Bomba sa midya, bomba sa mamamayan
Higit pa sa bomba ang dapat pansinin: ang midya ng Estados Unidos ay gumamit muli ng parehong lumang script—ang template ng propaganda mula sa Iraq War noong 2003—para bigyang katuwiran ang bagong giyera.

Noong Hun. 22, pito sa pinakamodernong B-2 Spirit bomber ng Estados Unidos ang lumipad mula Whiteman Air Force Base sa Missouri para isagawa ang Operation Midnight Hammer—isang aerial raid sa nuclear facilities ng Iran. Tinawag ito ng Fox News na “pinakamalaking operasyon ng B-2 sa kasaysayan,” sabay ipinakita ang mga larawan ng GBU-57 “bunker-buster” na tila galing sa eksena ng pelikula.
Pero higit pa sa bomba ang dapat pansinin: ang midya ng Estados Unidos ay gumamit muli ng parehong lumang script—ang template ng propaganda mula sa Iraq War noong 2003—para bigyang katuwiran ang bagong giyera.
Bago pa man magsimula ang mga bomba, bumaha na sa CNN, Fox News at MSNBC ang mga ulat na ilang linggo na lang ay makakabuo na ng nuclear weapon ang Iran. Gayong sinabi mismo ng International Atomic Energy Agency (IAEA) na wala itong ebidensiya ng weaponization, mas pinaniwalaan pa rin ng midya ang mga leaked timeline ng White House.
Paulit-ulit na inihain sa publiko ang paniwala na ang pagsalakay ay “kailangang gawin”—isang opsyon na halos moral na obligasyon. Tulad noong Iraq, ginamit muli ang retorikang “banta sa mundo,” kahit wala pa ring matibay na ebidensiyang hawak.
Teknikal na dula, hindi tao ang sentro
Sa halip na ipakita ang epekto sa tao, ginawang technical spectacle ng Washington Post ang pagsalakay: mga satellite image ng mga crater, mga tonelahe ng bomba at mga pilot call-sign. Kapag nag-ulat ang Iran ng mga nasawi, agad itong pinapalitan ng disclaimer na “ayon sa Iranian state media”—isang paraan ng pagbura sa reyalidad ng pagkamatay, habang pinapalakpakan ang koordinasyon ng Estados Unidos at Israel.
Ang Fox News at CNN naman, piniling ipakita ang cockpit footage, CGI render ng bomba at infrared video ng pagsabog—lahat para ipakitang “malinis” at “eksakto” ang operasyon. Parang engineering marvel, hindi isang aktong militar na may dinurog na katawan.
Tulad sa unang Gulf War, binigyan ng karakter ang bomba. Sa Fox News, ginawang bida ang GBU-57A/B bunker-buster—buong segment ang inilaan para ipaliwanag ang vacuum-formed steel casing at smart tail fins ng bomba. Samantalang ang mga Iranian na namatay o nawalan ng gamot dahil sa mga sanction? Ibinaon sa ilalim ng mga ad at video footage ng operasyon.
Ang mga imahen ng mga nasunog na ospital sa Isfahan ay nasa dulo ng balita, kung sakaling maipakita man. Kung may naipakitang mga karatula na nagsasabing “No Insulin” sa mga botika, ito’y nasa ulat ng lokal na diyaryo, hindi sa prime time ng NBC.
Kuro-kuro pero hindi konsultasyon
Bagaman may mga lumabas na kritisismo sa loob mismo ng pampolitikang kampo ni Donald Trump, agad itong tinimpla at kinahon. Nag-quote ang Politico ng mga mambabatas tulad nina Rand Paul at Thomas Massie na tutol sa bypass ng War Powers Act. Pero agad ding nilinaw ng headline: “Pro-Trump GOP rallies around Iran operation after brief wobble.” Kinilala ang pagtuligsa, pero agad ding nilamon ng “consensus.”
Ganoon din ang reaksiyon sa ibang bansa: ang babala ng European Union ukol sa posibleng regional conflagration ay inilagay sa ilalim ng photo carousel ni Trump habang tinuturo ang target sa Situation Room. Sa kabuuan, ang pagtuligsa ay ipinapakita lang saglit para masabing “may debate,” pero hindi ito pinayagang makaapekto sa dominanteng naratibo.
Ang social media ay pinuno ng bomber footage, target graphics at pilot cams. Ayon sa Washington Post, sa TikTok pa lang ay bilyong views na ang naabot ng mga video tungkol sa pagsalakay. Samantalang ang balita tungkol sa bagong sanctions sa Iran o kakulangan ng gamot ay halos hindi lumabas sa mainstream feed.
Ang masinsinang saklaw ng mga epekto ng sanctions—kakulangan sa chemotherapy drugs, saradong neonatal units—ay nananatili sa likod ng coverage. Hindi dahil hindi ito mahalaga, kundi dahil hindi ito kasing kagila-gilalas sa pag-ani ng views kumpara sa isang B-2 bomber.
Pekeng manunubos
Para maging katanggap-tanggap ang digmaan, kailangang may kontrabida. At tulad ng ginawa kay Saddam Hussein ng Iraq, muling ipininta si Ayatollah Ali Khamenei ng Iran bilang “pinakamalaking banta sa mundo.” Ayon sa Fox News, “negosasyon sa isang evil jihadist regime ay pagtataksil sa malayang mundo.”
May mga clip pa ng mga hijab-burning protest mula 2022 na ginamit muli, para ipakitang sabik ang mamamayan ng Iran sa “kalayaan” mula sa sariling pamahalaan. Ngunit hindi ipinakita ang resulta ng mga sarbey sa loob ng Iran—na mas galit ang mamamayan sa sanctions kaysa sa bomba at napapaypayan ang nasyonalismo sa Iran tuwing may atake mula sa Estados Unidos o Israel.
Pelikula, hindi pag-uulat
Ang media coverage sa Iran strike ay hindi balita, kundi pelikula—isang remake ng Iraq 2003. Pareho ang storyboard: may banta, may teknikal na solusyon, may kaunting dissent, at sa dulo, may bombang bumagsak sa ngalan ng “demokrasya.”
Ang totoo, wala pa ring tunay na deliberasyon. Ang tinatawag nilang debate ay isang kontroladong palabas, at ang sinasabing “moral strike” ay isang military spectacle. Sa ganitong sistema, mahirap paniwalaang kapayapaan ang layunin—mas malinaw pa nga nitong ipinapakita na maaaring magbago ang teknolohiya ng mga digmang kolonyal, pero hindi ang kanilang kuwento.