Hiraya ng malayang bukas
Ipinapakita at ipinadarama sa mga bisita ang hitsura ng isang lipunang makatarungan at tunay na malaya at ang nagpapatuloy na pakikibaka ng mamamayan para sa pambansang demokrasya.

Nasabukan mo na bang managinip nang gising? Aktuwal na makita ang mga hiraya para sa sarili at bayan?
Sa eksibisyon ng Surian ng Sining (SUSI) para sa kanilang ikaanim na anibersaryo na “Managinip na(ng) Gising”, bitbit ang patuloy na panawagan ng sambayanan para sa tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon at soberanya. Alinsunod ang mga piyesa sa 12-Point Program ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na nagsisilbing gabay ng mamamayang Pilipino sa patuloy na pakikibaka para sa isang malaya, makatarungan at progresibong lipunan.
Ipinapakita at ipinadarama sa mga bisita ang hitsura ng isang lipunang makatarungan at tunay na malaya at ang nagpapatuloy na pakikibaka ng mamamayan para sa pambansang demokrasya.
Tampok sa anim na piyesang mural ang ikaanim sa 12 puntong programa ng NDFP na “Implement genuine agrarian reform.” Binuo ang programa ng nagkakaisang mga organisasyon ng manggagawa, magsasaka at iba pang sektor na nagsusulong ng karapatan at kalayaan ng mamamayang Pilipino.
Pagpasok sa eksibit sa University of the Philippines (UP) Fine Arts Gallery, makikita ang malaki at makulay na mural. “Tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon” ang sabi sa karatulang bitbit ng mga mamamayan sa Gitnang Luzon.

Buhay na buhay—mensahe at kulay ng piyesa sa matigas, makinis, bako-bakong bloke ng semento, matingkad ang kulay ng disenyo sa mural, hindi aakalaing gumamit ng watercolor bilang midyum sa piyesa.
Madalang gamitin ang watercolor dahil mahirap manipulahin, lalo pa sa mga pangkaraniwang kanbas tulad ng papel at tela. Subalit sa mural na ito, nais ipakita ng artista ang sagad na potensiyal ng watercolor sa semento na hindi pangkaraniwang kanbas para dito.
Isang parte lamang ang naunang piyesa. Sa lima pang obra makikita rin ang pagkakaiba, pagkakapareho at pagtutugma ng mga karanasan sa kanayunan at kalunsuran.
Makikita ang militarisasyon, kawalan ng lupa, pangangangkam sa lupa ng mga panginoong maylupa, kawalan ng industriya at oportunidad, kung kaya makikita ang paglisan ng mga mamamayan mula sa kanilang tirahan sa kanayunan upang makipagsapalaran sa kalunsuran.
Ngunit pagtapak sa lungsod, hindi rin malayo sa kahirapang nararanasan nila sa dating tahanan—walang sapat na sahod at trabaho. Malinaw ang kalagayan ng lipunan, katulad sa paunang larawan nangangailangan ng paglaban ng mamamayan sa sistemang mapang-api.
Bago pa mapuno ng kulay ang mural, isa muna itong bloke ng semento, pagkatuyo nilapatan ng watercolor ground upang kumapit ang midyum na gagamitin, ang watercolor. Ang artistang si Glenn Gonzales mismo ang gumawa mula sa pundasyong bakal, paghahalo ng semento at pagpapalitada upang mabuo ang anim na piyesa ng mural.






Isang linggo ang inabot nito—pagputol sa mga bakal at paglatag ng fiber cement board na nagsilbing hulmahan at pundasyon ng semento. Kung titingnan nang malapitan ang piyesa, makikita ang iba’t ibang tekstura ng semento, intensiyonal ito.
Nais makita ng artista kung ano ang magiging reaksiyon ng watercolor sa iba’t ibang tekstura ng kanbas. Katulad sa mga pader na nakikita sa lansangan, mayroong makinis, magaspang at bako-bako na direktang nilalapatan ng iba’t ibang uri ng sining.
Katulad sa mga mural na makikita sa pader sa lansangan, araw, linggo, buwan ang inaabot para matapos ang obra. Talagang matrabaho at kinakailangan ng mahabang pasensiya.
Mga pangkaraniwang imahen ang unang mapapansin sa obra. Mga magsasaka, manggagawa, militar, trak, gusali at marami pang iba. Sa simpleng mga hugis at kulay, nahihinuha ng mga bisita ang nangyayari at karanasan ng mamamayan.
Sa unang paglapat ng kulay mapusyaw ang rehistro sa semento, kinakailangang patungan muli hanggang sa makuha ang nais na kapal ng kulay. Dagdag din na pagsubok ang iba’t ibang tekstura ng semento, iba-iba ang naging reaksiyon ng kulay dito, kaya iba ang naging trato sa bawat tekstura.
Malinaw na namaksima ang potensiyal ng watercolor sa paglapat sa ibang kanbas at tekstura. Nananatiling buo at buhay ang kulay ng mural dahil tulad sa ibang mural pinatungan ito ng fixative.
Tinatalakay nito ang punto kung bakit may migrasyon at pagkilos sa parehong espasyo, patuloy ang panggigipit ng militar at panginoong maylupa sa mga magsasaka sa kanayunan, walang trabaho at walang sapat na sahod sa mga manggagawa sa lungsod.
Sa hindi nagkakaibang danas ng mamamayan sa sistemang mapagsamantala, lagi’t laging mauuwi sa lansangan ang taong bayan para ipaglaban ang kanilang karapatan.

