Si Atang: Artista, militante, babae
Sa labas ng mga naglalakihang entablado, inalay rin niya ang kanyang sining sa mga mamamayan sa kanayunan.
Naghihilom pa lang ang mga sugat ng mundo mula sa pinsalang idinulot ng Digmaang Pilipino-Amerikano (1899-1902) at Unang Digmaang Pandaigdig (1914-1918) noong nagsimulang magbukang-liwayway ang talento ni Honorata “Atang” de la Rama sa pagtatanghal.
Sa edad na pito, binigyan si Atang ng pagkakataong umarte sa mga sikat na sarsuwela tulad ng “Marina” at “Mascota.” Mas higit pa siyang nakilala sa kanyang pagganap sa unang pelikulang ginawa sa wikang Tagalog na “Dalagang Bukid” noong siya ay 14. Dito siya nagkaroon ng pagkakataong maging unang Pilipina na maging artista sa telebisyon.
Sa artikulo ng manunulat na si Isidora Miranda na “Creative Authorship and the Filipina Diva Atang de la Rama,” ito rin ang unang beses na naipresenta ang imahen ng isang Pilipina base sa pananamit ng mga kababaihan sa kabukiran noong mga panahong iyon: simple at may delikadesa.
Nabuhay si Atang sa gitna ng panahon ng pananakop ng mga Amerikano at Hapon sa Pilipinas. Hindi rin naging madali ang pagsabay sa paglaganap ng makabagong teknolohiya tulad ng telebisyon at radyo, at pamumuhay sa panahong ang bansa ay nasa kamay pa ng mga dayuhan.
Ngunit hindi ito naging hadlang para ipaglaban ni Atang ang paglaganap ng kundiman at bodabil na nagamit ng mga artistang Pilipino para sa rebolusyonaryong mga mensahe laban sa pananakop, karahasan at pagbura sa kultura tulad ng pagtatanghal ng sarsuwela.
Sa labas ng mga naglalakihang entablado, inalay rin ni Atang ang kanyang sining sa mga katutubong Lumad at Aeta. Binagtas niya ang kabundukan ng Sierra Madre at mga katubigan papuntang Timog Mindanao para magtanghal sa kanayunan na noo’y limitado ang kakayahang makanood sa telebisyon at radyo.
Ayon kay Miranda, ang pagyabong ng sining at rebolusyon sa buhay ni Atang ang siyang naging dahilan ng pagkakaroon niya ng pagkakakilanlan sa mga Pilipino, anumang uri ng buhay ang kanilang tinahak.
Sa gitna ng kanyang karera, ikinasal siya kay Amado Hernandez, isang manunulat at lider-manggagawa. Tinaguyod nilang magkasama ang buhay na may pang-unawa at puso sa mga nasa laylayan.
“Kapag may welga, bibili siya ng mga sako ng bigas at delata ng biskuwit tapos ikakaltas sa akin. Kaya laging walang laman ang aking bulsa,” sabi ni Atang ukol sa asawa sa isang panayam matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Patuloy na ginamit ni Atang ang kanyang talento upang bumoses sa mga isyung panlipunan, lalo na sa karapatang kababaihan. Tinanghal niya ang kanyang mga awiting “Masayang Dalaga” at “Kamuning” sa mga protestang inorganisa ng mga progresibong grupo tulad ng Gabriela, Panitik Kababaihan at Kaisahan ng Kababaihan sa Pilipinas kung saan siya nagsilbi bilang presidente noong dekada 1940.
Kasabay nito ang pagsusulat ng ilang mga maiikling kuwento tulad ng “Doon sa Dakong Timog” at “Malayang Lupain” sa mga sagisag-panulat na Herminia de la Riva at Matimtimang Laqui na inilunsad sa mga kilusan para makapagbalik ng sigla sa pakikipaglaban.
Hinirang si Atang bilang Reyna ng Kundiman at Sarsuwela na kabilang sa Pambansang Alagad ng Sining sa Teatro at Musika noong 1987 sa pamumuno ni dating Pangulong Corazon Aquino.
“Naniwala si Atang na ang kundiman at sarsuwela ay magandang representasyon ng diwa ng mga Pilipino,” pahayag sa wikang Ingles ng National Commission for Culture and the Arts sa sinulat na maikling talambuhay.
Pumanaw siya noong Hul. 11, 1991 ngunit ang kanyang pamana sa larangan ng sining, kultura at pakikibaka ay hindi matatawaran. Sa kasalukuyan, nananatiling buhay ang ambag ni Atang sa lipunan. Halimbawa na lang nito ang pagbibigay-buhay sa kanyang kuwento at mga patok na Kundiman sa pagtatanghal ng Dulaang UP noong 2008 at 2009 ng “Atang” na sinulat ni Floy Quintos at dinirehe ni Alexander Cortez.
Hanggang sa huling hininga at kahit wala na, nakakaantig na mga awitin ang iniwan ni Atang na tumindig para sa karapatan ng sambayanang Pilipino – bilang artista, militante at babae.