Mainit at makulay ang buhay sa Postreng Tahong
Saktong-sakto ang ulam na ito sa pagsasalo-salo ng pamilya ngayong tag-ulan. Wala nang mas sasarap pa sa masustansiyang sabaw.

Nag-aaral pa ako sa “daycare center” noong una akong sumali sa paligsahan sa pagluluto na parte ng selebrasyon ng Nutrition Month tuwing Hulyo. Dito ako unang namulat sa kahalagahan ng pagkain ng prutas at gulay, kasama ang araw-araw na pag-aabang sa telebisyon ng patalastas na may kantang “Makulay ang Buhay sa Sinabawang Gulay” (at nag-hihintay rin kung may anunsiyo ba na kanselado ang klase dahil sa ulan).
Minsan, kinausap ko ang aking lola tungkol sa kagustuhang kumain ng maraming gulay. Sabi ko sa kanya na gusto kong maging malakas at malusog pero hindi ko rin masyadong gusto ang lasa ng gulay. Kaya naman naisip niyang gawin ang putaheng yaman ng aming pamilya—Ang Postreng Bulakenyo.
Nagmula pa ang pagkaing ito sa kaalaman ng ina ng aking lola. Ang orihinal na sangkap ay mula sa Pampanga na halo ng alimango, sabaw na mula sa katas ng bayabas na nagpapalinamnam ng lasa at piling mga gulay na matatagpuan rin sa sinigang. Ngunit sa panahon ngayon, mahal na ang alimango. Kaya naman, doon tayo sa sulit na bersiyon! Halina’t gawin ang Postreng Tahong.
Mga sangkap
- 1 kilo ng tahong
- 5 pirasong bayabas
- 1 tangkay ng kangkong
- 4 pirasong sitaw
- 1 pirasong kamatis
- 1 pirasong siling haba
- 3 kutsarang asukal na pula
- ½ kutsarang patis
- 1 kurot ng asin at paminta
- 5 tasa ng tubig
Paraan ng pagluluto
- Sa isang kaserola, pakuluan ang mga tahong at takpan sa loob ng 7-10 minuto. Tingnan kung nakabuka na bago hanguin at ilagay sa isang lalagyan at itabi.
- Painitin ang isa pang kaserola sa katamtamang apoy ng 2 minuto. Mas gusto ng lola ko na gumamit ng palayok bilang panluto kaya puwede ring ito ang gamitin.
- Habang nagpapainit ng kaserola, hiwain ang bayabas, sitaw at kamatis.
- Ilagay ang tubig sa kaserola. Isama ang bayabas.
- Kapag nag-iba nang bahagya ang kulay ng sabaw, lagyan ng asukal na pula. Haluin hanggang sa matunaw at takpan ng 3 minuto.
- Isunod ang sitaw at kamatis at hintaying lumambot.
- Ilagay ang tahong at haluing mabuti kasama ang patis.
- Pira-pirasuhin ang tangkay ng kangkong at isama sa kaserola. Isunod ang siling haba. Haluin muli.
- Lagyan ng asin at paminta. Tikman ang sabaw at ayusin ang tamis o alat gamit ang asukal na pula o patis ayon sa panlasa.
Saktong-sakto ang ulam na ito sa pagsasalo-salo ng pamilya ngayong Nutrition Month at tag-ulan. Ika nga ng aking lola, wala nang mas sasarap pa sa masustansiyang sabaw. Kaya ano pang hinihintay mo? It’s postre time!