close

Pusong bukas, bulsang butas

,

Sa kabila ng kanilang pagsusumikap na paglingkuran ang mamamayan, nakaamba ang malawakang tanggalan sa mga ahensiya ng pamahalaan dahil sa Government Optiminzation Act, lalo na ang mga kawaning kontraktuwal.

May iisang hiling ang ang mga guro, manggagawang pangkalusugan at iba pang kawani sa pampublikong sektor: nakabubuhay na suweldo, makataong kondisyon sa paggawa at tunay na pagkilala sa kanilang tungkulin at ambag bilang frontliner sa serbisyo publiko.

May dagdag mang P7,500 sa teaching supplies allowance simula 2024 at P10,000 sa susunod na taon sa ilalim ng Kabalikat sa Pagtuturo Act, tugon sa matagal nang iginigiit ng sektor, kapos na kapos pa rin ang suporta ng gobyerno sa pampublikong edukasyon.

Sa nagdaang State of the Nation Address, muling humarap si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa taumbayan bitbit ang panibagong pangako gaya ng pagdagdag ng mga classroom, modernisasyon ng mga pasilidad, pagbabawas ng gawain sa guro, at pagpapaigting ng digital learning. Ngunit hindi pa rin ito sapat para maibsan ang matagal nang krisis sa pag-aaral.

Sa larangan ng edukasyon, ang mga guro sa mga pampublikong paaralan ang mga bayaning madalas hindi napapansin. Sa isang silid-aralan sa Macario B. Asistio High School sa Caloocan City, masigasig na bagong guro si Gil Vincent Yaquit na pitong buwan nang nagtatrabaho bilang job order o contract of service (JO/COS) at patuloy na nagsusumikap magturo sa kabila ng mga limitasyon ng sistema.

“Nagsimula ako noong Oktubre bilang kontraktuwal, ang sahod ay P15,000 kada buwan at wala kang benefits so ‘yong mga SSS at Philhealth, wala ‘yon,” ani Yaquit.

Kahit hindi tiyak ang kalagayan, hindi ito naging hadlang sa kanya sa pagpapabuti ng daloy ng diskusyon ng klase. Sa halip, ginamit niya ang sarili niyang pera sa pagbili ng second hand na laptop at projector.

Panawagan ng Alliance of Concerned Teachers sa dagdag badyet para sa sektor ng edukasyon at nakabubuhay na sahod para sa mga guro noong People’s State of the Nation Address, Hul. 28, 2025. Neil Ambion/Pinoy Weekly

Sa ulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2)  siyam sa bawat sampung batang Pilipino na edad 10 ang hirap bumasa ng simpleng teksto na sumasalamin sa pagkukulang sa mga aklat o modules.

Ayon kay EDCOM 2 co-chairperson Rep. Roman Romulo sa kanyang privilege speech, ito ang sintomas ng lumalalang krisis sa edukasyon at ugat ng mababang kalidad ng pagkatuto ng mga mag-aaral.

Ngayong Hunyo na regular na si Yaquit, umaasa siyang makatanggap ng Salary Grade 11 o katumbas ng humigit-kumulang P30,000 na buwanang sahod. Ngunit sa kanyang paningin, hindi pa rin sapat ang suweldo sa mga guro.

“Mararamdaman mo talagang kulang sa tao kase may responsibilities ‘yong teacher na sana iba na ang gumagawa, ‘yong dapat na nagtuturo ka lang mag o-overtime ka pa,” aniya. 

Habang patuloy ang pagbagsak ng kalidad ng edukasyon sa bansa, tila mas abala ang Department of Education (DepEd) sa pangongolekta at pagbabahagi ng datos—mga numerong paulit-ulit inuulat ngunit hindi pa rin natutugunan. Ganito inilarawan ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang kasalukuyang tugon ng gobyerno sa malalim na problema sa sektor ng edukasyon.

Araw-araw, bumabaha ng datos: libo-libong guro ang kulang, daang libong silid-aralan ang backlog at milyon-milyong mag-aaral ang walang sapat na learning materials. Ngunit para sa ACT, hanggang doon na lang ang ginagawa ng pamahalaan, walang kongkretong aksyion, walang malinaw na direksyon.

Sa kabila ng patong-patong na responsibilidad, kakarampot na sweldo, kawalan ng benepisyo, kulang na kagamitan at pasilidad, at mabagal na tugon ng pamahalaan, patuloy pa ring kumakapit ang mga guro sa kanilang sinumpaang tungkulin: ang magturo.

Isa si George Abayari sa napakaraming Pilipino na nag-enroll sa kursong nursing sa Pilipinas noong 2018.

Kasalukuyan siyang kawani sa Department of Health (DOH) Calabarzon Center for Health Development. Isa siya sa mga bumababa sa mga local health center para magsagawa ng pagsubaybay at pagsusuri sa pagpapatupad ng mga programang pangkalusugan ng DOH sa rehiyon.

