Higit pa bilang palamuti sa kalangitan
Bago pa dumating ang Kanluraning astronomiya, ginagamit na ang ating mga ninuno ang mga bituin bilang mga gabay.

Kung titingala ka sa gabi, anong makikita mo? Maaaring ang sagot mo ay “Wala” o “Madilim na langit.” Bukod do’n, wala na. Malayo sa paglalarawan ng sinaunang mga Pilipino. Sa paglipas ng panahon at maraming mga inobasyong nagdulot ng pagkasira sa kalikasan, isa sa mga naapektuhan ang tinitingala nating kalangitan.
Sa libro ng etnoastronomiya ni Dante Ambrosio na “Balatik: Katutubong Bituin ng mga Pilipino,” inilalarawan kung paano naging parte ng kultura, kamalayan, identidad at kasaysayan ng Pilipinas ang pagsangguni sa mga bituin ng ating mga ninuno sa pangingisda, pag-ani, pangangaso, gayon na rin ang paglalayag sa karagatan.
Mayroong dalawang grupo ng mga bituin na kinikilala sa buong arkipelago: ang Balatik at Moroporo. Gawa ng maliwanag nitong mga bituin at estratehikong lokasyon sa langit, nakaaangat ito kumpara sa ibang talampad (constellation) sa kapuluan.
Ang Balatik—na sa Tagalog ay Tatlong Maria o Tres Marias at mas kilala sa Ingles bilang Orion’s Belt—ay tatlong bituing nakahilera na pare-parehas ang layo sa isa’t isa. Hawig ito sa patibong na ginagamit ng mga mamamayan noon.
Ang Moroporo naman, na kilala rin bilang Supot ni Hudas o Mapolon sa Tagalog o Pleiades sa Kanluraning astronomiya, kumpol ng pitong bituin malapit sa konstelasyon ng Taurus at Bull.

Karaniwang lumilitaw ang Balatik at Moropo kasabay sa angkop na buwan ng pagkakaingin mula ng Oktubre hanggang Mayo, tuwing Nobyembre hanggang Disyembre pinipili ang lupa. Nililinis naman ito mula Enero hanggang Pebrero, pinapatuyo ng Marso hanggang Abril at tsaka sinusunog para handa nang pagtaniman kasabay na rin nang pag-ulan sa Mayo.
Ito pa ang ilan sa mga naitalang mga talampad sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas: Talang Batugan na siyang gabay ng mga Tagalog sa pagpapastol; Losong sa Bisaya na mas kilala bilang Big Dipper; Torong, implikasyon na may paparating na bagyo ng mga Bikolano; Gagan-áyan o Orion ng Ilocos at; Bubu naman ang tawag sa Tawi-tawi sa talampad na hawig sa panghuli ng isda.
Ilan lang ito sa libo-libong talampad na tiningala at gumabay sa ating mga ninuno na hindi natin makikita sa kalangitan ng kalunsuran dahil natabunan na ng mga ilaw sa gabi at maruming usok, natatabunan rin pati na rin ang kasaysayan at pagkakakilanlan nating mga Pilipino.
Pundi man sa kalunsuran ang liwanag ng mga talampad, nakasisilaw naman ang kasaysayan nito sa pahina ng mga salita.