close
Muni at Suri

Gen AI

Habang matingkad na sino-shortcut ng mga bagong AI app ang pagbabasa at pagsusulat, matingkad ding naso-shortcut ang ilan sa mga batayang kakayahan at prosesong kinakailangan upang makabuo ng ideya, maging malikhain at mapaunlad ng kritikal na pag-iisip. 

Sa isang faculty conference na dinaluhan namin sa University of the Philippines Los Baños, ipinakilala sa amin ang application na gumagamit ng generative Artificial Intelligence (gen AI) upang makabuo ng silabus sa klase. Manghang-mangha kami sa husay ng app na ito na kayang buuin ang balangkas ng aming mga kurso at magmungkahi ng mga porma ng assessment sa pamamagitan ng mga prompt. Wika ng ilan sa amin, nalulutas ng app na ito ang mga bagay na karaniwang binubuno namin sa mahabang brainstorming.

Pero hindi iilan sa amin ang nabahala. Napasambit ako na “dystopic” ang senaryong inihahapag ng app na ito. Hindi ba’t trabaho rin dapat ng mga guro ang bumuo ng silabus? Aanhin pa nga naman ang talino at skill set ng mga guro kung mga app na ang gumagawa nito para sa amin? Ano nga ba ang implikasyon ng offloading ng trabahong ito sa gen AI sa pag-unawa namin sa aming tungkulin bilang guro? 

Malawak ang pagkabahala hinggil sa gen AI sa loob at labas ng akademya. Nariyan halimbawa ang paggamit ng mga gen AI system sa online data na maaaring lumalabag sa personal na privacy at maging karapatan ng malikhaing sektor (tandaan ang gen AI model na walang pahintulot na nakabatay sa mga anime ni Hayao Miyazaki). Sumulpot din ang isyu ng impact ng paggamit ng AI sa kalikasan dahil sa carbon footprint nito at pagiging resource intensive nito.

Sa isang banda, habang matingkad na sino-shortcut ng mga bagong AI app ang pagbabasa at pagsusulat, matingkad ding naso-shortcut ang ilan sa mga batayang kakayahan at prosesong kinakailangan upang makabuo ng ideya, maging malikhain at mapaunlad ng kritikal na pag-iisip. 

Sinasalamin ng pagso-shortcut na ito ang korporatisadong mentalidad na may mababang pagturing sa halaga ng mga kakayahan at prosesong ito. Lahat ito ay nakapadron sa lohika ng mabilisang produktibidad kung saan walang lugar ang masalimuot na praktika ng pagbabasa, pag-unawa, pag-usisa at pagbuo ng ideya. Kung mabagal ang tao, papalitan ito ng teknolohiya. Hindi nga ba’t ito rin ang dominanteng paradigm sa paggawa sa kasalukuyan?

Sa ngayon, totoong hindi maiiwasan ang martsa ng teknolohiya kung kaya’t ilang unibersidad na ang nagpasyang bumuo ng mga patakaran para sa etikal na paggamit ng AI. Bitbit ng mga patakarang ito ang layunin na tiyaking hindi nalalabag ang mga prinsipyo hinggil sa intelektuwal na responsibilidad.

Ngunit nananatiling nakalukob ang tendensiya ng “de-skilling” sa paggamit ng gen AI. Kung ipinagkakatiwala na natin ang iba’t ibang praktikang kognitibo at praktikal sa gen AI, paano pa natin napapanday ang kakayahang mag-isip, mag-usisa at lumikha? Ang mga kakayahang ito pa naman ang kinakailangan natin sa kasalukuyang pag-iral na batbat ng disimpormasyon at sunud-sunod na pag-atake sa ating mga demokratikong karapatan. 

Naniniwala ako sa potensiyal ng teknolohiya sa makatuwang sa ating mga kahingian. Ngunit ipinapaalala sa atin, lalo sa usapin ng gen AI, na mahalaga ang ahensya at salimuot na kaakibat ng pagiging tao sa panahon ng malaong dehumanisasyon.