close

Wala pa ring suporta ang mga tumatandang sapatero


Hanggang ngayon, hindi pa nakabawi ang maraming sapatero sa Marikina City matapos ang pandemya. Ang ibang negosyong buhay pa, katulad ng Pando, ay lumalaban na lang araw-araw kahit walang katiyakan.

Sa isang lumang bahay sa Marikina City na ginawang pagawaan, muling sumasayaw sa ritmo ang martilyo sa ibabaw ng katad. Ngunit sa likod ng bawat tunog nito ay hindi lang kasanayan kundi pagod, paninindigan at pag-aalalang baka sila na ang huling henerasyon ng mga tunay na sapatero sa “Shoe Capital” ng bansa.

Si Fernando Lopez, 64, may-ari ng Pando Shoe Store, ay may higit limang dekadang karanasan sa paggawa ng sapatos. Kasama niya sa pagawaan ang mga kapwa beterano, mga manggagawang halos kasabayan niya sa edad.

Sa bawat hakbang ng paggawa, makikita ang eksperto nilang galaw. Subalit kasabay nito, ramdam din ang bigat ng panahong lumipas at ang tanong kung may darating pa bang susunod sa kanilang yapak.

“Dati, araw-araw may trabaho. Ngayon, kanya-kanyang diskarte na lang para mabuhay,” ani Rogelio Santos, 65, sapaterong may mahigit 40 taon sa industriya. “Tumaas ang tax, tumaas ang materyales kaya ‘yong iba, napatigil na.”

Tinatanggal ni Rogelio Santos sa pagkadikit ang balangkas at ang hulmahan ng sapatos gamit ang heat gun. Dito na tumanda si Rogelio, sa industriyang sapatusan ng Marikina. Joshua Isaac Español/Pinoy Weekly

Hindi na kailangan ng estadistika para makita ang krisis. Sapat na ang edad ng mga gumagawa ng sapatos sa Marikina. Sa Pando pa lang, apat na dekada na ang average na karanasan ng mga manggagawa.

Si Romeo Salvador, 67, nagsimulang magtrabaho sa sapatusan noong edad 12 pa lang siya. Hanggang ngayon, siya pa rin ang nagdidikit ng suwelas sa mga sapatos na de-kalidad ang pagkakayari.

“Import? Kayang-kaya naming sabayan ‘yon,” ani Romeo. “Mas matibay ang gawa ng Marikina kaysa sa mga imported na marurupok.”

Ngunit kahit gaano katibay ang sapatos, hindi nito kayang panindigan ang bigat ng tatlong malalaking dagok.

Una, ang walang patumanggang pagpasok ng murang imported na produkto mula China at Vietnam. Ikalawa, ang pandemya na halos tuluyang nagpahinto sa produksiyon at bumura sa demand ng sapatos habang nasa lockdown ang bansa. At ikatlo, ang matagal nang kawalan ng seryoso at sistematikong suporta mula sa pamahalaang lokal.

“‘Di kami gaano suportado ng gobyerno,” ani Fernando. “Wala namang pondo, wala namang tulong. Umaasa na lang kami sa suki. Kaya tumataya na lang ako sa lotto. Ako na lang ang mag-i-invest sa negosyo ko kung saka-sakali.”

Marami ang nagsarang pagawaan noong pandemya. Hindi “essential” ang sapatos kaya napilitang tumigil ang produksiyon, kahit may mga manggagawang umaasa rito para sa pang-araw-araw na pagkain.

Hanggang ngayon, hindi pa nakabawi ang maraming sapatero. Ang ibang negosyong buhay pa, katulad ng Pando, ay lumalaban na lang araw-araw kahit walang katiyakan.

Sinusukat ni Romeo Salvador nang maigi ang suwelas sa entrada bago ito lagyan ng pandikit. Mahigit apat na dekada na siyang nagtatrabaho sa mga sapatusan at naniniwala siyang walang palag ang import sa gawang Marikina sa tibay at kalidad. Joshua Isaac Español/Pinoy Weekly

Noong kampanya para sa nakaraan na halalan, ipinangako ni Mayor Maan Teodoro ang pagtatayo ng trade center, shared workspaces, design labs at paglalagay ng mga kursong shoemaking sa ilang pampublikong paaralan.

Ngunit sa mga sapaterong tulad nina Fernando, Rogelio at Romeo, sanay na silang umasa at mas sanay nang mabigo.

“Ilang dekada na kaming pinapangakuan. Hanggang ngayon, ganito pa rin kami,” ani Rogelio.

Habang tumatanda ang mga sapatero, tumatanda rin ang industriyang kanilang binuo. At kung hindi kikilos ang gobyerno, kung mananatiling puro pangako at kulang sa kongkretong aksiyon, baka hindi na kailangan ng imported na produkto para tuluyang kitlin ang sapatusan. Sapat na ang kapabayaan.

“Kami, matatanda na. Pero gusto naming may magpatuloy. Ayaw naming mamatay ang sapatusan na kasama naming tumanda,” ani Fernando.

At kung walang magpapatuloy, kung walang susuporta, baka tuluyan nang tumigil ang tunog ng martilyo sa Marikina. Kasabay nito ang huling paghinga ng isang industriyang Pilipinong-Pilipino.