close

Gandang nagkukubli sa kabundukan


Sa Nueva Vizcaya, may isang nagkukubling talon na makikita sa gitna ng kabundukan.

Sa dami ng nangyayari sa Metro Manila, naghahanap ng maaaring puntahan kung saan makakalayo ng panandalian sa ingay ng siyudad. Kung saan nanainisin na makakita ng mga bundok at mapalayo sa stress sa buhay.

Sa Nueva Vizcaya, may isang nagkukubling talon na makikita sa gitna ng kabundukan. Para makarating dito, maaaring may dalang sasakyan o sumakay ng bus na may biyaheng Tuguegarao, Solano o Bayombong at bumaba sa bayan ng Sta. Fe.

Sa bayan ng Sta. Fe, may isang barangay na pinapangalagaan at minamahal ng mga katutubo dahil sa natatangi nitong likas na yaman. Mula sa bayan, mga 20 hanggang 30 minuto ang biyahe sa tricycle o jeepney. Paakyat sa Barangay Imugan, para bang bumabalik ka sa ibang panahon, sa isang lugar na hindi minadali ng modernong mundo, sa isang lugar na kalikasan lang ang yayakap sa’yo.

Pagdating sa Barangay Imugan, sasalubungin ka ng mga bahay na nakatayo sa gitna ng luntiang palayan at taniman ng gulay. Mababait at palangiti ang mga residente—maaari pa sila ang mag-guide at tulungan na makapunta sa trail patungo sa mismong talon.

Pagdating sa trail, maglalakad ng 15 hanggang 20 minuto para marating ang talon. Sa paglalakad, sasalubungin ka ng huni ng mga ibon, ang agos ng tubig na mas nararamdaman kung gaano kahalaga ang kalikasan sa ating buhay. Makikita ang bunga ‘pag ito naproprotekatahan at inaalagaan ng komunidad ng Imugan.

At sa kaunti pang lakad, bubungad sa iyo ang Imugan Falls, isang  na talon na bumabagsak mula sa bukal sa tuktok ng Bundok Imugan. Sa ibaba, may mababaw na batya ng malinaw na tubig na tila nagyayaya ng isang malamig na paligo. Napapalibutan ito ng makapal na puno, mga batong makikinang sa sikat ng araw, at mga damong sumasayaw sa simoy ng hangin.

At sa pagkakapahinga matapos ang lakaran, mapapahinto na lang at wala kang ibang maririnig kundi ang bagsak ng talon at kaluskos ng kagubatan—para bang pinipindot ang mute button ng lahat ng ingay sa iyong isip.

Matapos masilayan ay bitbit hindi lamang ang alaala ng isang maganda at preskong tanawin, kundi ang pakiramdam na nakadalaw ka sa isang buhay na piraso ng kalikasan at kasaysayan. Sa Imugan Falls, ang biyahe at ang destinasyon ay iisa—parehong kuwento ng pakikipagtagpo sa ganda ng mundo.