close
Youth On Mission

Joggling


Sa kasal ng interes ng mga naghaharing-uri, ang mga espasyo, alang-alang sa kita, ay itinuturing na kalakal.

Oo, nagpakita ng pribilehiyo ang ilang jogger nakaraang weekend ng UPCAT, Agosto 2 hanggang 3. Nagpakita ang ilan sa kanila ng ‘di kaaya-ayang pagtrato sa pamantasan at komunidad nito sa panahon kung saan may samu’t saring pakiramdam ng pagkabalisa ang libo-libong estudyanteng nais makapasok sa University of the Philippines (UP) at kanilang mga magulang.

Tama ang pumuna, ngunit kakaiba na, kapag labis at doon napunta ang kalakhan ng atensiyon, batay sa mga napansin ko sa social media. Totoo na marahil may alternatibo sa Quezon Memorial Circle. Ngunit maganda rin sana kung ang alternatibo ay hindi pawang isang afterthought sa pangangailangan para sa libangan. 

Ano ang ugat ng kawalan ng mga espasyong bukas at mapuno sa Kamaynilaan? Isa rito ang namamayani at tumitinding burukrata-kapitalismo sa Pilipinas na ginagawang negosyo ang pamahalaan. Sa kasal ng interes ng mga naghaharing-uri ng mga panginoong may-lupa, burgesya-komprador at matataas na opisyal ng gobyerno (na madalas ay bahagi o kinatawan ng mga nabanggit na naghaharing-uri), ang mga espasyo, alang-alang sa kita, ay itinuturing na kalakal.

Ang epekto nito ay ang pagtrato sa mga tulad ng mga liwasan (at ang mga dating lupain ng mga prayle sa kalakhan ng Kamaynilaan) bilang tiwangwang at hindi mapagkakakitaan. Kaya ang tunguhing “lohiko” ay ipribatisa at ikomersiyalisa ang mga espasyong ito. Hindi na kailangang dumayo pa sa sakahang ginagawang subdivision ng mga Villar. Sa UP pa nga lang, nariyan na ang mga tulad ng UP Town Center, DiliMall at UP-AyalaLand Technohub.

Ang mga naghaharing-uri ring ito ang nagkakait sa atin ng mga espasyong bukas dahil doon sa mga napakalawak, ngunit ‘di mapakinabangang golf course, sinasabing doon sila nag-uusap ng maruruming kamayan sa politika at negosyo.

Ang mas ugat nito ay ang mismong imperyalismong nagdidireksiyon sa “pag-unlad” ng ating mga lupain, bagay na salungat sa interes ng nakararami. Sa lipunang malakolonyal at malapiyudal, ang tungkulin ng malalaking lungsod gaya ng Maynila at Cebu ay maging daluyan o ugat ng pusod sa imperyalistang pandarambong.

“Pinauunlad” ang mga sentrong lungsod at mga karatig-lugar alinsunod sa pagpapadali ng mabisang pagkuha ng murang hilaw na materyales at mabilis na pagkuha natin ng mga produktong inaangkat sa mga bansang industriyalisado at pagpasok ng dayuhang kapital . Hindi nakapagtataka kung bakit sa taunang budget, lumolobo ang para sa imprastruktura—mga expressway, tulay, daungan at paliparan, sekundaryo para sa transportasyon, ngunit primarya para sa kalakalang hindi naman patas sa Pilipinas.

Premyadong institusyong akademiko ang UP, ngunit ‘di malay na nating nakokonsidera bilang pampublikong liwasan dahil sa kakapusan ng mga angkop na espasyong pampubliko

Bagaman malayong-malayong hindi kasingtimbang, sapagkat nananatili pa ring wastong pumuna ng mga panauhing may ‘di kaaya-ayang asal sa pamantasan, maihahalintulad ito sa dahilan kung bakit naituturing ng maraming mahihirap na manirahan sa ilang lugar sa loob ng campus o kung bakit nagiging lunsaran ng protesta ang pamantasan dahil sa kawalan ng mga “freedom park” at kalayaan sa pagpapahayag. 

Hamon sa ating ilahad ang mas malalaking mga suliranin nang mas mainam na higit na pagbuhusan ng enerhiya ang pinag-uugatan ng mga suliraning magkakaugnay. Ito ang diwa ng pagiging radikal, na ayon kay Karl Marx, mula sa salitang Latín na “radix,” ay pagtangan sa mga inuugatan ng mga bagay-bagay.

Nang sa gayon, mapagkaisa natin ang mas maraming mamamayan hindi sa “maling kamalayan” (false consciousness) na magtalo-talo ang mga miyembro ng mga aping uri at magsilbi sa taktikang maghati-at-maghari ng mga nang-uusig. Walang aasahan kundi mga “maling pakikibaka” mula sa mga “maling kamalayan.”

Partikular din itong pinaaalalahanan sa kabataan na sinasabing may mga tendensiyang maging mapusok at naghahanap ng direksiyon ng galit. Sa huli, mahubog dapat ang kamalayan sa uri at tukuyin kung sino nga ba ang mga tunay na uring balakid at kaaway ng sambayanan sa tunay na kaunlaran.