close

Vibe check! G ka ba mag-Gen Z talk?


Ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino, maituturing ang nabubuong mga Gen Z slang bilang bagong anyo ng wikang Filipino.

Nakakita ka na ba ng isang “sobrang Latina?”

Kung babad ka sa social media at Gen Z ka, baka gets mo ito agad. Kung hindi, mapapaisip ka nga naman kung may kinalaman ba ito sa lahi, sa ugali o sa OOTD. 

Bahagi ng naming convention ang Generation Z o Gen Z para matukoy ang henerasyong isinilang sa panahon ng malaking pagbabago sa kultura at teknolohiya.

Matutukoy ang mga Gen Z kung kabilang ang taon ng kapanganakan mula 1997 hanggang 2012. Sunod ito sa Generation X (1965-1980) at Generation Y o Millennials (1981-1996). Sumasagisag din ang Z sa pagiging huling letra na maiuugnay sa pagtatapos o malaking pagbabago tulad ng pag-usbong ng teknolohiya at internet.

Naging daluyan din ang internet culture mula sa TikTok para umusbong ang mga Gen Z slang na ginagamit sa pang-araw-araw na pakikipag-usap.

Ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), maituturing ang nabubuong mga Gen Z slang bilang bagong anyo ng wikang Filipino.

“Napakalakas ng dating ng penomenong ito na hindi dapat balewalain o isantabi o iitsapuwera ng Komisyon ng Wikang Filipino at iba pang Sentro ng Wikang Filipino ng iba’t ibang unibersidad at kolehiyo,” ani Victor Nadera, propesor sa Unibersidad ng Pilipinas, Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas.

May mga kahulugan ang mga salitang ito para maintindihan ang henerasyong lumaki sa digital na mundo.

  • 10 over 10 – Ginagamit tuwing nais sabihin na “perfect” ang isang bagay— walang kulang, walang mali. Mula ito sa review culture sa social media na ngayo’y ginagamit na rin sa araw-araw bilang papuri.
  • Boujee – Galing sa salitang “bourgeois,” ginagamit ito para ilarawan ang isang tao na mahilig sa mamahaling bagay o tipong nagpapakita ng “high-class” na lifestyle kahit hindi naman laging totoo. Sa ibang salita, inilalarawan ito na parang pasosyal o mahilig sa fancy na pamumuhay.
  • Bet – iba ito sa sugal. Ginagamit ang salitang ito tuwing sumasang-ayon o gusto nila ang bagay o pangyayari.
  • Dasurv –  Nagmula sa salitang “deserve” pero ginawang mas porma ang bigkas. Ginagamit ito kapag may nangyari sa isang tao, positibo man o kahit negatibo. Maaaring maitulad sa kontektstong “buti nga sa’yo” o “good for you.”
  • Delulu – Pinaikling “delusional” na tumutukoy sa paniniwala sa isang bagay na malayo sa katotohanan. Madalas itong biro sa mga fandom tulad ng K-pop, na ginagawang nakakatawa ang pantasyang may relasyon sa iniidolo. Gamit na rin ito ngayon sa TikTok bilang pagtugon sa biro.
  • Mothering – Papuri para sa isang taong hinahangaan o napakahusay sa isang bagay. Iconic ang ibig sabihin kapag “she’s mother.” Mula ito sa LGBTQ+ at drag culture at naging bahagi na ngayon ng mainstream slang sa TikTok at iba pang social media platform.
  • Slay – Papuri sa taong nagpakitang-gilas sa isang bagay. Katumbas nito ang  “ang galing mo!” Bagaman matagal na itong ginagamit sa drag at queer communities, lalo itong sumikat sa Gen Z sa pamamagitan ng TikTok.
  • Sobrang Latina – Pinasikat ng content creator na si Sesable ang pariralang ito na naging paraan ng kababaihan at LGBTQ+ community para ipakita ang kanilang kumpiyansa. Sa ibang kahulugan, ito’y “sobrang ganda!” Naging viral ito sa TikTok sa mga makeup transformation videos na may bold features ng makeup na bitbit din ang mensahe ng women empowerment.

“Kahit wala man silang posisyon o tindig, magpapatuloy ang mga salitang ganito sa loob at labas ng institusyon,” ani Nadera.

Ayon din sa KWF, tinutugunan ang mga Gen Z slang na ito bilang masiglang pag-usbong ng wikang Filipino na sumasalamin sa impluwensiyang pangkultura at sariling nitong karanasan.