close
#KuwentongKabataan

Walang mukha ang pananampalataya


Mailap man hanggang ngayon, kasama ng aking paghilom mula sa nakaraan ang pagpasyang ikuwento sa iba ang aking buhay sa isang konserbatibong relihiyon.

Kapag usapang relihiyon, mailap ako. Hanggang ngayon, dala ko pa rin ang aking karanasan noong kinailangang harapin ang mga tanong sa aking paniniwala. Dumadalaw pa rin ang mga salita at imahen sa aking isipan. 

Lumaki ako bilang Katoliko. Gaya ng karamihan, bininyagan, tumanggap ng unang komunyon at kinumpilan. Nag-aral din ako sa paaralang Katoliko, kung kaya’t alam ko na nabuhay ako at mamamatay akong Katoliko. 

Ang kaso, hindi ako masyadong relihiyosa. Hindi naman kasi ganoon kabuhay ang pananampalataya ng mga nakapaligid sa’kin. Kumbaga, mas may alam pa ako sa araling panlipunan at mga panitikang Pilipino kaysa sa relihiyon.

Hindi pinilit sa’kin ng aking mga magulang na maniwala sa simbahan o sa kahit na anong pananampalataya—ngunit mas mainam kung mayroon. Sabi sa’kin ng aking nanay, may komunidad din ang iba’t ibang mga relihiyon na siyang kailangan ng isang mahiyaing bata na tulad ko na hirap makipagkaibigan kaagad.

Dumating sa punto na nagbago ang aking pakikitungo sa relihiyon noong nahikayat kaming sumali sa isang Kristiyanong relihiyon noong nasa hayskul. Unang beses na binisita ko ang kanilang lugar, nagustuhan ko ito agad.

Hindi ito ang pangkaraniwang simbahan na nakikita ko sa bawat kanto ng aming probinsya. May mga kagamitan at puwesto silang wala sa iba, pati na rin ang ilang miyembro—para akong dinala sa labas ng aking bansa.

Ilang beses naming tinanggihan ang pag-anib sa ibang relihiyon. Pero napagtanto ng aking pamilya na oras na para bigyan namin ng pagkakataon ang aming mga sarili na pagtibayin muli ang aming relasyon sa Diyos. Ilang buwan lang ang lumipas noong kami ay naging ganap na miyembro matapos lang ang ilang beses na pakikinig sa pagtuturo at pagdalo sa pagtitipon.

Naging maganda ang aking unang taon sa bagong komunidad. Mababait ang mga tao at aktibo ang paligid na akala mo’y napakatagal niyo na magkakakilala. Dito rin ako nagkaroon ng pagkakataong ipakita ang aking talento sa teatro at isports. Madalas din akong nagbabahagi ng aking istorya sa Sunday school. Naging iba ang aking pananaw tungkol sa relihiyon, pati na rin ng aking buong pamilya. 

Matapos ang tatlong taon, nagsimula akong magtanong tungkol sa mga sinusunod naming patakaran. Mula sa paghihiwalay ng babae at lalaki tuwing may pagtitipon at sa Sunday school, ang pagbabawal sa ilang pagkain na paborito ko pa man din noon at ang sapilitang pagbibigay sa simbahan kahit walang-wala na kami.

Pero ang pinakakuwestiyon sa’kin ay kung bakit hanggang ngayon, may mga tinaguriang mga “propeta” at bakit nakapaskil ang kanilang mga mukha sa bawat kanto ng simbahan kasama ng mukha ni Hesus? Dito ako nagsimulang maghanap ng mga kasagutan.

Tumagal pa ako sa loob ng komunidad ng apat na taon. Matagal ko na hiniling na sana, makahanap ako ng pagkakataong umalis dahil sa katunayan, wala na talaga akong motibasyon para maniwala pa sa katuruan ng simbahang ito. Nasaktuhang napagtanto ng aking pamilya na magmula noong naging sentro namin ang relihiyong ito, panandalian lang ang ginhawang dinala nito sa’min. Bumalik lang din kami sa dati na nagbibisyo at nagrerebelde sa mga katuruan.

Matapos ang pitong taong pakikibagay, nakahanap kami ng tiyempo na iwanan na ang komunidad na iyon at magsimulang muli. Ilang beses rin kaming dinalaw sa bahay at tinawagan sa pag-asang magbalik-loob kami.

Ngunit habang nangyayari ang mga ito, mas naging pokus ng aking pamilya na tulungan ang isa’t isa ano man ang gusto naming paniwalaan matapos ang pag-alis namin. Hindi ito naging madali dahil kinailangan ko ulit na hanapin ang sarili ko at tuluyang iwanan ang komunidad na halos kasama ko na rin sa aking paglaki bilang isang teenager.

Mailap man hanggang ngayon, kasama ng aking paghilom mula sa nakaraan ang pagpasyang ikuwento sa iba ang aking buhay sa isang konserbatibong relihiyon.

Naging daan ko ito para ipaalam na ang pananampalataya ay kailan ma’y hindi dapat nagtatanggal ng karapatan para magpasya ang isang tao sa kung ano ang makabubuti para sa kanya na daig pa ang isang pamahalaang diktadura. Hindi rin ito dapat nang-oobliga sa pagbibigay, bagkus ay dapat kabaligtaran.

Higit sa lahat, ang pananampalataya ay dapat walang mukha dahil ang relasyon sa Diyos ay nagmumula sa puso at isip. Bakit natin bibigyan ito ng imahen kung tayong lahat mismo ang kawangis Niya?

Marami ang nagsasabing masuwerte ako at nakaalis ako. Siguro totoo ito para sa’kin dahil isang malaking hakbang ang ginawa namin na siyang libo-libong miyembro pa rin ang nag-aasam na gawin nito.

Tanging hiling ko lang na sana ay dumating ang panahong hindi na nila ito kailangang pangarapin dahil sila’y malaya na, may kalayaang magdesisyon para sa kanilang mga sarili.