close
Balik-Tanaw

9/11 sa US at ‘Global War on Terror’ ni Bush


Ginamit ni Pangulong George W. Bush ng Amerika ang pag-atake noong 2001 para ilunsad ang mabagsik na “Global War on Terror.”

Itinuturing na pinakamapaminsalang insidente sa kasaysayan ng Amerika ang 9/11, isang pag-atakeng pinangunahan ni Osama bin Laden ng grupong Al-Qaeda noong Set. 11, 2001, na ikinasawi ng halos 3,000 katao sa United States (US).

Inatake ng mga umano’y terorista na nang-hijack ng apat na eroplanong komersiyal ang World Trade Center sa New York City at punong himpilan ng US Department of Defense na The Pentagon sa Arlington, Virginia na malapit sa Washington, DC.

Bago naganap ang umano’y pag-atake sa Amerika, inilunsad noong 1979 ang tinaguriang “Bin Laden Network,” isang lihim na alyansa para tumulong na labanan ang karibal nila na Russia. Binuo ang samahan sa inisyatiba ng US, kasama ang mga bansang Egypt, Pakistan, France, Saudi Arabia at Israel. Tinatayang umabot sa higit 100,000 ang mga kasapi nito mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Pag-atake sa World Trade Center sa New York City noong Set. 11, 2001. Larawan mula sa US Library of Congress

Subalit dahil sa agresyon at panghihimasok ng US sa Middle East, nabuo ang kagustuhan ng grupo ni bin Laden na salakayin ang bansa. Ginamit ng Amerika ang pag-atake noong 2001 para bigyang katuwiran ang paglulunsad ng “Global War on Terror,” isang kampanyang militar ni Pangulong George W. Bush na naglalayon umanong puksain ang terorismo, tugisin ang Al-Qaeda at si bin Laden, at wasakin ang mga kuta ng militanteng grupo sa iba’t ibang bansa sa Middle East.

Taliwas sa layunin nito para umano sa seguridad ng daigdig, nagdulot ang “Global War on Terror” ng matinding pinsala sa mamamayan ng Middle East dahil sa giyera at panghihimasok ng mga puwersang Amerikano sa Iraq, Afghanistan, Pakistan, Yemen, Somalia at Libya na nagresulta sa malawakang karahasan, paglabag sa karapatang pantao at pagtindi ng Islamophobia sa mga bansang sangkot sa digmaan, kabilang ang Pilipinas.

Matindi rin ang epekto nito sa buong mundo, lalo na sa usaping pang-ekonomiya, maging ang patuloy na tumitinding tensiyon sa pagitan ng Amerika at ilang bansa sa Middle East.