KULOBanin ang pagtuyong nabitin
Maliban sa amoy kulob, epektibo rin ito sa kahit anong amoy at mantsa sa damit.

Kasabay ng suspendidong mga klase ang pagsuspinde rin ng paglalaba tuwing masama ang panahon. Kaso ang mga labada, patuloy na naiipon, kaya no choice kung hindi magsalang kahit konti para mabawasan. Kaliwa’t kanan na kung kumaripas ng takbo kesyo para mahabol ang araw o masalba ang mga sinampay kapag nagparamdam na ang patak ng ulan.
Hindi pa tapos ang karera dahil espasyo na pagsasampayan sa loob ng bahay naman ang sunod na hahanapin. Nakapuwesto na rin ang bentilador para ituloy ang naudlot na pagpapatuyo sa mga damit.
Natuyo nga ang damit, pero ano ang kapalit? Amoy na kung ilarawan ay pinagsama-samang baho, asim, putok—ang amoy kulob! Amoy na mistulang natatangi sa mga Pinoy at walang direktang salin sa Ingles.
Tuwing tag-ulan, mahirap talaga ang pagpapatuyo ng mga damit. At kung nakulob naman ang mga ito, mahirap rin matanggal.
Mainam na labahan na lang ulit sa karaniwang paraan ang mga nakulob na labada, subalit malaki ang tiyansa na manatili ang amoy. Kaya, narito ang diskarteng sikat sa mga Pinoy para labanan ang kulob gamit lang ang mga bagay na siguradong mayroon sa bahay o sa malapit na tindahan.
Mga kailangan:
- ½ tasa ng baking soda
- ½ tasa ng suka
- Uling
Ang amoy kulob ay dala ng mga namuong bacteria at fungi sa mamasa-masang tela na nakulong sa saradong kuwarto o lalagyan at hindi maayos na natuyo. Dahil dito, kinakailangan na labahan at ibabad ulit ang mga damit.
Para matanggal ang hindi ka-aya ayang amoy, magagamit ang suka dahil pinapatay nito mismo sa mga bacteria na namuo at sanhi ng amoy. Ang baking soda naman ang nagbabalanse ng mga matatapang na amoy.
Paano gawin:
- Sa isang palanggana, maglagay ng maligamgam na tubig at ihalo ang baking soda. Ibabad ang mga nakulob na damit ng mga 30 minuto hanggang ilang oras bago labhan ulit ang mga damit.
- Sa huling banlaw, haluan ng suka ang tubig. Puwede rin itong samahan ng fabcon para kumapit ang bango, at iwan ng ilang minuto.
- Isampay nang hiwa-hiwalay para makahinga ang tela. Tapatan ng bentilador para mag-circulate ang hangin at matuyo.
- Sa mga saradong kuwarto na pagsasampayan, maglagay ng uling sa paligid. Ang uling ay epektibo sa pag-absorb ng mga malalakas na amoy sa paligid. Mainam rin ito lalo kung malapit sa kusina magsasampay, para maiwasan na humawa pa ang ibang amoy sa mga damit.
- Itiklop na agad. Huwag nang paabutin nang matagal bago itiklop para handa na ulit itong maisuot.
Maaaari itong gawin sa paglalaba sa washing machine o labang-kamay. Maliban sa kulob, epektibo rin ito sa kahit anong amoy ng tela tulad ng mantsa, pawis at pag-disinfect ng damit galing sa ukay-ukay. Karaniwan itong pangunahing payo laban sa amoy-kulob lalo ng mga nakatatanda, kasambahay o mga tsismosang kapitbahay.
Pero alalahanin, wala pa rin tatalo na mapatuyo ang mga damit sa araw lalo sa mga nakulob. Kaya ‘pag may pagkakataon na mailabas ang mga sampay malakas man o mahina ang sikat ng araw, sulitin ito. Bantayan lang siyempre kung magparamdam ulit ang patak ng ulan para iwas ang repeat the process.
Basta’t may araw, may pag-asa ang labada! At kahit wala, may baking soda at suka!