Free Agusan 6 Network, inilunsad sa Davao
Inilunsad nitong Ago. 23 sa Davao City ang Free Agusan 6 Network na naglalayong ilantad at labanan ang ilegal na pag-aresto sa anim na aktibista at organisador ng mga magsasaka at katutubo sa Southern Mindanao Region.

Nagsanib-puwersa nitong Ago. 23 sa Davao City ang mga militanteng grupo mula sa iba’t ibang rehiyon para ilunsad ang Free Agusan 6 Network (FA6N) na naglalayong ilantad at labanan ang ilegal na pag-aresto sa anim na organisador ng mga magsasaka at katutubo sa Southern Mindanao Region (SMR).
Ang “Agusan 6” ay binubuo nina Charisse Bernadine “Chaba” Bañez at Louvaine Erika “Beng” Espina, mga kabataang aktibista; Ronnie Igloria, magsasaka at gabasero; Arjie Guino Dadison, tapper sa gomahan at trabahante sa plantasyon ng palm oil; Larry Montero, flasher sa panning area; at Grace “Niknik” Man-aning, kabataang Lumad.
Dinakip sila ng pinagsamang puwersa ng Agusan del Sur 2nd Provincial Mobile Force Company at 67th Infantry Battalion ng Philippine Army nitong Hun. 13 ng gabi sa Barangay Bunawan Brook sa bayan ng Bunawan, Agusan del Sur.
Ayon sa FA6N, dumaan ang anim sa psychological torture at matinding interogasyon ng mga militar noong gabi ng aresto hanggang sa umaga ng Hun. 14.
Dagdag pa ng network, inabot ng 36 oras bago sila bigyan ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain at damit. Pinagkaitan din sila ng pagkakataong makausap ang kanilang mga pamilya at paralegal.
Dahil sa mga gawa-gawang kaso, nakapiit sila ngayon sa Provincial Correctional and Security Management Office sa Patin-ay, Prosperidad, Agusan del Sur.
“Kadalasan ang pattern ay [pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso], tapos [kadalasan ding] non-bailable cases tulad ng illegal possession of firearms and explosives,” sabi ni Kae Calicdan, secretary general ng Anakbayan at isa sa mga convenor ng FA6N.
“Itong pag-aresto [sa kanila] ay reaksiyon ng estado para pigilan ang paglaganap ng [paglaban] ng mga pinakainaaping [sektor] ng lipunan na [inoorganisa] nila, ang mga magsasaka at katutubo,” dagdag pa ni Calicdan.
Sa SMR, umabot na sa 48 ang bilang ng mga bilanggong politikal. Samantala, nananatili pa rin ang mga isyu ng kawalan ng lupa at land use conversion para sa pagmimina, plantasyon at negosyo sa rehiyon.
Nananawagan ang FA6N, kasama ang mga pamilya, kaibigan at dating kasama ng “Agusan 6,” sa agarang pagpapalaya at tuluyang pagpapabasura sa mga kaso laban sa anim.