close
Main Story

Muog laban sa dambuhalang dam

Itinatayo sa Pakil, Laguna ang isang dambuhalang dam sa ngalan ng “kaunlaran.” Ngunit para sa mga residente, malabo ang pag-unlad kung nagsisilbing malaking banta ang proyekto sa kanilang kultura, kaligtasan at kabuhayan.

Isang maliit na munisipalidad ang Pakil sa silangang bahagi ng Laguna, pinapagitnaan ng Laguna de Bay at ng Bulubundukin ng Sierra Madre. Kilala ito bilang isang tahimik, relihiyoso at makakalikasang bayan. Ang mga kabundukan nito’y hindi lang likas-yaman, kundi bahagi ng kabuhayan, paniniwala at kasaysayan ng mamamayan.

Sa pagpasok ng dambuhalang Ahunan Pumped-Storage Hydropower Project, nagbabadyang burahin ang ganitong pamumuhay sa ngalan ng “kaunlaran.”

Ang Ahunan Dam ay joint venture ng Prime Metro Power Holdings ni Enrique Razon Jr. at JBD Water Power Inc., na magtatayo ng 1,400 megawatt dam na sasaklaw sa humigit-kumulang 299 ektarya at gagamit sa Laguna de Bay bilang reservoir. 

Hinango ang pangalan ng proyekto sa sagradong tradisyon na “Ahunan sa Ping-as” kung saan umaakyat ang mga deboto ng Mahal na Birhen ng Hapis ng Turumba sa Bundok Ping-as para magdasal at magdaos ng misa. Isinasagawa na ng mga taga-Pakil ang tradisyong ito mula pa noong panahon ng kolonyalismong Kastila.

Para sa mga residente, malinaw na paglapastangan at pagbaluktot sa kanilang tradisyon at kultura ang paggamit sa “Ahunan” bilang pangalan ng proyektong sisira sa bundok at kalikasan.

Sa pagbalik ng Pinoy Weekly sa katahimikan ng Pakil nitong Hulyo, isang matinding ingay ang sumalubong: ang walang paalam na pagputol ng mga puno sa Bundok Ping-as at ang tuloy-tuloy na panggigipit sa mga residente upang ibenta ang kanilang mga lupang minana pa mula sa kanilang mga ninuno.

Kabilang sa mga pinutol ang mga punong lanzones, rambutan, niyog, langka, santol, anibong at maulawin—mga punong pinagyaman at inalagaan sa loob ng maraming dekada.

Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), nasa mahigit 3,000 puno ang balak itumba upang bigyang-daan ang dam. Nangangamba ang mga residente sa sakunang pwedeng idulot ng pagkalbo sa kanilang bundok. 

Sa isang iglap, ang isang bayan na kilala sa pananampalataya at katiwasayan ay ginimbal ng panibagong yugto ng pananakop sa anyo ng dambuhalang proyektong pang-enerhiya na walang pahintulot.

Sina Lola Tessie (kaliwa) at Lola Rita ng Mamamayang Nagmamahal sa Pakil (Manapak). M.A. Abril/Pinoy Weekly

Puno ng masasayang alaala si Teresita Sanchez Saldana o Lola Tessie, 81, sa kanyang bayang tinubuan. Sa Pakil na siya ipinanganak, nagkamuwang, nakapag-asawa at tumanda. Tumatak kay Lola Tessie ang larawan ng bundok na nagniningning sa gabi tuwing pamumunga ng mga punong lanzones. 

“Noong bata pa ako, alam ko po ‘pag panahon ng lanzones, umaakyat po ang may mga tanim na lanzones at mayroon silang espesyal na parol. [Mga] gasera ang nag-iilaw, itinataas nila sa hapon na may sindi at kinabukasan ng umaga, babalik sila sa bundok para patayin ang [mga] gasera,” sabi ni Lola Tessie.

Nagmimistulang mga Christmas tree ang mga puno ng lanzones, nilalaro ang mga mata ng mga kagaya niyang musmos noon.

Pareho din ang alaala ni Rita Cabañero, 71, sa kanyang kabataan. Sagana sa ani ang mga puno ng lanzones. Sabik siyang pumunta noon sa plaza para pagmasdan ang mga kumukutikutitap na ilaw sa bundok. Inaabangan din niya lagi ang mga ipinamamahaging ani ng mga kaanak mula sa maliit na lupang sinasaka.

