Baha
Huwag hayaang basta-basta lang lulusong ang mamamayan nang hindi sigurado. Mahalaga ang pagsulong na alam ang tamang impormasyon at matalas na tindig.

Sa panahong wagas ang paglusong, paano maaasahan ang pagsulong?
Sa gitna ng matinding pag-ulan, huwag sabihing “masungit” ang panahon. Walang kasalanan ang langit o sinumang kinikilalang diyos sa malalakas na hangin at ulang dahilan ng pagkapuyat ng marami nating kababayan.
Tandaang iba ang masungit ngayon. Napakasama kasi ng preparasyon ng pamahalaan. Kahit walang bagyo, napipilitang suspendihin ang klase’t trabaho sa gobyerno. Kahit kaunting ulan lang, posible na ang pagbaha. Aba, may mga lugar sa Metro Manila na permanente na ang baha kahit tag-init. Hindi lang masungit ang pamahalaan, inutil pa.
Walang paghahanda, puro palusot. Walang pagpapahalaga, puro kurakot.
Kung ang tanong noon ay ano ang nangyari sa milyon-milyong confidential at intelligence funds, ang tanong ngayon ay nasaan na ang mga bilyon-bilyong pondo para sa flood control, calamity fund at iba pang programa para sa kaligtasan ng mga naghihirap na mamamayan.
Sadyang walang maniniwala sa anumang palusot habang nagbabasa, nanonood o nakikinig ng balita mula sa bubong ng bahay at naghihintay na iligtas sa matinding pagbaha. Normal ang pagsuspetsahang kinurakot ang kaban ng bayan kung halatang tumataba ang bulsa ng mga nasa kapangyarihan.
Puro palusot at kurakot na, napakainsensitibo pa. May mga opisyal na idinaraan sa biro ang mahahalagang abiso kung may pasok o wala. Nariyan din ang ilang opisyal na ginawang “raffle”ang ayuda dahil ito naman daw ay sariling pera. At sa gitna ng krisis, may nagnanais na magsuntukan at may paghahanda nang ginawa, kasama ang pagpapagawa ng boxing ring.Mahaba ang listahan ng mga manhid sa aktwal na pinagdaraanan ng mga pinagkakaitan.
Inaasahan sana ang midyang maghatid hindi lang ng pinakahuling balita kundi ng pinakamalalim na pagsusuri. Sa isang banda, kapuri-puri ang pagbibigay ng datos na magagamit para mailigtas ang mga residente ng apektadong lugar. Pero sa kabilang banda naman, bakit kaya hindi masyadong mapalalim ang diskurso sa lokal at pambansang kalagayan?
Sadyang walang maniniwala sa anumang palusot habang nagbabasa, nanonood o nakikinig ng balita mula sa bubong ng bahay at naghihintay na iligtas sa matinding pagbaha. Normal ang pagsuspetsahang kinurakot ang kaban ng bayan kung halatang tumataba ang bulsa ng mga nasa kapangyarihan.
Para sa ilang news media organizations, tila mas mahalaga pa ang pagpapasikat sa mga guwapo o magandang peryodista nila. Sa halip na magpokus sa balita, ginawang balita ang tagapagbalita. Sa gitna ng matinding pagbaha, talagang ginawan ng paraan ang promosyon nila bilang artista para dumami ang views at tumaas ang clout. Hindi na kakaiba ang ilang news media organizations sa kulang-sa-pansin na influencers na gagawin ang lahat para lang makapag-monetize ng content. Nakakahiya na, nakakadismaya pa.
At sa panahong kailangang bigyang pansin ang nangyayari sa mga kababayang nangangailangan ng agarang tulong, mas tinutok pa ang mga kamera sa boxing gloves at conditioning exercises ng ilang personalidad dahil sa boksing ng dalawang opisyal na hindi naman sigurado kung matutuloy o hindi. Aba, pati ang isang politikong nag-volunteer para maging referee, binigyan pa ng airtime!
Walang mawawala kung hindi na ito papatulan pa ng midya dahil wala namang saysay ang retorika ng mga opisyal na kadalasang gumagamit lang ng maaanghang na pananalita. Kunwari pang gagamitin ang kikitain sa boksing para sa mga nasalanta ng bagyo. Kung gusto nilang tumulong, bakit hindi na lang direktang ibigay ang anumang pondong hawak nila sa halip na magboksing sa gitna ng krisis? Napaghahalata tuloy hindi lang ang walang lamang retorika kundi ang walang hiyang politikal na ambisyon.
Ganitong klaseng pagsasakonteksto ang kinakailangan mula sa midya dahil hindi lang bagyong nagreresulta sa baha ang rumaragasa sa Pilipinas. Nariyan din ang dalawang agarang bagyong malamang na magreresulta sa protesta.
Una, nakatakdang magbigay ng ikaapat na State of the Nation Address (SONA) si Marcos Jr. Hindi lang simpleng “tradisyon” ang mga pagkilos sa kahabaan ng Commonwealth Avenue. Kung sa mga nakaraang araw ay binaha ng maruming tubig ang kalsada, asahan ang pagbaha ng mga kritikal na indibidwal at grupo para ipakita ang tunay na kalagayan ng bayan.
Ikalawa, nagdesisyon na ang Korte Suprema hinggil sa pagiging “unconstitutional” ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ngayong taon. Sa susunod na taon na lang daw gawin dahil may mga teknikal na usapin sa pag-file ng reklamo laban kay Duterte. Simple lang ang resulta ng ganitong desisyon: Wala pa ring sagot kung ano ang nangyari sa confidential at intelligence funds ni Duterte.
Para sa makabuluhang paghuhubog ng opinyong pampubliko, mahalaga para sa midyang suriin nang malalim ang dalawang isyung ito. Hindi na lang ito simpleng pagbibigay ng pinakahuling datos. Mahalaga rin ang malalim na pagsusuri.
Huwag hayaang basta-basta lang lulusong ang mamamayan nang hindi sigurado. Mahalaga ang pagsulong na alam ang tamang impormasyon at matalas na tindig. Iba’t ibang bagyo ang kinakaharap ng bayan. Hindi dapat masira ang kabahayan at kabuhayan. Itaguyod ang matibay na haligi’t paninindigan.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com