ang kanyang sertipiko. Van Sulitas/Kontribusyon 

“Ang hirap umasa sa gobyerno. Kailangan talaga mag-assert ng ating mga karapatan, katulad ng [paano nakamit] ang free tuition… Sana ma-improve din ang facilities ng public school, libro, bayad sa teacher, ratio ng student to teacher,” ani Sarah.

Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, pinag-aaralan ng kagawaran ang pagpapatayo ng 15,000 dagdag na silid-aralan sa ilalim ng mga private-public partnerships (PPP) at pagkuha ng 16,000 karagdagang guro. Ito ay sa kabila ng walang katiyakang pananatili ni Angara bilang kalihim ng kagawaran. 

Hindi pa man nakakatapos ng kanilang mga pag-aaral sina Van at Sarah, hangad nilang makatapos ang kanilang anak. “Sa practical side, ayaw ko na matulad siya sa akin, na dahil wala akong diploma, kahit kaya kong gawin [ang trabaho], binabarat ako,” ani Sarah. Para sa kanya, higit sa diploma, nais niyang maging isang critical thinker ang anak at lumaking may pakialam sa kanyang paligid. 

Mailap na pangarap 

Bagama’t may katotohanang malaki ang problema ng kalidad ng edukasyon sa bansa, ang isang hindi maitatangging realidad, nananatiling mailap ang edukasyon para sa mga hindi kayang magbayad. 

Sa kabila ng pag-aagawan kung kanino dapat mapunta ang papuri sa pagsasabatas ng libreng matrikula, nawawala sa larawan ang mga kagaya ni Jolina (hindi niya tunay na pangalan), isang nursing student mula sa Camarines Sur na napilitang tumigil dahil hindi na kayang tustusan ang matrikula at iba pang gastusin sa kolehiyo. 

Listahan ng mga bayarin nina Jolina at Samantha, mga nursing student, sa isang semestre. 

Sa kabila ng pangako ng libreng matrikula, limitado pa rin ang nakatatanggap nito. Ayon sa batas, tanging mga kabataang nakapasok sa state universities and colleges (SUC) at mga local universities and colleges (LUC) ang pasok sa libreng matrikula. Sa datos ng Commission on Higher Education noong Nobyembre 2024, nasa 710 lang ang kabuuang bilang ng mg pampublikong unibersidad, habang nasa 1,709 ang pribadong pamantasan.

Si Jolina, dahil sa mga hindi inaasahang sirkumstansya, hindi niya nakumpleto ang mga requirements para makapasok sa isang SUC. Ito rin ang dahilan kung bakit napilitan siyang pumasok sa isang pribadong unibersidad sa kanilang kalapit na probinsya. Third year na sana siya sa kanyang kursong Nursing, pero dahil gipit sa pera, huminto siya ng pag-aaral.

“Financial talaga is my number one concern. Yes, my mom works abroad, pero marami pa ring bills na kailangang bayaran. Instead of adding more burden sa kanila, I decided to stop studying for now and focus on finding other opportunities,” ani Jolina.

Nagtra-trabaho siya bilang isang call center agent sa ngayon. Sinubok niyang pagsabayin ang trabaho at pag-aaral, pero nagbunga ito ng mga komplikasyon sa kanyang kalusugan.  

Sa pagbabahagi ni Samantha, estudyante rin sa parehong unibersidad ni Jolina, aabot ng halos P70,000 ang kanilang matrikula sa isang taon. Hindi pa kasama dito ang mga dagdag bayarin tuwing mayroon silang clinical duty sa katabing bayan. Sagot nila ang gastos para sa pagkain, transportasyon, at matutuluyan sa loob ng isang linggo na umaabot ng halos P3500 kada rotation. Nasa walo hanggang 10 rotation ang kailangan nilang bunuin, o P28,000 hanggang P35,000 na dagdag gastos.

Sa kabila ng malaking binabayaran, pareho ang tingin nina Samantha at Jolina na hindi nila nasusulit ang binabayad nilang matrikula.

“Marami kaming mga hindi nagagamit, pero pinababayaran pa rin sa amin ng school. Sa kurso namin, kailangan namin ng mga actual cases tuwing duty, requirement iyon, pero sa dalawang taon kong nag-aaral, hindi naman kami nabibigyan,” sabi ni Jolina, “Parang nagsasayang ng pera kasi hindi naman kami natututo.” 

Kung may pagkakataon, gusto pa rin ni Jolina makatapos ng pag-aaral, kagaya ng ibang kabataan. Ito ang nakikita niyang paraan para makaahon at makatulong sa kanyang pamilya. Pero hanggang nananatiling mataas ang singil ng mga eskuwelahan, mananatiling mailap na pangarap ang makamit ang diploma. 

Mensahe ni Jolina sa gobyerno, dapat gawing libre ang matrikula para sa lahat, babaan ang standard para sa scholarship, bigyang-pansin ang mga talagang nangangailangan. Hangad niya rin na matigil na ang korapsyon, imbes ibigay na lang ito sa edukasyon ng kabataan. 

Ang mga kwento nina Sarah at Van, at Samantha at Jolina, ay mga buhay na patotoo na nagpapatuloy ang laban para gawing tunay na libre ang edukasyon para sa lahat.

Hindi isang batas ang babago sa sistema ng edukasyon sa bansa. Sa kabila ng libreng matrikula para sa kabataan, nananatiling malalim at nakaugat ang negosyong operasyon ng edukasyon sa bansa.  #