close

Halalan sa Bangsamoro, tuloy–Comelec


Idiniin ng Independent Election Monitoring Center na hindi nakatutulong sa pagpapatupad ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro ang anumang pagkaantala sa Bangsamoro Parliamentary Elections.

Kinumpirma ni Commission on Elections (Comelec) Chairperson George Garcia sa isang panayam na tiyak na matutuloy ang eleksyon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (Barmm) sa Okt. 13 matapos manawagan noong Ago. 22 ng grupong Independent Election Monitoring Center (IEMC) na huwag nang ipagpaliban pa ang botohan.

Sa kabila ito ng posibilidad ng pagpapaliban muli ng halalan, lalo na matapos maisabatas ang Bangsamoro Autonomy Act No. 77 nitong Ago. 28. Layunin ng naturang batas na baguhin ang mga distritong parlamentaryo sa Barmm, kabilang ang pagtanggal ng lalawigan ng Sulu sa ilang distritong sakop.

Sa nasabing batas, magkakaroon ng 32 distritong parlamentaryo. Kung babalik ang Sulu sa Barmm, magkakaroon ito ng pitong kinatawan sa Bangsamoro Parliament.

May kabuuang 80 miyembro ang Bangsamoro Parliament. Kalahati nito’y nakalaan sa mga kinatawan ng partido na kahalintulad ng partylist system, habang may walong reserba at sektoral na kinatawan kabilang ang kabataan, kababaihan, settler communities, non-Moro indigenous groups, tradisyonal na lider at ulama o dalubhasa sa doktrina at batas ng Islam.

Ayon kay Garcia, nananatiling buo ang pangako ng Comelec na isasagawa ang halalan sa itinakdang petsa. Bagaman pansamantalang sinuspinde ng Comelec ang pag-imprenta ng mga balota noong Ago. 27 upang hintayin ang pinal na desisyon hinggil sa Bangsamoro Autonomy Act No. 77, agad din nila itong ipinagpatuloy kinabukasan.

Idiniin din ng IEMC na hindi nakatutulong sa pagpapatupad ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) ang anumang pagkaantala sa Bangsamoro Parliamentary Elections.

Itinuturing ang halalang parlamentaryo na mahalagang bahagi ng kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at Moro Islamic Liberation Front na isinakatuparan ng Bangsamoro Organic Law (BOL).

Nilagdaan ng parehong panig ang CAB noong 2014 at naisabatas ang BOL noong 2018 na nagtatag sa Barmm na pumalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (Armm). Nabuo ang Armm noong 1989 sa pamamagitan ng Tripoli Agreement sa pagitan ng GRP at Moro National Liberation Front noong 1976.

Gayunpaman, may mga usapin pa ring nagdudulot ng kawalan ng katiyakan, lalo na kaugnay ng Sec. 14, Art. VII ng 2023 Bangsamoro Electoral Code. Ayon sa probisyon, kinakailangang isama sa balota ang opsiyong “None of the Above” bukod sa pangalan at larawan ng mga kandidato, isang sistemang hindi pa naipapatupad kailanman sa Pilipinas.

Hindi malinaw sa batas kung ano ang magiging epekto sakaling mas marami ang bumoto sa “None of the Above.”