Dahil kulang ang manpower para sa mga programa, kinakailangan aniyang gampanan ang iba’t ibang tungkulin kahit walang kaakibat na dagdag-suweldo. Kabilang si Abayari sa halos 650 na JO/COS sa kanilang opisina, na bagaman pantay lang ang bigat ng trabaho sa mga contract with appointment workers, wala silang natatanggap na kahit anong benepisyo.

“‘Yon ‘yong isa sa mga tatanggapin mo as a JO/COS—maraming masipag magtrabaho pero pagdating sa pagbabawas ng mga empleyado, nakakalungkot kasi kasama kami sa mga hindi priority na makapagtrabaho. Wala kaming magawa kundi tanggapin, it’s the system we cannot beat,” ani Abayari.

Panawagan ng Alliance of Health Workers sa nakabubuhay na sahod, seguridad sa trabaho, at makataong kondisyon para sa mga healthcare workers noong People’s State of the Nation Address, Hul. 28, 2025. Neil Ambion/Pinoy Weekly

Ayon kay DOH Secretary Teodoro Herbosa sa isang pagdinig sa Kamara para sa badyet ng ahensiya noong 2024, nasa 32,600 ang mga JO/COS sa ilalim ng DOH habang 16,230 naman ang mga unfilled regular positions. Ani Herbosa, matagal na panahon ang kailangan para punan ang mga posisyon at marami rin sa mga regular na kawani ang bumibitaw sa posisyon upang magtrabaho sa ibang bansa.

May puso man siya para sa public health service, pinag-iisipan na rin ni Abayari maghanap ng ibang trabaho o mangibang bansa dahil siya ang tanging sumusuporta sa kanyang pamilya.

“Nakikita kong ‘yong public health workers hindi pa masyadong priority ng gobyerno, hindi na ako makakapaghintay pa sa mas makataong kondisyon at sahod para sa mga JO/COS [worker]. Hindi na ako masyado umaasa na aabot sa ganoon kasi maraming dinadaanang proseso,” kuwento niya.

Bukod sa mismong DOH regional office, marami rin pagkukulang sa mga local health center sa kabuuan ng Calabarzon.

Ayon kay Abayari, nagkakaroon ng “bottleneck” pagdating sa pagbibigay serbisyo. Lagi raw may kulang sa tao, kagamitan at rekurson, kahit kasama nila ang Philhealth sa pagpapatupad at pagpopondo ng mga programa.

“Sana bigyan ng budget pareho. Kung gustong paunlarin ang healthcare system, simulan nila sa root level kung saan makakapagbigay ng maayos na compensation sa healthcare workers kasi kami ang nagpapaandar ng mismong sistema,” saad ni Abayari.

Si Courage national president Santiago Dasmariñas sa isinagawang noise barrage sa harap ng National Housing Authority laban sa Government Optimization Act, Ago. 7, 2025. Lara Medina/Pinoy Weekly

Panawagan ng mga empleyado ng gobyerno ang pagbabasura sa National Government Rightsizing Program na naglalayong bigyan ang pangulo ng kapangyarihang tanggalin o pagsamahin ang ilang ahensiya ng gobyerno upang bawasan ang pagkakapare-pareho ng mga tungkulin nito. Ngunit nitong Ago. 4, pinirmahan na ito ni Marcos Jr. at tinawag na Government Optimization Act.

Ayon kay Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) secretary general Manuel Baclagon, pagtitipid ito ng gobyerno at magreresulta sa malawakang tanggalan sa trabaho.

“Sa neoliberal na patakaran tulad nito, ang layunin lagi ay makapagtipid. At ang unang titipirin mo ay ang mga tao—’yong sahod, mga posisyon, mga benepisyo nila, savings iyan e,” ani Baclagon sa panayam sa Pinoy Weekly.

Paglatag ng datos sa tumataas na bilang ng mga kawaning job order at contract of service sa gobyerno noong State of Government Employees Address, Hul. 17, 2025. Lara Medina/Pinoy Weekly

Nasa 939,771 ang kabuuang bilang ng mga kawaning JO/COS sa gobyerno noong 2024 mula sa 642,077 noong 2022 ayon sa tala ng Inventory of Government Human Resources ng Civil Service Commission.

“Ang hinihingi natin ay regularisasyon ng posisyon. Dahil may rightsizing na ngayon, dale ang JO/COS pati ang mga regular na kawani basta’t napagdesisyunan na kailangan i-abolish, i-merge o bawasan ang function ng ahensiyang kinabibilangan nila,” paliwanag ni Baclagon.

Sa kabila ng pagod, kakulangan sa suporta at mabagal na pagtugon ng gobyerno, nananatiling matatag ang mga guro, manggagawang pangkalusugan at kawani ng pamahalaan sa kanilang paninindigan bilang lingkod bayan. Ngunit sa tagal ng kanilang pagtitiis, malinaw ang kanilang panawagan: gobyernong nakikinig, sumusuporta at kumikilos.

“Dapat tuparin ng gobyerno ang nakasaad sa Saligang Batas na dapat ang mga manggagawa sa pampublikong sektor ay dapat may nakabubuhay na sahod, kasiguruhan sa trabaho at mga demokratikong karapatan kahit na sila ay nasa gobyerno,” wika ni Baclagon.