close

Pinatisang pritong manok


Kilala ang patis ng Malabon dahil sa malinamnam na lasa at tradisyonal na paraan ng paggawa nito. Subukan ito bilang pampalasa sa pritong manok.

Naalala ko noong bata pa ako na kapag kumakain ako ng pritong manok, masaya ako dahil maaaring malaki ang kita ng aking magulang. Naalala ko rin na gusto namin magkakapatid na kapag kakain ng pritong manok, nakakamay kami at may sawsawan na banana ketchup.

Lumaki ako na nakitang may iba’t ibang paraan ng pagprito ng manok sa aming pamilya. May binabad muna sa toyo, kalamansi at bawang bago iprito. Mayroon namang gumagamit ng harina, itlog at breadcrumbs para mas malutong ang balat. Pero minsan at mas mabilis na paraan ay gumagamit ng mga instant breading.

Ngayon na mas naninirahan na ako sa Malabon, may paraan din ako ginagawa sa pagprito ng manok: ang paggamit ng patis. Ang patis ng Malabon ay kilala sa malalim at masarap na umami dahil sa tradisyonal na paraan ng paggawa nito, kadalasang mula sa ginisang bagoong na iniiwan sa araw para ma-ferment, kaya may kakaibang lasang naibibigay ito sa manok,

Kaya tara at subukan na gumawa ng Pinatisang Pritong Manok.

  • 1 kilong manok, hiwa-hiwa
  • 4 na kutsarang patis
  • 2 kutsara ng calamansi juice
  • 6 pirasong bawang, tinadtad
  • 1 kutsaritang paminta
  • 1 kutsarang pulang asukal
  • Sili (opsiyonal)
  • Mantika
  1. Sa isang mangkok, ilagay ang mga hiniwang manok at mga sangkap. Haluing maigi at i-marinate nang 30 minuto hanggang 1 oras sa para mas manuot ang lasa.
  2. Pag na-marinate na ang manok, ihanda ang kawali at painitin ito. Lagyan ng katamtamang dami para sa pagprito.
  3. Ilabas ang marinated na manok, kapag mainit na ang mantika sa kawali ay isa-isang ilagay ang manok. Siguraduhing nasa katamtamang lakas ang apoy.
  4. Takpan at hinataying maluto hanggang maging golden brown ang balat nito.
  5. Kapag golden brown na, hanguin at hayaan munang tumulo ang mantika.
  6. I-serve kasama ang mainit na kanin. Maaaring gumawa ng toyo at kalamansi na sawsawan o banana ketchup.

May kamahalan man ang manok sa ngayon, isa pa rin ito sa abot kayang karne na maaaring pagkunan ng protina ng pamilya. Subukan na ang recipe na ito!