close

3 sa Sta. Cruz 5, malaya na


Pinawalang-sala ng Taguig Regional Trial Court Branch 70 noong Ago. 6 ang limang aktibista na kilala bilang “Sta. Cruz 5,” pitong taon matapos arestuhin dahil sa gawa-gawang kasong illegal possession of firearms and explosives.

Pinawalang-sala ng Taguig Regional Trial Court Branch 70 noong Ago. 6 ang limang aktibista na kilala bilang “Sta. Cruz 5,” pitong taon matapos arestuhin dahil sa gawa-gawang kasong illegal possession of firearms and explosives.

Kinilala ang mga aktibista bilang si Adelberto Silva, consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) para sa labor reform; Hedda Calderon, social worker at miyembro ng Gabriela; Edisel Legaspi, magsasaka ng organikong pananim; Ireneo Atadero, unyonista ng Kilusang Mayo Uno (KMU); at Julio Lusiana, drayber.

Inaresto sila sa Sta. Cruz, Laguna noong Okt. 15, 2018 matapos harangin at sapilitang pababain sa kanilang sasakyan. Puwersahan silang pinadapa habang kinumpiska ng pulisya ang kanilang van.

Patungo sana ang lima sa isang konsultasyon sa lalawigan ng Laguna bilang bahagi ng tungkulin ni Silva sa sosyo-ekonomikong adyenda ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at NDFP.

Si Hedda Calderon (pangalawa mula kanan, nakasuot ng bughaw), isa sa “Sta. Cruz 5,” kasama ang iba pang miyembro ng Gabriela sa labas ng Hall of Justice sa Taguig City. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Matatandaang makaisang panig na pinutol ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang usapang pangkapayapaan noong 2017 na tuluyang nagkansela sa mga pormal na pulong at nagbunsod sa ilegal na aresto sa mga consultant ng NDFP kahit protektado sila ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees.

Ayon sa desisyon ng korte, may “labis na pagkukulang sa ebidensiyang iniharap” ng prosekusyon at may “rasonableng pagdududa sa integridad ng mga armas at pampasabog” na ‘di umano’y nakuha mula sa kanilang sasakyan.

Sa testimonya ng mga grupo tulad ng Center for Trade Union and Human Rights at Karapatan, itinanim ng mga pulis at militar ang ebidensiya habang nakatalikod at nakadapa ang mga akusado.

“Patunay ito ng talamak na taktika ng estado. Ang pagtatanim ng ebidensiya at pagsasampa ng pekeng kaso ay ginagamit upang patahimikin ang mga aktibistang nagsusulong ng karapatan ng mamamayan.” ayon kay Jhana Cordovez ng Karapatan National Capital Region.

Nakapagpiyansa si Calderon noong 2019, habang sina Atadero at Lusiana ay nakakulong nang halos pitong taon. Samantala, mananatiling nakapiit sina Silva at Legaspi dahil sa iba pang kasong sinasabing pawang gawa-gawa rin.

Paglabas mula sa piitan sa Camp Bagong Diwa nina Ireneo Atadero (pangatlo mula sa kaliwa) at Julio Lusiana (pang-apat mula sa kaliwa) noong hapon ng Ago. 6 matapos ibasura ng korte sa Taguig City ang gawa-gawang kaso laban sa Sta. Cruz 5. Center for Trade Union and Human Rights

Kinondena ng mga grupo ang patuloy na paninira at panunupil ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na umano’y ginagamit ang batas sa panunupil ng mamamayan.

“Ang pagkakabasura ng kasong ito ay tagumpay ng pagkilos ng masa. Hindi mali ang lumaban. At dapat palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal sa bansa,” giit ng KMU.

Ayon sa Karapatan, may 737 pa ring bilanggong politikal sa bansa, 164 dito ay inaresto sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. Panawagan ng mga grupo ang pagpapalaya sa lahat ng bilanggong politikal at pagtigil sa panunupil sa mga aktibista at mamamayan.

Nanawagan din sila ng pagpapanumbalik ng usapang pangkapayapaan ng GRP at NDFP para talakayin ang mga repormang sosyo-ekonomiko na anila’y pinakamahalagang adyenda na uugat sa dahilan ng armadong pakikibaka.