close

Artist-run festival sa QC, umarangkada na

Sa Quezon City Biennial, hindi lang mga obra ang tampok, kundi ang mismong ugnayan ng sining at komunidad.

Mula sa mga jeepney na umaandar sa kahabaan ng kalsada, tanaw ang makukulay na billboard na halos takpan ang kalangitan, mga pader na may graffiti at mga taong abala sa kani-kanilang biyahe.

Sa gitna ng ingay at galaw ng lungsod, isang kakaibang paglalakbay ang sisingit—hindi lang para makarating sa destinasyon, kundi para tuklasin ang sining na pinagtulungan ng iba’t ibang artista—ang Quezon City Biennial (QCB).

Mula Ago. 10 hanggang Okt. 10, ginagawang entablado ng mahigit 30 artistang kalahok kabilang ang experimental filmmaker na si Roxlee at Cultural Center of the Philippines Thirteen Artists awardees na sina Zeus Bascon at Allan Balisi ang buong lungsod sa pamamagitan ng iba’t ibang eksibisyon, pop-up event at jeepney tour.

Hango sa temang “Ilalim/Ibabaw”—mula sa rutang tinatahak ng mga pampublikong sasakyan sa EDSA—ipinapakita ng QCB kung paano dumadaloy ang tao, ideya at kultura sa masalimuot na kalakaran ng lungsod.

“Balagbag” exhibition sa Kalawakan Spacetime gallery. Katrina Jane de Castro/Pinoy Weekly

Sa bawat gallery, tila bumubukas ang panibagong mundo. Hindi lang obra ang nakikita, kundi pati ang kaibuturan ng mga artista—kanilang kasiyahan, pangamba, galit at paninindigan. Iba-iba ang anyo, midyum at paraan ng paglikha, pero lahat ay may dalang tanong at mensahe para sa lipunan.

Sa Kalawakan Spacetime, gumamit sina Buen Abrigo, Cian Dayrit, Jose Olarte at Gino Javier ng tunog, tapestry at mga bagay mula sa araw-araw upang ipakita ang ugnayan ng tao, lupa at kapangyarihan, habang inaalala ang alaala ng pamumuhay at pangangamkam ng estado.

Si Yee Chung Kee prinipresenta ang mga piyesa ni Zeus Bascon. Katrina Jane de Castro/Pinoy Weekly

Sa NINUNO Gallery, tampok ang “The Elephant” nina Zeus Bascon, DECAY, koloWn, Roxlee, mag-inang Rosie at Joar Songcuya, at Apol Sta. Maria. Ipinapakita rito ang mga bagay na lantad ngunit madalas tinatahimik, gamit ang mismong estruktura ng bahay bilang kanbas ng kolektibong alaala at pagkakakilanlan. 

“As a contemporary artist we are not just producing images, but also sharing information,” ani Zeus Bascon na binibigyang-diin na higit pa sa biswal na anyo ang layunin ng kanilang sining.

Sa NO Gallery, itinampok ang “Landscapes: The View from a Bus” ni Mark Sanchez, na pumapaksa sa tanawin ng siyudad at kung paanong nilalamon ng billboard at komersiyalismo ang urbanong paligid. Sa Green Gate, makikita ang malikhaing eksperimento ng iba’t ibang henerasyon ng artista gamit ang do-it-yourself na pamamaraan.

Pinapalabas ang dokumentaryong “Tensionada” ni Alley Santos sa The O Home. Katrina Jane de Castro/Pinoy Weekly

Samantala, sa The O Home na pinangunahan nina Yllang Montenegro at Len-len, nakatuon ang espasyo sa karanasan ng kababaihan at sa ideya ng tahanan bilang lugar ng pag-uwi at paghubog ng identidad.

“Ginagamit namin ‘yong print making para magkaroon ng collective at mapag-usapan ‘yong mga nangyayari sa lipunan, kahit na minsan personal na issues,” ani Yllang Montenegro isa sa nagbuo ng The O Home.

Konektado rin dito ang Takatak Feminist Printmakers, isang kolektibong gumagamit ng printmaking bilang paraan ng kolaborasyon at pagkilos. Layunin nilang magbigay ng ligtas na espasyo para maglikha, mag-print at magpahayag, lalo na sa lipunang kulang sa pampublikong espasyo para sa ganitong uri ng sining.

Pagbabahagi ni Sarah Conanan ng  kwento sa likod ng mga piyesa na makikita sa Sampaguita Projects. Katrina Jane de Castro/Pinoy Weekly

 “Ang kagandahan sa QC Biennial, konektado talaga siya sa mode ng Takatak at ng The O Home. Mas prino-promote mo sa community, mas nalalapit mo sa mas madami ‘yong art,” ani Gale Villaflor, isa sa nagtatag ng Takatak Feminist Printmakers.

Sa Sampaguita Projects, isang espasyong pinapatakbo ng pamilyang artista na sina Gene Paul Martin at Potti Lesaguis, tampok ang makukulay at halo-halong pagtatanghal nina Allan Balisi, Uri de Ger, Vladimir Gutas at David Ryan Viray.

Mula sa mga pinta, malikhaing interpretasyon ng siso, herarkiyang inilarawan gamit ang bugwit, hanggang sa iba’t ibang piyesa na sumasalamin sa lipunan, nagiging sentro ang Sampaguita ng malikhaing pagtatagpo. Higit pa rito, ito rin ay nagdaraos ng pop-up store, kainan at tiangge na lalo pang naglalapit ng sining sa komunidad.

Unang jeepney tour ng Quezon City Biennial. Umikot ang tour sa mga gallery na matatagpuan sa Quezon Avenue  at Project 8. Katrina Jane de Castro/Pinoy Weekly

Hindi naging madali ang pagpaplano ng QCB. Dahil artist-initiated ito, walang nakalaang pondo. Mismong mga artista ang naglabas mula sa sariling bulsa o naghanap ng suporta para maisakatuparan ang festival. Isa rin itong dahilan kung bakit jeepney ang napiling sasakyan para sa mga tour—bukod sa pagiging mas mura, nagsisilbi rin itong simbolo ng nostalgia at kulturang kalsada.

Nitong Ago. 23, umarangkada ang unang Jeepney Tour. Habang umiikot sa Quezon City, naging espasyo rin ang jeep para sa pag-uusap at pakikipag-ugnayan.

Para bang pagkatapos ng bawat gallery, balik sa jeep ang mga tao upang magkuwento at magpalitan ng pananaw—isang maliit na moving community ng sining at diskurso kung saan nagturo ng self-defense si Yee Chung Kee, head curator ng QCB at graffiti artist. Gumamit siya ng sitwasyonal na halimbawa habang umaandar ang jeepney upang ipakita kung paano makaiwas at makaligtas sa panganib sa araw-araw, lalo na sa loob ng pampublikong sasakyan.

Malayo sa pormal at eksklusibong art festival, ang QCB ay may laya, may puso at nakaugat sa bayan. Palaging bukas ang mga gallery para sa sinumang nais mamangha, ma-inspire at sumuporta sa malikhaing isip ng mga artista ng bansa.