Every piso counts
Sinigurado ko na sa aking mga susunod na biyahe pauwi, saktong P18 lang ang ibabayad ko, binadyet ko ang pamasahe ko dahil bilang estudyante, every piso counts.

Bente ang pamasahe sa jeepney galing Katipunan Avenue sa Quezon City papuntang SSS Village sa Marikina City, P18 kapag estudyante. Ito ang ruta ko araw araw ‘pag manggagaling ako sa eskuwelahan.
Noong second year pa lang ako, sumakay ako ng jeep pauwi galing Katipunan. Patok ‘yong nasakyan ko, may imahen ng mga Hello Kitty sa labas, pink ‘yong loob, nakakatindig balahibo sa lakas ang sound trip, at alam kong mabilis magpatakbo.
Puno na pala ang jeep na balak kong sakyan, kaso sa gigil kong umuwi ay nagpaalam ako sa drayber kung puwede ako sumabit. Napansin ko na ‘yong drayber ng jeep ay medyo bata-bata pa, mukhang kasing edad ko kaya alam kong papayag s’ya kapag sumabit ako.
Habang nakasabit, doon ko naramdaman ang tunay na ibig sabihin ng banking, tila ba walang pakialam si bossing sa aming mga nakasabit sa kanyang jeep sa sobrang bilis ng kanyang pag-swerve sa magkabilaang lane.
Kada bibilis ang takbo ng jeep, kusang hihigpit ang kapit ko sa bakal na nakalagay sa entrada para lang sa mga sumasabit. Nakakatakot, pero ang saya dahil doon mo mararamdaman ‘yong adrenaline rush sa katawan mo na kapag bibitaw ka, todas ka. Matapos ang mga sandali na ako’y kumakapit nang mahigpit, babagal ang jeep dahil may paparating na stoplight.
“Thank you, Lord. Sa uulitin naman mamaya.”
Ayan ang sinasabi ko sa sarili ko kada makakaligtas ako sa masayang peligrong dinala ko sa sarili ko, para makauwi lang nang maaga.
Pagkatapos ng 10 minuto sa aking pagsabit, may bumaba na pasahero.
“Yes! Makakapasok ako sa wakas.”
Sobrang saglit lang din ng kasiyaha ko noon nang maramdaman kong kalahati lang pala ng puwit ko ang makakaupo nang maayos sa jeep. Napakasikip na para bang konti na lang ay magiging palaman na ako sa pandesal, pero atlis nakaupo na rin ako.
Nag-abot ako ng P50 bill sa drayber dahil wala akong P18 na barya.
“SSS po, estudyante.”
Bumalik na sa akin ang sukli ko pero nagulat ako na P22 ang kinuha sa bayad ko. Nainis ako dahil sa dami ng pinagdaanan ko at sa sakit ng puwit ko, para bang siningil pa ako ng extra. Pero ‘di bale, ngayon pa lang naman nangyari ‘to sa akin.
Naulit ‘yong pangyayari na ‘yon ng isa, dalawa, tatlong beses hanggang sa may magkasunod na araw akong umuuwi na kulang ang pera dahil hindi nasusuklian nang maayos.
Kaya nag-isip ako ng paraan na makakasigurado na hindi ako maiisahan ng drayber.
“Isasakto ko ‘yong bayad ko para hindi ako magulangan.”
Matapos ang aking rebelasyon ay sinigurado ko na sa aking mga susunod na biyahe pauwi, saktong P18 lang ang ibabayad ko, binadyet ko ang pamasahe ko dahil bilang estudyante, every piso counts.
Kinabukasan, sumakay muli ako pauwi galing Katipunan at nag-abot ako ng saktong pamasahe. Ngayon, matanda ang nagmamaneho at ang jeep niya’y pangkaraniwan lang, nagtanong siya kung saan bababa ‘yong nagbigay ng saktong P18?
“Sa Lilac lang po, estudyante.”
Tumango lang siya. Yes! Gumana ang plano ko at nakumpirma ko na P18 lang talaga dapat ang pamasahe ko.
Naobserbahan ko rin na may unspoken rule ang pagbabayad sa jeep. Kapag uuwi ka at nakatira ka sa dulo ng ruta, hindi mo na kailangan sabihin kung saan ka bababa, basta tama ang ibinayad mo, at magbabayad ka sa mismong pagsakay mo.
Nakita ko ‘to no’ng may kasabay akong estudyante na sumakay na nagbigay kaagad ng saktong bayad, P18 lang. Tiningnan lang siya at tumango lang ang drayber na parang mayroon silang under the table na kasunduan.
Kinabukasan, inisip ko na gawin ito, pero ngayon sa patok na jeep na may batang drayber dahil ito ang una kong nakita na puwedeng sakyan pauwi. Pagkasakay ko, nagabot ako ng P18 at nagayos ng gamit sa bag.
Walang nagtanong kung kanino ‘yong P18 at kung saan bababa. Dalawa lang ang ibig sabihin nito: P18 ang estudyanteng galing Katipunan papuntang SSS Village at gumagana ang secret technique sa pagbabayad.
Simula noon, kapag ang baba ko ay sa boundary na mismo, ayan ang aking ginagawa. Hindi ito pumalpak at pakiramdam ko’y hindi naman ito papalya.
Naisip ko rin na hindi naman porke estudyante ako, mayroon na silang karapatan na gulangan ako. Hindi naman siguro mali na nakahanap ako ng paraan na magbayad nang tama’t sakto habang hindi nagpapahalata para hindi ako awayin ng drayber, o ‘di ba?