Ikalimang taon ng Anti-Terrorism Act
Noong Hun. 3, 2020, naging ganap na batas ang Anti-Terrorism Act na patuloy na ginagamit ng estado para supilin ang mamamayan.

Nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11479 o Anti-Terrorism Act of 2020 noong Hul. 3, 2020, matapos ang 19 na sang-ayong boto sa Senado.
Nagsilbing pamalit ang batas sa Human Security Act of 2007 na tinawag ni Sen. Panfilo Lacson bilang “dead letter law” dahil sa kakulangan ng seguridad na mabawasan ang terorismo sa bansa at matagumpay na pagtutol sa aktibidad ng isang grupo lang—ang Abu Sayyaf. Mariing kinondena ng bagong batas ang armadong pakikibaka at pagsali sa mga kilusan.
Ilang araw matapos maging ganap na batas, dalawang Aeta ang sinampahan ng kasong terorismo at inakusahang mga miyembro ng New People’s Army sa Olongapo City, Zambales. Napawalang-sala man noong Hulyo 2021, sunod-sunod na pananakot at red-tagging ang natanggap ng mga progresibong grupo at aktibista na nagresulta sa walang habas na padakip at pagkulong. Binigyang-higpit rin ng batas ang paglilitis sa peryodistang si Frenchie Mae Cumpio na kabilang sa “Tacloban 5” na hinuli noong Pebrero 2020.
Mula sa rehimeng Duterte hanggang sa kasalukuyang administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr., naitala ng grupong Karapatan na mahigit 400 na ang nasampahan ng kaso sa ilalim ng naturang batas habang 30 ang nananatili sa likod ng rehas. Ang kadalasang paratang sa mga hinuhuli—ang pagiging miyembro ng mga grupong may koneksiyon umano sa mga komunista.
Ilang daang Pilipino ang nagbuwis ng buhay para ipaglaban ang kanilang hangarin para sa malaya at makatarungang lipunan. Tuloy-tuloy pa rin ang pagkikibaka para sa hustisya ng mga biktima ng Anti-Terrorism Act at iba pang paglabag sa karapatan. Patuloy din na paggigiit sa pagsasabasura ng mga progresibong grupo sa batas.