Lindol sa Luzon ng 1990
Sa lawak nitong 120 kilometro, naitala ang epicenter ng lindol sa bayan ng Rizal, Nueva Ecija at sa hilagang-silangan ng Cabanatuan City.

Hulyo 16, 1990. 4:26 p.m. 7.8 magnitude. Higit 1,200 ang binawian ng buhay. Mga numerong yumanig sa buhay ng mga taga-Luzon.
Ang 1990 Luzon Earthquake ang naitalang pinakamapaminsalang lindol sa Pilipinas. Sa lawak nitong 120 kilometro, naitala ang epicenter ng lindol sa bayan ng Rizal, Nueva Ecija at sa hilagang-silangan ng Cabanatuan City.
Matindi rin ang pagyanig na naramdaman sa Baguio, Cabanatuan at Dagupan sa Pangasinan na siyang nag resulta sa pagkasira ng mga gusali. Hindi rin nakaligtas sa pinsala ng lindol ang Metro Manila.
Liban dito naitala rin ang mga landslide sa Hilaga at Gitnang Luzon. Ang mga lalawigan ng Tarlac, Pangasinan at La Union, inalerto rin sa posibilidad ng mga sinkholes dahil sa lubusang pag-alog ng lupa—naghihiwa-hiwalay ang matibay na lupa at unti-unting natutunaw sa tubig.
Sa isang minutong tagal ang lindol, bumigay ang mga gusali na pangunahing dahilan ng pagkamatay ng libong katao. Habang ang ilan ay hindi na inabutang buhay ng mga rumespondeng rescuer dahil sa dehydration.
Ilan sa mga nasawi ay mga estudyante, guro at iba pang empleyado ng Christian College sa Cabanatuan, tinatayang 250 ang natabunan nang magiba ang anim na palapag na gusali ng paaralan. Tatlumpung mga minero naman ang namatay nang mag-collapse ang pinagtatrabahuhan nilang minahan sa Tuba, Benguet.
Hindi na bago sa pandinig na nasa “Ring of Fire” ang Pilipinas at mayroong limang pangunahing fault line, nangangahulugang bulnerable ang bansa sa pagyanig ng lupa
Ang pag-alala ng 1990 Luzon Earthquake ay pag-alala rin ng pagkasira, hindi lang ng mga gusali pati na rin sa buhay ng mga Pilipino. Isang paalala rin ito sa pamahalaan ng kanilang sinumpaang tungkulin, mula sa pagresponde at pagbangon mula sa trahedya. Nangangailangan ito ng puspusang pagpaplano na maghahanda sa mga Pilipino sa oras ng mga kalamidad.