Parangal para kay Louie
Mensahe ni Coni Ledesma ng National Democratic Front of the Philippines sa parangal para kay Luis Jalandoni noong sa GT-Toyota Asian Center Auditorium sa UP Diliman, Quezon City noong Hun. 16, 2025.
Magandang hapon sa inyong lahat, mga kasama at kaibigan!
Maraming salamat sa inyong pagdalo sa parangal para kay Louie. Napanood namin dito sa Utrecht, via livestream ang buong programa.
Buong puso kaming nagpapasalamat sa mga inaalay ninyong mga pagpupugay kay Louie. Malaking pasasalamat din sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa pag-oorganisa ng parangal na ito.
Biglaan ang pagkawala ni Louie sa ating piling. Sumama ang pakiramdaman niya ng hapon ng June 6 kaya dali-dali siyang dinala ng ambulansya sa ospital. Nagkaroon siya ng massive brain hemorrhage. Sinabihan kami ng doktor na wala na silang magagawa pa. Gagawin na lang komportable ang kanyang kalagayan. Kinabukasan, June 7 ng 9:05 ng umaga, binawian siya ng buhay.
Ang pakikibaka ng mga magsasaka at manggagawa sa Negros para sa kanilang karapatan at kapakanan ang nagmulat kay Louie.
Ang pag-agaw ng warlord na si Gustilo ng lupa ng mga magbubukid sa Hiyang-Hiyang ang unang nagmulat sa kanya sa pagsasamantala at pang-aaping dinaranas ng mga masang magbubukid. Ang pakikibaka ng mga manggagawa sa Victorias Milling Company ay higit pang nagmulat sa kanya. Gayundin ang kalagayan at pakikibaka ng mga dumaan sa Bais, Negros Oriental.
Naghanap siya ng solusyon sa mga problema ng mga magbubukid, manggagawa sa mga azucarera—mga dumaan at mga sakada.
Hanggang sa may nagpaliwanag sa kanya na ang mga batayang problema sa Pilipinas ay imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. At ang sagot sa mga pagpawi ng mga problemang ito ay rebolusyon.
Dahil sa nakita ni Louie ang pang-aapi, pagsasamantala at labis na paghihirap ng masang manggagawa at magbubukid, hindi naging mahirap sa kanya na tanggapin ng buong puso ang pambansang demokratikong rebolusyon. Simula noon, nagkaroon ng direksiyon ang kanyang buhay. Siya ay naging isang komunista.
Nang ipataw ni Ferdinand Marcos Sr. ang batas militar, kinailangan niyang mag-underground dahil hinahanap na siya ng military. Kami ay inaresto noong 1973 at ikinulong ng halos isang taon.
Nang makalaya na si Louie, nagtrabaho siya sa Church Labor Center at dito ay kumilos siya sa pagtulong sa mga manggagawa ng La Tondeña hanggang nagwelga ang mga manggagawa.
Noong 1974, si Louie at ako ay naatasan ng NDFP na lumabas ng bansa upang magsagawa ng international solidarity work.
Aktibo at abalang-abala si Louie sa paggampan ng mga gawain sa larangan ng international solidarity work. Nariyang tumulong siyang mag-organisa ng mga solidarity groups, kumilos sa hanay ng mga Pilipino, at gumanpan ng proto-diplomatikong gawain tulad ng pakikipag-usap sa mga gobyerno, representante ng mga kilusang mapagpalaya at maging ng mga non-governmental organizations o NGOs.
Marami at malaking suporta ang naani ng NDFP sa larangan ng gawaing internasyonal dahil sa gawain ni Louie at iba pang mga kasama.
Isa sa pinakamahalagang tungkulin ni Louie ang pagiging chairperson ng NDFP Negotiating Panel sa usapang pangkapayapaan sa GRP. Sa pagtupad niya ng tungkuling ito, laging hawak-hawak niya ang mga prinsipyo ng organisasyon at ng kilusan at unang-una sa kanya puso at kaisipan ang pagtataguyod ng interes ng masang Pilipino at mga kasama.
Ibinuhos ni Louie ang lahat ng kanyang kaalaman at kakayahan para sa rebolusyon at sambayanang Pilpino.
Nitong nakaraang Pebrero, aming ipinagdiwang ang kanyang 90th na kaarawan. Maraming dumalo sa pagdiriwang at nagbigay papuri sa kanya. Lubos ang kayang katuwaan, na makikita sa kanyang mga ngiti, nang kanyang makita ang mga kasama at kaibigan.
Ngayon, wala na si Louie. Tungkulin at panata natin na kanyang mga naiwan na ipagpatuloy ang pagkilos hanggang makamit ng Pilipinas ang tunay na kalayaan.
*Mensahe ni Coni Ledesma ng National Democratic Front of the Philippines sa parangal para kay Luis Jalandoni noong sa GT-Toyota Asian Center Auditorium sa UP Diliman, Quezon City noong Hun. 16, 2025. Yumao si Jalandoni noong Hun. 7, 2025 sa edad na 90 sa Utrecht, The Netherlands.