close

Walang mukha ang may-akda 

Unti-unting nawawala ang esensiya ng sining bilang bunga ng pakikipagtagisan ng mga ideya, karanasan at pananaw dahil sa AI models na hindi na malinaw kung kaninong boses o karanasan ang namamayani.

Natural na malikhain ang tao. Kaya niyang bumuo ng imahen gamit ang lapis at papel, nagmamasid at may imahinasyon. Ganoon din ang artificial intelligence (AI).

Nitong Mayo 2025, naglabas ang Google ng bagong AI tool na Veo 3. Kaya nitong bumuo ng bidyo mula sa text prompts at gumawa ng maikling video na may synchronized audio, kabilang ang dialogue, sound effects, ambient noise, at background music. 

Maraming pumupuri sa pakinabang ng AI, pero marami ring nangangamba sa panganib nito, lalo na sa larangan ng sining.

Bagong feature ng Veo 3 ang image-to-video generation na inilunsad ng Google sa pamamagitan ng Gemini, ang AI assistant at studio ng parehong kompanya. Maaaring gawing video ang isang simpleng larawan depende sa prompt na ibibigay sa Veo 3.

Pero saan nga ba nagmumula ang mga video na nalilikha ng Veo 3? Paano nito ginagawang video ang isang prompt?

Ni walang bidyong kailangang kunan—isang prompt lang at si Veo 3 na ang magbibigay nito. Nangyayari ito dahil hinahasa ang mga AI model, tulad ng Veo 3, gamit ang mga umiiral nang dataset na nalikha sa mahabang panahon.

Ibig sabihin, kumukuha ito ng iba’t ibang bidyo sa internet na likha ng iba’t ibang tao bilang batayan ng sarili niyang lilikhaing budyo.

Noong nagdaang Hunyo, binanggit ng CNBC, isang news organization sa Amerika, na kinumpirma ng Google ang paggamit ng YouTube videos upang sanayin ang kanilang AI models na. Bagaman hindi malinaw kung aling mga video ang ginagamit. Humihingi rin ito ng transparency o katapatan mula sa panig ng Google alang-alang sa karapatan ng sinumang nag-upload ng kanilang video sa YouTube.

Nakasulat sa Terms of Service ng YouTube na nangangahulugan ang pagbabahagi ng content rito ng pagbibigay sa platform ng “worldwide, non-exclusive, royalty-free, sublicensable, and transferable license” para gamitin ang naturang video kabilang na ang reproduction, distribution, preparation of derivative works, display at performance nito.

Payo ni Philip Lizarda, isang abugadong na eksperto sa intellectual property rights, maaari magsampa ng copyright infringement, subalit lubos na nakadepende ang magiging resulta ng kaso sa “factual circumstances” at kung paano ginamit ang gawa ng creator.

“Dahil sa kabaguhan ng paksa ng AI at kakulangan ng batas at jurisprudence ukol sa training, development at utilization ng generative AI, nakadepende ang resulta sa factual circumstances at extent ng exploitation sa naturang gawa,” ani Lizarda. 

Sa larangan ng AI, nasusubok ang hangganan ng batas sa karapatang-ari. Tradisyonal na nilikha ang mga batas na ito para protektahan ang orihinal na likha ng tao tulad ng akdang pampanitikan, musikal, biswal at pelikula.

Hindi pa isinasaalang-alang ng mga kasalukyang batas ang kakayahan ng makabagong AI na magsagap at lumikha ng bagong likha mula sa bilyon-bilyong datos sa internet.

“Ang batas hinggil sa karapatang intelektuwal ay hindi inihanda para sa panahong may kakayahan na ang mga programang pangkompyuter na salain at suriin ang bilyon-bilyong bidyo upang makabuo ng mga bagong likhang hango sa mga ito,” ani William Yu, propesor sa Department of Information Systems and Computer Science sa Ateneo de Manila University.

May implikasyon ang kakayahan ng AI na humango mula sa bilyon-bilyong video o datos sa internet para gumawa ng “derivative work” o likhang halaw sa orihinal pero nasa ibang porma.

Kapag tao ang gumagawa nito, maituturing itong lehitimong paghango o fair use kung sapat ang pagbabago. Ngunit kung AI ang lumikha at milyon-milyong datos ang pinagkuhanan, hindi tiyak kung ito’y paglabag o lehitimong produkto.

Sa kasalukuyang yugto ng pag-unlad ng AI, hindi na ito simpleng kasangkapan. Sa paglikha ng pelikula at iba pang uri ng gawaing biswal, lumilitaw ito bilang parehong kagamitan sa produksiyon at mekanismo ng kapangyarihan dahil sa pag-iral ng dayuhang tech giants.

Kanino ba talaga pumapabor ang produktibidad na ito? Sa paggawa ng pelikula, pinapawi at tinatanggal ng Google Veo ang bakas ng tao.

Unti-unting nawawala ang esensiya ng sining bilang bunga ng pakikipagtagisan ng mga ideya, karanasan at pananaw dahil sa AI models na hindi na malinaw kung kaninong boses o karanasan ang namamayani.

Sa visual journalism, nagiging kritikal ang authenticity at pananagutan. Ayon sa Foreign Correspondents Association of the Philippines, humihina ang tiwala ng publiko sa midya kasabay ng pag-usbong ng AI.

Dahil dito, lalo pang mahalaga ang pagiging bukas at tapat ng mga institusyon sa kung paano kinukunan, nililikha, o iniedit ang mga biswal na materyal.

“Legal gray area” kung ilarawan ni Lizarda ang isyu tungkol sa pagsasanay ng AI models sa copyrighted content.

“Buhat ng kakulangan ng batas na nagre-regulate sa generative AI sa Pilipinas, ang legality ng training ng generative AI models sa copyrighted content nang walang permiso ng may akda ay isang legal gray area,” saad ng abogado. 

Pero kung susuriin ang mga kasalukuyang batas ukol sa copyright at intellectual property, dalawang probisyon ang maaaring tingnan ayon kay Lizarda.

Sa isang banda, maituturing na infringement sa exclusive rights ng may-ari alinsunod sa Intellectual Property Code of the Philippines ang walang pahintulot na paggamit ng content para sa generative AI training, kabilang na ang karapatan sa pagrereproduce ng isang gawa.

Maaari namang ipaglaban ng panig ng mga developer ng generative AI models na nasa ilalim ito ng “fair use” na siya ring probisyon ng batas. Ngunit mayroon ding mga kondisyon ang fair use. 

“Halimbawa, kung dahil sa isang generated content na sobra ang pagkakatulad sa isang naunang cinematic na video content kaya’t wala ng nanood ng original na content, hindi masasabing nag-a-apply pa rin ang fair use sa sitwasyon na ito,” paliwanag ni Lizarda. 

Mayroon ng kasong isinampa sa mga AI developer sa ibang bansa. Noong Enero 2023, naghain ng class suit ang iba’t ibang artists laban sa Stability AI, Midjourney at DevianArt sa United States Federal Court.

Kaya naman, para kay Lizarda, napapanahon na para sa Pilipinas na bigyang-depinisyon at iregulate ang AI para maiwasan ang pang-aabuso, lalo na sa mga nasa industriya paglikha at sining.

Sabi pa ni Lizarda, wastong kaalaman kung ginagamit ang gawa, kilalanin bilang may-akda at kakayahang bawiin ang permiso sa pagpapagamit ng kanilang content ang mga karapatang dapat na tinatamasa ng mga manlilikha.

“Dapat din na may parusa ang non-disclosure ng mga kompanya,” dagdag pa niya.