5 maralitang kontra-demolisyon sa Malabon, inaresto
Apat na lider-maralita ang hinuli ng mga pulis habang sapilitang pinasuko ang isa pa nilang kasamahan noong Set. 16 bunga ng pagtuligsa sa demolisyon sa Barangay Catmon, Malabon City.

Apat na miyembro ng Sandigan ng Nagkakaisang Mamamayan sa Upper Catmon (SNMUC) ang hinuli ng mga pulis habang sapilitang pinasuko ang isa pa nilang kasamahan noong Set. 16 bunga ng pagtuligsa nila sa nangyayaring demolisyon sa Barangay Catmon, Malabon City.
Ayon sa ulat ng Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR), bandang ala-una ng hapon hinuli ng Northern Police District ang lider ng SNMUC na si Remedios “Ate Mimi” Francisco kasama ang tatlong iba pang kasapi ng organisasyon.
Isa pang ‘di pinangalanang miyembro ng SNMUC ang napilitang sumuko dahil sa takot at pagbabanta ng pulis sa kanyang buhay.
Perjury at grave coercion ang mga isinampang kaso sa tinaguriang “Catmon 5.” Aabot sa P18,000 bawat isa ang piyansang kailangan para sa perjury at P36,000 naman bawat isa para sa kaso sa grave coercion.
Matagal nang biktima ng iba’t ibang porma ng abuso, harassment at red-tagging ang SNMUC mula pa taong 2017 kung saan nagsimulang kamkamin ng isang nagngangalang Joselito Lopez ng All Asia Structures Inc. ang lupang kinatitirikan ng kanilang mga tahanan.

Sa parehong taon, pinutulan sila ng kuryente bilang bahagi ng pagpapaalis sa kanila kaya napilitan ang mga residente na umasa sa mga solar panel na kayang bilhin ng ilang mga residente.
Tinangka rin silang putulan ng tubig at makailang ulit na gigibain ang kanilang komunidad nang walang pormal na kautusan ng korte, pero nalabanan nila ito sa pamamagitan ng mga welga.
Sumunod nito, ilang ulit ding pilit pinapasuko ang SNMUC ang kanilang laban para sa kanilang tirahan sa pamamagitan ng panliligalig ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.
Mula sa sapilitang pagpapaalis, sinubukan rin ng mga nangangamkam sa lupain na bilhin ang kanilang mga tirahan kapalit ng salapi. Ayon kay Francisco sa isang panayam noong 2024, marami na sa kanila ang napilitang ibenta ang kanilang mga puwesto kaya nagiba na rin ang mga ito.
Naitala ng Karapatan-National Capital Region ang ilang beses na paniniktik ng mga sundalo at pulis sa Catmon mula 2019 hanggang 2024, at walang patid ang partisipasyon ng mga ito sa negosasyon at pamimilit sa mga residente sa pagbebenta ng kanilang lupain.
Noong 2000 pa nakatira sina Francisco sa erya na iyon ng Catmon matapos itong ibigay ni Cornelio Martinez Francisco bilang relokasyon nila matapos mapaalis din sa Sitio Sais sa parehong barangay.