2 tanggol-katutubo, inireklamo ang PNP sa Ombudsman
Inireklamo ng tanggol-katutubong si Niezel Velasco at lider-Manobong si Julieta Gomez sa Office of the Ombudsman ang mga opisyal ng pulisya na responsable kanilang sa ilegal na aresto at detensiyon.

Nagsampa ng kontra demanda laban sa mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang tanggol-katutubong si Niezel Velasco at lider-Manobong si Julieta Gomez sa Office of the Ombudsman sa Quezon City nitong Ago. 11 dahil sa ilegal na aresto at detensiyon.
“Ang pagsasampa ng mga legal na hakbang ay bahagi ng kampanya upang wakasan ang panggigipit sa korte at pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso laban sa mga tagapagtanggol ng karapatang pantao,” ani Funa-ay Claver, tagapagsalita ng Katribu Kalipunan ng katutubong Mamamayan ng Pilipinas sa isang pahayag sa wikang Ingles.
Ayon sa reklamo ng dalawa, minanipula ng pulisya ang ebidensiya laban sa kanila na nagresulta sa halos apat na taong ilegal na detensiyon. Ilegal din silang inaresto sa isang reyd sa Quezon City ng mga pinagsamang puwersa ng pulisya at militar noong Hul. 16, 2021.
Iniugnay ng mga puwersa ng estado sina Velasco at Gomez sa New People’s Army at sinampahan ng mga kasong murder, attempted murder at illegal possession of firearms and explosives. Ibinasura ng Quezon City Regional Trial Court Branch 91 ang mga kaso noong Abril 8 dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
Nakalaya si Gomez matapos nito habang nagpiyansa si Velasco para makalaya habang dinidinig ang mga karagdagang kasong estafa, unjust vexation at maltreatment na isinampa laban sa isang “Mary Jane Velasco” sa Quezon City Metropolitan Trial Court Branch 34 at Antipolo Municipal Trial Court in Cities Branch 1. Ibinasura rin ng mga korte ang mga kaso dahil sa maling pagkakakilanlan.
Ayon sa dalawa, nilabag ng PNP ang kanilang mga karapatan nang sila’y ilegal na inaresto at idinetine na bahagi ng sistematikong panliligalig sa mga tanggol-katutubo at iba pang tanggol-karapatan.
“Hindi namin pahihintulutang makatakas sa pananagutan ang mga puwersa ng estado, gaya ng mga opisyal ng pulisya, sa kanilang mga pag-atake laban sa mga katutubong nagtatanggol sa kanilang mga komunidad,” ani Claver.