close

Muling pagkabuhay ni Ishmael Bernal sa ‘Guerilla Archive’


Ang proyekto ay isang paanyaya na muling hukayin ang baul ng ating kolektibong pag-alala at pagpupugay kay Ishmael Bernal.

Sa isang tahimik na espasyo sa Makati City, matatagpuan sa isang maliit na silid ang mga lumang retrato ng mga sikat na mga artista at mga typewritten script ng mga pelikulang naninilaw na ang mga pahina. 

Sa silid na ito, muling binuo at pinagtagpi ang mga alalaa at pamana ng Pambansang Alagad ng Sining na si Ishmael Bernal. Ang “Guerilla Archive: The Ishmael Bernal Photo Collection” ay isang “anti-archive” o alternatibong anyo ng pag-alala sa personal at subersibong pamumuhay ng tanyag na direktor at artista ng bayan.

Ang “Guerilla Archive: The Ishmael Bernal Photo Collection” ay isang ‘di pangkaraniwang koleksiyon, hindi ito matatagpuan sa isang climate-controlled at may mga harang na silid na katulad sa mga nakasanayang exhibition. Ang mga materyal ng archive ay matagal na natulog sa isang kuwarto sa bahay ng manunulat na si Jorge Arago, matalik na kaibigan at kolaborador ni Bernal.

Sina Katrina Stuart Santiago at Gio Potes, mga tagapagtaguyod ng proyekto.

Nang pumanaw si Arago noong 2011, ang mga crate na naglalaman ng mga retrato, script, diary at iba pang kagamitan ni Bernal ay ipinasa sa peryodistang si Angela Stuart Santiago, at kalaunan sa kanyang anak, ang manunulat na si Katrina Stuart Santiago.

“Pasahan lang talaga siya mula kaibigan papunta sa kaibigan. Walang formal na pagkatalog, walang intensiyong gawing exhibit agad. Pero napaka-substantial ng laman,” ani Gio Potes, isang filmmaker at isa sa mga tagapagtaguyod ng proyekto.

Bound at annotated script ng pelikulang “Broken Marriage” (1983), tungkol sa isang mag-asawang peryodista at TV production assistant na pinagbidahan nina Christopher de Leon at Vilma Santos. Joanna Robles/Pinoy Weekly

Mula sa mga behind-the-scenes na retrato ng mga kilalang pelikula ni Bernal tulad ng “Manila by Night” (1980) at “Broken Marriage” (1983), ilang mga malalaking self-portrait para sana sa isang tampok na international film festival, mga hindi tapos na pahina ng kanyang mga diary, ang koleksiyon ay hindi lang tala ng karera ni Bernal bilang direktor, kundi salamin ng kanyang personahe, sensibilidad at mga pinagdaanang suliranin sa industriya ng pelikula.

“The idea of an archive as precious commodity is one entrenched in private ownership. The archive without a clear future can be forever kept from public view,” sabi ni Katrina Stuart Santiago sa kanyang sanaysay.

Ngunit, aniya, ang archive na ginawa nila para kay Bernal ay kabaligtaran. Ang “Anti-Archive” ay ipinanganak sa gulo, sa impormalidad, at sa halip na itago, ay libre at bukas na ipakita sa publiko.

Ang sanaysay ni Katrina Stuart Santiago hinggil sa “Anti-Archive”. Matatagpuan sa taas nito ang ilan sa mga portraits ni Direk Ishma. Joanna Robles/Pinoy Weekly

Hango sa sanaysay ni Arago na “The Passive Rebel” ang inspirasyon ng “guerilla archive,” kung saan inihahalintulad ang pagkatao ng isang homosekswal sa isang gerilya—lumilikha, lumalaban at nabubuhay sa kabila ng sistemang mapang-api at mapaniil.

Gaya rin ito ng mga sining ni Bernal noong panahon ng diktadura ni Ferdinand Marcos Sr. Naipapasok niya ang mga progresibong pananaw tungkol sa kasarian, kahirapan at pagkuwestiyon sa awtoridad sa kanyang mga pelikulang komersiyal. 

Bahagi ng “Anti-Archive” ang mga maliliit na talakayan, screening at planong live dubbing ng pelikulang “Huwag Tularan: Pito ang Asawa Ko” (1976) na hindi na ma-restore ang tunog.

Direk Ishma in action. Joanna Robles/Pinoy Weekly

Sa bawat aktibidad, binibigyang-buhay muli ang mga larawan, hindi bilang nostalgic memorabilia, kundi bilang kasangkapan ng panlipunang ugnayan at diskurso. Para kay Potes, isa sa mga layunin ng archive ay ang ipakita si Bernal hindi lang bilang direktor, kundi bilang rebelde, bakla, intelektuwal at dokumentarista ng kanyang panahon.

Ang proyekto ay isang paanyaya na muling hukayin ang baul ng ating kolektibong pag-alala at pagpupugay kay Bernal. Hinihikayat tayong itanghal ang kanyang mahalagang ambag sa pagsusulong ng makabuluhan at mapanghamong sining sa bansa.