“Ngayon, nalulungkot ako baka hindi na nga kami makatikim ng lokal na lanzones,” mapait na sambit ni Lola Rita.

Kung kailan kasi sila tumanda, kaysa mapayapang nagpapahinga, takot ang bumabalot sa kanilang puso dahil baka hindi na masilayan ng susunod pang henerasyon ang magandang bayan na kanilang kinalakhan dahil sa dam. 

“Nitong nalaman ko na may dam ditong [itatayo] noong 2022, umuwi na ako dito. Dito na talaga ako nag-stay,” kuwento ni Lola Rita. 

Minsan nang nanirahan sa Marikina City si Lola Rita. Naranasan niya doon kung paano lumubog ang lugar nang hagupitin ng bagyong Ondoy noong 2009. Aniya, ang pagpapakawala ng tubig sa dam ang isa sa naging dahilan ng mabilis na pagbaha sa lungsod noon. Kaya nang nabalitaan niyang may itatayong dam sa kanyang bayang tinubuan, walang pag-aatubili siyang bumalik sa Pakil para makiisa sa pagtutol dito. 

“Sa akin, hindi productive ‘yan. [Hindi] uunlad ang bayan ng Pakil. Sa tingin ko mawawalan pa kami ng tubig,” ani Lola Rita. 

Sa kabila ng kanilang edad, nangunguna sina Lola Tessie at Lola Rita sa Mamamayang Nagmamahal sa Pakil (Manapak). Layunin ng kanilang organisasyon na ipagtanggol ang bayang kumalinga at nagbigay-buhay sa kanila at sa kanilang mga ninuno at kaapu-apuhan.

Sa protesta ng Manapak noong Hul. 5, sa kabila ng kanilang edad, dalawa sila sa daan-daang mamamayan na lumibot sa bayan ng Pakil, nangausap sa iba pang residente at nakisigaw ng kanilang panawagan laban sa mapaminsalang dam.

“Mahal ko ang bayan ng Pakil, kasi dito ako ipinanganak, dito na rin siguro ako tatanda at mamamatay,” ani Lola Rita. Para sa kanya, walang anumang salapi ang tutumbas sa kanyang pagmamahal at paninindigan para sa Pakil.

Paskil ng Department of Energy na nagbabawal sa pag-akyat sa Bundok Ping-as. M.A. Abril/Pinoy Weekly

Sa paanan ng Bundok Ping-as, may mga magsasakang hindi makapunta sa kanilang mga bukirin dahil sa pagbabakod ng gobyerno sa kanilang mga sakahan. Itinindig ang harang sa basbas ng Department of Energy at DENR.

“Paano kami?” ang karaniwang tanong ng mga magsasakang apektado.

Nitong nakaraang anihan, muntik nang hindi maani ng mga magsasaka ang kanilang tanim na palay. Kung hindi pa dahil sa sama-samang pagkilos ng mga magsasaka, tiyak na lugi ang mga magsasakang namuhunan.

Ayon kay Ka Jun Asin, 64, magsasaka at presidente ng Pakil East Farmers Association, maaaring masagasaan ng itatayong dam ang 69 ektaryang lupaing rehistrado sa Registry System for Basic Sector in Agriculture at pinagkukunan ng bigas ng Pakil.

Bago pa man ang pagpasok ng proyektong dam, mahirap na ang kalagayan ng mga magsasaka. Marami ang nakikisaka lang sa mga lupain, nakikipaghatian ng ani sa may-ari ng lupa. Ang ilan naman ay pumapasok ring manggagawang bukid para tumulong sa paggapas, pagkaingin at pag-aani.

Pinasahol ng pagpasok ng dam ang kalagayan ng mga magsasaka. Ang mga walang sariling lupa, inagawan pa ng lupaing puwedeng tamnan.

Dahil sa banta ng walang habas na pangangamkam ni Razon sa mga lupain at sakahan, napipilitan na ang ibang magsasakang bitawan ang kanilang mga karit, makipagsapalaran sa siyudad at mamasukan bilang mga construction worker.

