close
Kabataan

‘Di na kanlungan ang paaralan 

Bilang pangalawang tahanan, inaasahang magsisilbing kanlungan ang paaralan ng mga batang nakararanas ng kahirapan sa tahanan subalit madalas nagiging espasyo pa ito ng pang-aabuso.

Bago pa sumikat ang araw, kadalasang naghahanda na ang mga kabataan para sa eskuwela. Ibinubuhos ang malamig na tubig panligo, isinusuot ang planstadong uniporme at kumakain ng inihaing almusal. Tipikal na senaryo sa pang-araw-araw na buhay ng isang estudyante—may nagaasikaso, may sumusuporta.

Pero hindi lahat ng mag-aaral magaan ang dala sa araw-araw. Bilang pangalawang tahanan, inaasahang magsisilbing kanlungan ang paaralan ng mga batang nakararanas ng kahirapan sa tahanan subalit madalas nagiging espasyo pa ito ng pang-aabuso. Mas malala pa, minsa’y nagiging peligroso at ikinamamatay ng isang mag-aaral. 

Mga usapin sa mental health ang isa sa maraming dahilan kung bakit hirap na hirap makapasok ang ibang mag-aaral. Umabot na sa halos 2,000 na kaso ng suicide o pagpapatiwakal ang naitala sa Pilipinas ayon sa Philippine National Police sa unang anim na buwan ng taon, karamiha’y dulot ng physical at online bullying.

Sa paglipas ng panahon, hirap pa ring buksan ang isipan ng ilan sa usaping kalusugang pangisipan. Bagaman mayroong mga pagtatangka, makikita sa pag-aaral ng World Health Organization (WHO) hindi pa rin sapat ang kaalaman, pasilidad, doktor at higit sa lahat ang aksiyon ng estado.

Batay sa integrated motivational-volitional (IMV) model nina Rory O’Connor at Olivia Kirtley, ang suicide ay mayroong tatlong yugto: pre-motivational, motivational at volitional.

Unang pinagdaraanan ng mga taong may tendensiyang magpakamatay ang pre-motivational phase, kung saan nakapaloob ang mga salik na biyolohikal, mga triggering event at ang kanilang kapaligiran.

Nangyayari ito bago pa man mabuo ang ideyang wakasan ang sariling buhay at madalas itong nauugnay sa mga problemang personal, emosyonal o panlipunan na kalauna’y nagiging sanhi at hakbang upang tumungo sa motivational phase.

Sa motivational phase naman, nabubuo na ang ideya ng pagpapakamatay. Karaniwang nag-uumpisa ang mga negatibong pag-iisip tulad ng kawalan ng pag-asa, pakiramdam na sila ay walang silbi at paniniwalang wala nang solusyon sa kanilang mga problema. Dahil dito, lumalalim ang kanilang paniniwala na ang tanging solusyon ay magpakamatay, kung saan pumapasok na ang volitional phase.

Ang pinakahuling yugto ay ang volitional phase, kung saan sinisimulan na nilang isabuhay ang mga planong nabuo sa loob ng motivational phase.

Ayon sa Mental Health PH, maraming risk factor o salik na maaaring magpataas ng posibilidad na ang isang indibidwal ay mag-isip at sumubok. Ilan na rito’y ang dati nang suicide attempt, substance abuse, mood disorders tulad ng depresyon, at bullying.

Kasabay ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng suicide sa bansa ang pagdami rin ng insidente ng pambu-bully. Larawan mula sa Department of Education

Sa akademikong taon 2024-2025, naitala ng Department of Education ang 2,500 na kaso ng bullying. Ayon sa pag-aaral ng Programme for International Student Assessment (PISA), isa sa tatlong mag-aaral ang nakararanas ng bullying.

Ayon kay Second Congressional Commission on Education (Edcom 2) Executive Director Karol Mark Yee, ang Pilipinas ang may pinakamataas na kaso ng bullying sa mga bansang lumahok sa PISA. Aniya, “We are the bullying capital of the world.”

