close

Ang Alpha, Kappa at Omega ng pelikula ni Mike de Leon


Ang mga pelikula ni Mike de Leon ay isang tulay mula sa nakaraan tungo sa kasalukuyan at marahil hanggang sa hinaharap.

Kung may iisang pangalan na hindi matatawaran ang ambag sa kasaysayan at pagsulong ng pelikulang Pilipino, si Mike de Leon na iyon. Siya ang “Alpha” ng sarili niyang pagkakakilanlan: apo ni Doña Sisang ng LVN Pictures, lumaki sa paligid ng mga ilaw at kamera, at nagmana ng isang tradisyon ng pagbubuo ng mga kuwento sa pinilakang tabing.

Ngunit sa halip na sumunod lang sa yapak ng kanyang pamilya, pinili niyang magtulak ng panibagong diskarte at anyo sa paggawa ng mga pelikula noong dekada ‘70. Mula sa kanyang unang pelikula bilang direktor, “Itim” (1976), isang madilim na psychological thriller tungkol sa pananalasa ng alaala at espiritu, ipinakita na ni de Leon ang kanyang pagkiling sa matapang na tema at komplikadong pagninilay sa tao at lipunang Pilipino.

Ang kanyang “Kappa”—ang gitna ng kanyang buhay-pelikula—ay sumigabo sa panahon ng diktadura ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Dito umusbong ang ilan sa pinaka matingkad niyang mga obra: “Kakabakaba Ka Ba?” (1980), isang satirikong komedya na bumabatikos sa kolonyalismo at simbahan; “Kisapmata” (1981), na binasag ang ilusyon ng pamilya at inilantad ang lagim ng awtoridad at patriyarkiya; at “Batch ’81” (1982), isang alegorya ng pasistang estado noong panahon ng Martial Law sa anyo ng fraternity hazing, na hanggang ngayon ay nananatiling babala laban sa bulag na pagsunod at katahimikan ng nakararami. Sa “Sister Stella L.” (1984), kanyang ipinagtanggol ang panawagan ng mga manggagawa at ng simbahan para sa paninindigan.

Ngunit gaya ng bawat kuwento sa pelikula, may “Omega” o pagtatapos. Pagkaraan ng mga dekada ng paggawa ng obra, dumating si de Leon sa “Bayaning 3rd World” (1999), isang metapelikula at mockumentary tungkol sa kasaysayan, alaala, at mga imposibleng kuro-kuro ukol kay Jose Rizal. At kalaunan, bumalik siya sa larangan sa pamamagitan ng “Citizen Jake” (2018), isang masidhing personal na pagtingin sa politika at midya sa panahong muling lumakas ang awtoritaryanismo noong panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

Sa kanyang “Omega,” hindi siya nagsara ng kabanata kundi nag-iwan ng hamon: paano tayo, bilang manonood at mamamayan, haharap sa parehong mga tanong at karanasan mula sa mga dekada na ang nakalilipas?

Sa kabuuan, si de Leon ay hindi lang direktor kundi matalas na kritiko ng kahabag-habag na kalagayan ng lipunang Pilipino.

Ang kanyang mga pelikula ay isang tulay mula sa nakaraan tungo sa kasalukuyan at marahil hanggang sa hinaharap.

Sa Alpha ng mga sinimulan praktika, sa Kappa ng kanyang mga paglaban gamit ang kanyang mga obra, at sa Omega ng kanyang walang hanggang ambag sa sining at pelikulang Pilipino, nananatili siyang buhay na paalala na ang mga pelikula ay higit pa sa libangan, ito’y dapat maging kasangkapan upang usigin ang konsensya at gisingin ang pampulitikang kamalayan ng bawat Pilipino.