close

Intel, kinuyog ng Pamalakaya sa Navotas


Nasukol ang ahente nang makipagkita ang isang miyembro ng Pamalakaya Pilipinas Navotas na nagkunwaring magbibigay ng impormasyon. Matagal na umanong kinukulit ng ahente ang naturang miyembro.

Kinompronta ng mga miyembro ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya Pilipinas) Navotas ang isang intelligence agent na naniniktik sa kanilang organisasyon sa Navotas City nitong Ago. 31.

Ayon sa Pamalakaya Pilipinas Navotas, paulit-ulit na nagpapadala ng mensahe sa social media ang isang Miguel Richard Gerardo Castro na nagpakilalang kawani ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa mga lider at miyembro ng lokal na balangay ng Pamalakaya Pilipinas sa nasabing lungsod.

Nag-aalok anila ng “pinansyal na tulong” kapalit ng impormasyon tungkol sa organisasyon ang ahente. Nanghihingi rin umano ng detalye ang ahente sa mga aktibidad, plano, napag-usapan sa mga pulong at iba pang impormasyon sa mga kasapi ng organisasyon.

Nasukol ang ahente nang makipagkita ang isang miyembro ng Pamalakaya Pilipinas Navotas na nagkunwaring magbibigay ng impormasyon. Matagal na umanong kinukulit ng ahente ang naturang miyembro.

LIVE: KINOMPRONTA NG MGA MANGINGISDA ANG PINAGHIHINALAANG AHENTE NG ESTADO NA NANINIKTIK SA MGA MIYEMBRO NG PAMALAKAYA…

Posted by Pamalakaya Navotas on Saturday, August 30, 2025

Nang nakipagkita na ang ahente sa isang fast food chain sa Navotas City, agad siyang kinuyog ng mga miyembro ng organisasyon. Nakipaghabulan pa ang ahente sa mga mangingisda at aktibistang kumompronta sa kanya hanggang sa pumunta ito sa Navotas City Police Station kung saan nakitang inalalayan pa siya papasok ng estasyon.

Hinala ng Pamalakaya Pilipinas Navotas, may kaugnayan ang paniniktik ng nasabing ahente sa “naunang ulat ng harassment, intimidasyon at red-tagging na isinagawa ng mga indibidwal na nagpakilalang pulis at sundalo sa ilalim ng [National Capital Region (NCR) Command o Joint Task Force-NCR] ng Armed Forces of the Philippines.”

Nilinaw naman ng BFAR sa isang pahayag na wala silang kawani na nagngangalang Miguel Richard Gerardo Castro at hindi pinahihintulutan ng ahensiya ang pangangalap ng impormasyon mula sa mga organisasyon, komunidad at indibidwal kapalit ng tulong pinansyal.

Mariin ding kinonodena ng BFAR ang paggamit sa kanilang pangalan sa ganitong paraan. Nagpaalala rin ang ahensiya sa publiko na kagyat na iulat sa kanila at sa mga kinauukulan ang mga ganitong klase insidente.

Nanawagan naman ang Pamalakaya Pilipinas Navotas na aksiyonan ng Commission on Human Rights ang inihaing reklamo ng organisasyon hinggil sa panggigipit, pananakot at red-tagging sa mga komunidad ng mangingisda sa Navotas City.