‘Mabinay 6’, laya na matapos ang higit 7 taon
Nakalaya na ang “Mabinay 6” nitong Set. 22 matapos ibaba ng korte ang desisyong nagbabasura sa gawa-gawang kasong illegal possession of firearms and explosives na isinampa ng 62nd Infantry Battalion ng Philippine Army.

Pinawalang-sala ng Dumaguete Regional Trial Court Branch 42 sa mga gawa-gawang kaso ang anim na kabataang aktibistang inaresto sa Barangay Luyang, Mabinay, Negros Oriental noong Mar. 3, 2018.
Nakalaya na rin ang tinaguriang “Mabinay 6” nitong Set. 22 matapos ibaba ng korte ang desisyong nagbabasura sa kasong illegal possession of firearms and explosives na isinampa ng 62nd Infantry Battalion ng Philippine Army.
“Simula’t sapul, nanindigan kami na walang batayan ang mga kaso laban sa kanila. Patunay ang desisyong ito na walang katotohanan ang mga ebidensiyang inihapag para suportahan ang paratang ng prosekusyon,” sabi ng isa sa kanilang mga abogado na si Carlos Isagani Zarate ng La Viña Zarate and Associates sa wikang Ingles.
Kabilang sa Mabinay 6 ang kabataang mamamahayag at dating lider-estudyante sa University of the Philippines (UP) Cebu na si Myles Albasin; tubong Negros Oriental mula sa pamilya ng mga sakada na si Randel Hermino; maralitang lungsod sa Cebu na si Carlo Ybañez; at mga kabataang magbubukid na sina Joemar Indico, Joey Vailoces at Bernard Guillen.
Idinawit sila sa isang engkuwentro ng militar at New People’s Army sa bayan ng Mabinay kung saan tinamnan sila ng matataas na kalibre ng baril kabilang ang apat na M16 rifle na may M203 grenade launcher at dalawang M4 assault rifle.
“Puro sali-saliwa ang naratibo at walang kredibilidad ang ebidensiya laban kay Bb. Albasin,” wika ng isa pang abogado ng Mabinay 6 na si Jayvy Gamboa.
Dagdag ni Gamboa, matagumpay nilang ipinakita sa korte na hindi kapani-paniwala at walang katibayan ang paratang na kasama ang anim sa limang minutong engkuwentro at pagkumpiska sa mga baril at pampasabog mula kay Albasin at sa kanyang mga kasama.
Edad 21 si Albasin nang inaresto siya. Aktibo siya sa muling pagtatatag ng Anakbayan UP Cebu at nanguna sa mga kampanya ng mga komunidad ng mga magsasaka at katutubo. Nagtapos siya ng kursong Mass Communication at anak ng beteranong peryodista at dating punong patnugot ng SunStar Cagayan de Oro na si Grace Cantal-Albasin.
Naunang nagpahayag ng not guilty plea ang Mabinay 6 sa Bais Regional Trial Court Branch 45 sa Negros Oriental noong Mayo 2, 2018 at naghain din ng mosyon para sa pansamantalang kalayaan.
Anim na buwan matapos silang basahan ng sakdal, pinaslang ang isa sa kanilang abogado na si Benjamin Ramos na binaril ng mga ‘di kilalang lalaki sa Kabankalan City, Negros Occidental.
Nagdulot ng pagkaantala sa pagdinig sa kanilang kaso ang pagpatay kay Ramos na may hawak sa maraming kaso ng paglabag sa mga karapatang pantao sa isla ng Negros. Matagal ding nabalam ang pagdinig nang ipataw ng gobyerno ang militaristang lockdown noong 2020 dulot ng pandemyang Covid-19.
Sa huli, patunay umano ang desisyon sa kaso ng Mabinay 6 na inosente sila at mananaig ang katotohanan at katarungan.
“Ito’y nagpapadala ng malinaw na mensahe na ang isang indibidwal ay hindi maaaring tanggalan ng mga karapatan at kalayaan na batay lang sa hinala, sa maling pagkakakilanlan o sa simpleng paglalagi sa lugar na may armadong tunggalian,” ani Gamboa.