Nakapuwesta ang “Huntangan Tungong Salugpungan” sa tapat ng ikaanim na piyesa ng eksibit. Nabuo ang instoleysiyon mula sa kolektibong bisyon nina Jon San, Boyet de Mesa, Grace Corpuz, Anthony Jandusay, Pet Baricaua, Christopher Zamora at Rose Bucud.
Inihahain nito ang pagiging interaktibo at interaksiyon sa mga bisita dahil sa basahan sa entrada nito, punong kahoy na upuan at bangka na nagsisilbing lamesa para sa mga libro at babasahin.
Papalapit sa piyesa, mapapansin ang bandila ng United States. Mahalaga na malakaran at tapak-tapakan ito, dahil layunin nito ang pagtatampok sa paninindigan laban sa mga imperyalistang bansa tulad ng US.
Kung nais mang maupo, maaaring mamahinga muna sa upuang kahoy ng piyesa. Ang pabilog na pagkakaayos sa mga upuan ay simbolo ng kawalan ng herarkiya—sa halip ay pantay-pantay na pamamahala. Pinadadama ng mga kulay pulang bandera ang pag-usbong ng isang gobyernong progresibo, rebolusyonaryo, at kontra-imperyalista at kontra-reaksiyonaryo.
Ginamit ang hiram na gawa-gawang bangka ng organisasyong Pamalakaya Pilipinas na kadalasang ginagamit sa mga kilos-protesta ng mga mangingisda, bilang lamesa upang maging sentro ng diskusyon. Sakay ng bangka ang iba’t ibang mga libro at poster na nagmula sa mga indibidwal at iba’t ibang organisasyon.

Dahil maaaring hawakan at maupo sa piyesa, hindi tulad ng tradisyonal na eksibit na titingan lang ang mga obra, hinihikayat nito ang pakikisalamuha sa iba ring mga bisita. Malayang makipagdiskusyon o makipagusap ang mga bisita sa isa’t isa, maaring tungkol sa ibang bagay o ‘di kaya’y sa mga bagay na sakay ng bangka.Ang mga babasahin, poster at librong ito ay nagbibigay alam ng mga usapin sa loob ng bansa at sa internasyonal na antas.
Mula kay Jon San ang titulong “Huntangan Tungong Salugpungan” na nagbunga naman ng isang concept study para sa grupo kung paano maisasalarawan ang rebolusyonaryong pamamalakad. Nakabase ang piyesa sa ika-12 punto ng eksibit na “Adopt An Active Independent Foreign Policy.”
Sa proseso ng pagbuo ng piyesa, binalak ng grupo na gumamit ng mga bagay na madaling makuha at agad na magagamit. Para sa magiging upuan, sinubukan ng grupo humanap o manghiram ng upuan ngunit nabago ito at nakita na may mga punong kahoy na maaaring magamit galing sa isang opisina ng UP.
Ang mga punong kahoy na maaaring upuan ay nagpapakita din ng rebolusyonaryong gobyerno sa kanayunan.
“Kumbaga ang mga puno ay mistulang gubat,” sabi ni de Mesa.
Binibigyang-diin ng eksibit ng SUSI na sa pamamagitan ng progresibong sining ang mga walang patid na mga pambansa demokratikong aspirasyon ng sambayanang Pilipino na nakasuma sa 12-Point Program ng NDFP.
Nakikiisa ang SUSI at marami pang progresibong artista sa pagbuo ng isang lipunang Pilipinong may kapayapaan, katarungan, kasaganahan at kalayaan.
“Makibaka laban sa [imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo],” ani de Mesa.