close

‘Alipato at Muog’, wagi sa 73rd Famas


Nagkamit ng mga karangalang Best Picture at Best Director sa 73rd Famas Awards ang “Alipato at Muog”, isang dokumentaryo tungkol sa paghahanap sa isang mahal sa buhay na dinukot at sapilitang iwinala ng estado.

Inuwi ng dokumentaryong “Alipato at Muog” ni JL Burgos ang mga parangal na Best Picture at Best Director sa 73rd Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (Famas) Awards Night nitong Ago. 22, isang taon matapos kaharapin ng pelikula ang X-rating na ibinigay ng Movie and Television Review and Classification Board.

Overwhelmed at hindi makapaniwala, ganito inilarawan ng direktor na si JL ang pakiramdam sa pagkapanalo ng kanyang dokumentaryo.

“Lumikha kami ng pelikula, hindi kami umaasa ng kahit na anong award. Ang nais lang naman naming sabihin ay may ganitong klaseng kaganapan sa Pilipinas,” ani JL sa kanyang talumpati ng pagtanggap sa parangal na Best Picture.

Unang lumabas sa mga sinehan ang “Alipato at Muog” bilang kalahok sa Cinemalaya 2024 kung saan ito nanalo ng Special Jury Award. Iniikutan ng dokumentaryo ang 18 taong paghahanap ng pamilya Burgos kay Jonas Burgos—kapatid ni JL at tanggol-magsasaka na sapilitang iwinala ng mga elemento ng estado noong 2007 sa isang mall sa Quezon City.

Para kay JL, ang parangal na kanilang natanggap ay pagkilala sa kuwento ng katotohanan at katarungan.

Posted by Alipato at Muog on Friday, August 22, 2025

Hindi rin napigilang maluha ng kanilang ina na si Edita Burgos dahil sa lubos na tuwa at pasasalamat sa pagkilalang natanggap ng pelikula.

“Ang pagkapanalo ay isang napakalaking recognition, that indeed, human rights violations, particularly enforced disappearances, happen still up to now,” ani ni Nanay Edita sa panayam ng Pinoy Weekly.

Mensahe naman ni Nanay Edita para sa mga kapwa niyang naghahanap pa rin sa mga sapilitang iwinalang mahal sa buhay, “Dapat hindi po mawalan ng pag-asa, mag-give up. Dapat tuloy-tuloy [tayo] as a group to look for the disappeared. Mahanap nila ‘yong hinahanap, hindi lang po ‘yong justice, kundi talagang mahanap, at whatever state, ‘yong nawawala.”

Sa kasalukuyang administrasyong Ferdinand Marcos Jr., nasa 15 na ang naiulat na sapilitang iwinala ng estado.

Hamon naman ng direktor sa mga kapwa artista ang patuloy na maging boses ng mga walang boses sa lipunan. /May ulat mula kay Marc Lino J. Abila