Ang ilan naman ay inaakit ng mismong korporasyon ng dam para maging tauhan nito. Sa kuwento ni Ka Jun, ang ilan sa mga manggagawang bukid ay ginawang security guard o kaya’y utusan ng kompanya.

Para kay Ka Jun, biktima ang mga manggagawang bukid at mga magsasaka. “Ang alam lang niya [magsaka] at pumunta sa palayan. Kawawa ang mahirap,” aniya.

Kagaya na lang ni Ka Inggo Alad, 70. Nagsasaka na siya sa murang edad na siyam. Sa halos anim na dekada, wala pa rin siyang sariling lupa.

Noong pumasok ang dam, naapektuhan pati ang kanyang produksiyon. Mula sa dating naaaning 120 kaban ng palay, bumaba na ito ng 20, ang limang kaban pa dito’y hati ng may-ari ng lupa.

Dahil sa takbo ng ekonomiya, lalo pang nagigipit si Ka Inggo ngayon. Bagsak ngayon ang presyo ng palay. Kung suwerte, nasa P9 kada kilo ang bentahan, pero kung malas, dahil pangit ang palay, P8 na lang kada kilo.

Ang mag-pinsang Trisha Anne Jimenez at Rochelle Mae Jimenez, mga kabataang taga-Pakil. M.A. Abril/Pinoy Weekly

Sa gitna ng pagtutol sa Ahunan Dam,  umuusbong ang palabang tinig ng  kabataan. Kabilang sa mga matutunog na boses ang mag-pinsang Trisha Anne Jimenez at Rochelle Mae Jimenez. Parehong laking Pakil at namulat sa panganib na dala ng dam mula sa mga karanasan na ikinuwento sa kanila ng kanilang mga magulang.

“Since ‘yong family ko, lalo na ‘yung tita ko is updated sa ganitong issue, no’ng nalaman kong nag-support sila, doon na ako nagsimulang maging aware,” ani Trisha.

“May mga lupa kasi kaming madadamay. Tapos ‘yong bahay namin ay nasa paanan ng bundok. So kung magkaka-landslide, damay kami,” sabi ni Rochelle.

“Narinig ko, ang lupa natin sa bundok ay malambot. Kung tatayuan ng dam at may mangyaring masama, mabilis guguho at magdudulot ng baha,” wika ni Trisha.

Ang mga naririnig nilang negatibong epekto ng proyekto ay hindi kathang-isip. Noong 2022, kabilang ang Pakil, Laguna sa mga lugar na lubos na tinamaan ng bagyong Karding.

Malinaw para sa kanila ang tungkulin ng kabataan. “Tayo ang magbebenepisyo o magdurusa sa magiging resulta nito. Importante ang partisipasyon ng kabataan kasi nasa atin ‘yong susi ng kaligtasan natin mismo,” ani Trisha.

Dagdag ni Rochelle, “Sinasabi nga nila na ang kabataan ang pag-asa ng bayan. And of course, the next generation will inherit our agriculture.”

Hindi lang sa Pakil sumisigla ang partisipasyon ng kabataan. Nagpakita rin ng pakikiisa ang mga miyembro ng Panatang Luntian Coalition mula sa Kamaynilaan. Isa sa kanila si Niña Fegi, 24.

“Matagal na talaga ang proyektong ito, mga 2019 pa. Pero kami’y napilitan nang pumunta rito nang mabalitaan naming may anunsiyong puputulin na raw ang mga puno,” aniya.

Para kina Trisha, Rochelle  at Niña, ang kanilang pagtindig laban sa Ahunan Dam ay pagtindig para sa susunod pang salinlahi. Habang pinipilit ng mga malalaking korporasyon at kanilang koneksiyon sa kapangyarihan na itulak ang dambuhalang proyektong ito, nililikha lang nito ang matabang lupa para sa pag-usbong ng panibagong binhi ng paglaban sa bayan ng Pakil.

Sa mga susunod na araw, buwan, at mga taon, ang pinagsanib na lakas ng mamamayan ng Pakil ang ating masasaksihan. Isang bayang nagkakaisa upang ipagtanggol ang kanilang bundok, lupa, tubig, kultura, kalikasan at ang kanilang kinabukasan.