close

Isang dekada ng Lianga Massacre, ginunita


Patuloy ang panawagan ng mga Lumad para sa katarungan at karapatan sa ika-10 taon ng malagim na Lianga Massacre na kumitil sa buhay ng isang guro at dalawang lider-Lumad sa Surigao del Sur noong Set. 1, 2015.

Patuloy ang panawagan para sa katarungan sa ika-10 taon ng Lianga Massacre. Sa isang pagtitipon sa Adamson University sa Maynila nitong Set. 2, sinariwa ng mga katutubong Lumad at tanggol-karapatan ang marahas na pamamaslang sa Sitio Han-ayan, Barangay Diatagon, Lianga, Surigao del Sur noong 2015.

Pinatay ng puwersang paramilitar na Magahat Bagani si Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development (Alcadev) executive director Emerito Samarca na ginilitan sa loob ng isang silid-aralan at mga lider-Lumad na sina Dionel Campos at Datu Juvello Sinzo na pinatay sa harap ng mga residente ng Sitio Han-ayan bandang alas-kuwatro ng umaga noong Set. 1, 2015.

Katatapos lang ng pagdiriwang ng ika-11 anibersaryo ng paaralan ng Alcadev noong Ago. 30, 2015 nang mangyari ang krimen laban sa mga katutubong Lumad.

Bago pa ang Lianga Massacre, matagal nang nililigalig at tinatakot ng mga grupong paramilitar at mga tropa ng Philippine Army ang mga komunidad ng Lumad dahil umano sa pagsuporta at pagkanlong sa mga kasapi ng New People’s Army.

Sabi ng lider-Lumad at dating Bayan Muna Partylist Rep. Eufemia Cullamat, walang puwang ang paghingi ng paumanhin sa pagsisiwalat ng masalimuot na katotohanan.

“Ang katotohanan ay humihingi ng paniningil ng pananagutan,” aniya.

Matapos ang Lianga Massacre, libo-libong katutubong Lumad ang lumikas sa kanilang lupang ninuno upang humanap ng ligtas na matutuluyan mula sa banta ng karahasan ng mga puwersang militar at paramilitar.

Sunod-sunod din ang red-tagging, panunupil at pandarahas na dinanas ng mga katutubong Lumad mula sa mga elemento at puwersa ng estado matapos nilang lumikas.

Sa programa sa Adamson University, nagbahagi ng mga karanasan ang mga guro at mga dating mag-aaral ng mga paaralang Lumad sa Mindanao na sapilitang ipisara ng gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte mula 2016 hanggang 2019. Higit 160 na paaralang Lumad ang pinatigil ang operasyon na nakaapekto sa pag-aaral ng nasa 4,800 estudyanteng Lumad.

Isinalarawan ni Lerma Diagone, isang gurong B’laan sa Salugpungan Ta Tanu Igkanugon Community Learning Center, ang kanyang paglilingkod sa mga liblib na komunidad para makapagturo sa mga kapwa Lumad.

Aniya, hindi naaabot ng mga serbisyo ng gobyerno, tulad ng edukasyon, ang kanilang mga lugar at naging malaking tulong sa kanila ang mga paaralang Lumad na itinayo ng mga non-government organization at taong simbahan.

“Hindi lang edukasyon ang ipinaglalaban namin, ito rin ay laban para sa kalikasan, at sa aming karapatang mabuhay bilang katutubo,” wika ni Diagone.

Liban sa pagbabasa at pagsusulat, bahagi ng kurikulum ng mga paaralang Lumad ang agrikultura at iba pang kasanayan sa kabuhayan na nakabatay sa kanilang kultura para matulungan ang mga mag-aaral na makatayo sa sariling mga paa.

Kuwento naman ni Angelika Moral, isang kabataang B’laan, lumikas sila noong Nob. 28, 2018 dahil sa matinding militarisasyon. Humingi sila ng tulong sa iba’t ibang grupo na agad namang tumugon sa kanilang panawagan.

Pinabulaanan ni Moral na dinukot sila ng tinaguriang “Talaingod 13,” na binubuo ng mga guro, aktibista at tanggol-karapatan, dahil sila mismo ang humingi ng tulong para makaalis sa kanilang lugar na kinakampohan ng mga elemento ng militar at paramilitar.

“[Ang aming mga guro] ang tumayong mga magulang namin sa panahong kami’y kinalimutan ng estado,” ani Moral.

Panawagan ng mga dumalong Lumad, guro at tanggol-karapatan ang katarungan, hindi lang para sa Lianga Massacre, kundi pati na rin sa mga inhustisyang patuloy na dinaranas ng mga katutubong Lumad.

Iginiit nila na muling buksan ang kanilang mga paaralan at hayaan silang makapamuhay nang payapa sa kanilang lupang ninuno. Dapat din anilang wakasan na ang mga kasinungaliungang ipinapakalat ng estado laban sa kanila. /May ulat mula kay Chleomar Pugoy