Akyat tayo! | Checklist para sa hiking
Ayon sa hiker na si Junie Batocael, hindi lang katawan ang nakikinabang sa hiking, nabubuhayan din pati mental health.

Isang masugid na hiker si Junie Batocael na natutong umakyat ng bundok dahil sa impluwensiya ng kanyang nakatatandang kapatid. Nagsimula siyang umakyat noong 2024. Ilan sa mga bundok na kanyang naakyat ay ang Mt. Mariglem, Mt. Ulap at Mt. Kulis.
Kung iniisip mo pa lang kung susubukan mo na bang mag-hiking, si Junie na mismo ang magsasabi: “Ito na ‘yong sign mo.”
Ibinahagi niya sa panayam sa Pinoy Weekly na hindi lang ang mga personal na paghahanda niya bago umakyat ng bundok, kundi pati na rin ang mga payong siguradong makakatulong sa mga nais sumubok ng bagong libangan.
Para kay Junie, mahalaga ang paglalaan ng ilang linggong pisikal na paghahanda bago mag-hike.
“Mag-training muna, kahit simpleng jogging o walking ng 5 km o 10 km. Kung puwede, sa mga lugar na may incline para masanay sa assault,” aniya.
Assault ang tawag sa mga matarik na akyatan na madalas dahilan kung bakit mapapadasal ka na lang habang hinihingal.
Checklist na kinakailangan sa araw ng hike:
- Sunscreen at sunblock – proteksiyon sa araw.
- Ointment at medical kit – para handa sa anumang gasgas o pananakit.
- Snacks at inumin – biskuwit, kendi, tsokolate o energy drinks para sa dagdag enerhiya. May iba ring nagdadala ng burger o mas mabigat na pagkain para sa kainan sa tuktok.
- Pamalit na damit – para fresh pag-uwi, lalo na kung may paliguan sa baba ng bundok.
- Extra money – sakaling may entrance fee, CR fee o kung magutom ka pa.
Bukod sa practical tips, may dagdag payo rin si Junie para sa mga baguhan:
“Kung may service vehicle kayo, doon na lang iwan ang ibang gamit para magaan ang bitbit sa trail,” sabi niya.
Huwag ding kalimutan ang hiking lingo. “Hindi naman ito sobrang necessary,” sabi ni Junie. “Pero maganda kung alam mo ‘yong basic terminologies ng hiking para naiintindihan mo rin sina kuya at ate guide.”
Ayon kay Junie, hindi lang katawan ang nakikinabang sa hiking, nabubuhayan din pati mental health. Bonus na lang ang magagandang retrato sa tuktok.
“At kung may makasabay ka na parang Spider-Man umakyat, huwag ma-intimidate. Nagsimula rin sila sa mabagal. Hike at your own pace. Siguradong hahanap-hanapin mo ‘yong feeling ng pag-akyat, pati na rin ‘yong hingal,” biro niya.
At siyempre, hindi mawawala ang paalala: “Always mag-ingat at magpaalam sa magulang!”
Sa huli, ang hiking ay hindi lang pisikal na hamon, kundi isa rin itong paraan para mas makilala ang sarili at mas pahalagahan ang ganda ng kalikasan.
Dito matutuklasan ang iyong lakas, tiyaga at pasensiya, habang natututo ring magpahinga at magpasalamat sa simpleng bagay tulad ng sariwang hangin, huni ng mga ibon, at tanawing mala-postcard sa ganda.
Kaya kung naghahanap ka ng sign para magsimula, ito na iyon!