Ayon sa guidance coordinator ng isang public high school sa Pasig City, malinaw ang epekto ng parehong cyber at physical bullying sa mga estudyante. 

“Karaniwang ang bullying ay nagdudulot ng trauma sa mga bata, na nagiging sanhi na rin ng suicidal thoughts,” sabi ni Sir Danny, hindi niya tunay na pangalan. 

Ibinahagi ni Sir Danny ang kanyang karanasan bilang isang guro na nagsisilbi ring guidance coordinator ng kanilang paaralan.

“Teacher lang naman talaga ako, pero wala kasing nade-deploy na guidance counselor, kaya nagde-designate na lang ‘yong higher-ups sa eskuwelahan ng mga [teacher] na puwede, tapos dagdag na lang sa teaching load namin. Kaya kahit hindi naman talaga ako trained para maging guidance counselor, wala na rin akong choice,” wika ni Sir Danny

Talamak aniya ang cyberbullying sa mga mag-aaral lalo na noong panahon ng pandemya. Sa kanyang karanasan, hanggang ngayon’y marami pa ring mag-aaral ang biktima nito. Imbis na maging libangan, naging daan na ang social media sa pagkalat ng negatibidad.

Pagdating naman sa loob ng paaralan, wala pa ring kawala ang ilang estudyante na biktima ng tradisyonal na bullying o pisikal at berbal na pananakit.

Sa karanasan ni Sir Danny, marami pa rin ang mga nabu-bully na takot magsumbong at kinikimkim na lang ito. Mga kaklase pa nila ang lumalapit para ipaalam ang bullying nararanasan ng kanilang kaklase. May mga pagkakataon na umaabot sa labas ng paaralan ang insidente, aabot sa puntong ang barangay na ang pumapagitna. 

Sa kuwento ni Sir Danny, may mga estudyante na lumalapit sa kanya na naglalabas ng kanilang kagustuhang kitilin ang sariling buhay. Kahit na hindi siya mental health professional, kinakailangan niyang aluin ang mga mag-aaral sa oras ng krisis. 

“Kung hindi ako, sino?” dagdag pa niya. Mabigat umano itong dalahin, ngunit patuloy pa rin si Sir Danny sa pagtulong sa mga mag-aaral na nangangailangan ng mental health aid sa kanilang paaralan.

Kung titingnan ang sistema sa loob pa lang ng mga pampublikong paaralan, ‘di hamak na kulang talaga ang mga paraan upang maiwasan ang kaso ng suicide.

Bagaman mayroon mga batas tulad ng Mental Health Act, Anti-Bullying Act at Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act, kulang ang suporta at aksiyon ng gobyerno sa pagpapatupad nito.

Unang tugon sana ang pagkausap sa mga propesyonal tulad ng mga psychiatrist o psychologist.

Ngunit sa ulat ni Dr. Paulo Woodruff Gonzales ng Philippine Psychiatric Association, sa bawat 100,000 Pilipino mayroon lang isang psychiatrist at  sa 1,700 na lisensyadong psychologist, 800 lang ang aktibo sa kritikal na larangan. Katumbas nito ang isang propesyonal at lisensyadong psychologist sa 125,000 na Pilipino.

Ayon sa WHO, karamihan sa mga serbisyo sa mental health ay mula sa mga pribadong institusyon at malaki ang kakulangan sa pampublikong institusyon. Sa katunayan, apat lang ang mga mental hospital, 46 ang psychiatric inpatient unit at 29 ang outpatient mental health facility sa buong Pilipinas.

Makikitang hindi pa handa ang estado sa pangunguna, pagtataguyod at pagsuporta sa mga pangangailangang pangkaisipan ng mga mamamayan. Kitang-kita ang pagkukulang na ito sa loob pa lang ng ating mga paaralan.

Hindi lahat ng batang pumapasok sa paaralan ay may baong biskwit at gatas, ang iba ay may bitbit na bigat at hinanakit na hindi natin nakikita. Mahalagang magkaroon ng unawa at bukas na isip pagdating sa usaping mental health ng kabataan.