close
Husgahan Natin

Mga aral sa kaso ng Sta. Cruz 5


Malungkot isipin na inabot ng halos pitong taon na nakabinbin ang nasabing kaso bago ito natapos. Ngunit isang bagay ang muli nating natutunan sa kasong ito: huwag tayong mawalan ng pag-asa, mga kasama.

Ang pagtataglay ng baril, bala, o pampasabog na walang kaukulang pahintulot ay mahigpit na ipinagbabawal ng ating batas. Maaaring mahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo ang sinumang lumalabag sa batas na ito. 

Habang dinidinig o binibistahan pa ang kasong ito, nakakulong ang sinumang akusado nito, maliban lamang kung payagan siyang magpiyansa ng husgado.

Ngunit kung sa huli ay makikita ng husgado na mahina ang ebidensiya ng prosekusyon o tagausig, obligado itong ipawalang-sala ang nasasakdal.

Ganoon ang nangyari sa kaso ng Sta Cruz 5, isang kaso na naging laman ng balita kamakailan lang.

Ang Sta. Cruz 5 ay binubuo nina Ireneo Atadero, isang organisador ng mga unyon ng manggagawa; Edisel Legaspi, isang magsasaka; Adelberto Silva, adviser ng National Democratic Front (NDF); Hedda Calderon, tagasulong ng karapatan ng kababaihan; at Julio Lusania, ang kanilang drayber. 

Isa sa naging abogado ng Sta. Cruz 5 ang inyong lingkod, kasama ang mga abogado ng Public Interest Law Center at ng Gabriela. 

Noong Okt. 15, 2018, papunta ang Sta. Cruz 5 sa Liliw, Laguna sakay ng isang kotse para dumalo sa isang conference.

Pinatigil ng mga pulis ang kanilang sasakyan pagdaan nila sa sa isang checkpoint sa Brgy. Pagsawitan, Sta. Cruz, Laguna. Hinalughog ng pulisya ang sasakyan at nakuha ‘di umano ang dalawang .45 kalibre na pistol, 14 na bala, apat na granada, at isang improvised na pampasabog.

Dahil dito, kinasuhan ng kasong “Illegal Possession of Firearms and Explosives” ang Sta. Cruz 5 at ikinulong.

Sila ay unang nilitis sa Regional Trial Court ng Sta. Cruz ngunit noong 2022 ay inilipat ang kanilang kaso sa Regional Trial Court ng Taguig. Panay pulis ang tumestigo laban sa mga nasasakdal. 

Ayon sa unang pulis na tumestigo, samantalang siya ay nasa Camp Crame noong umaga nang Okt. 15, 2018, nakatanggap ‘di umano siya ng impormasyon na nakitang bumibiyahe papuntang Sta. Cruz si Adelberto Silva, na wanted raw at may mga warrant of arrest.

Kaagad siyang nakipag-ugnayan sa pulisya ng Sta. Cruz, Laguna upang magsagawa ng manhunt operations kay Silva.

Bandang 1:30 ng hapon, isang checkpoint ang itinayo ng pulisya sa highway ng Pagsawitan, Sta. Cruz, Laguna. Mga 2:00 ng hapon ay dumaan dito ang puting kotse sakay si Silva at mga kasama.

Agad inutusan ng pulisya ang drayber na si Lusania na ibaba ang bintana ng sasakyan. Nakita rin ng mga pulis itong si Silva na nakaupo sa passenger’s seat dahil hindi naman tinted ang bintana. May baril ‘di umano sina Lusania at Silva. Kaagad silang inaresto ng mga pulis. 

Pinababa naman ng mga pulis sa kotse sina Legaspi, Atadero at Calderon. Nakita ‘di umano ng mga pulis ang mga granada at pampasabog sa likuran ng sasakyan kaya agad nilang inaresto ang tatlo. Tumawag ang mga pulis sa Explosive Ordinance Disposal (EOD) ng kanilang yunit.

Pulis din ang sunod na testigo at halos magkatulad ang testimonya sa unang testigo maliban lamang sa sinabi niya na tinted ang bintana ng sasakyan. Sinabi rin niya nagkaroon ng marking at inventory ng mga ebidensya pagdating ng kapitan ng barangay ngunit wala siyang napakitang mga retrato bilang patunay. 

Sa testimonya naman ng EOD, nakitaan daw niya ng pampasabog ang kotseng sinasakyan ng lima. Siya raw ang gumawa ng imbentaryo sa mga bagay na nakuha. Pareho siya ng sinabi sa isa pang pulis na tinted ang mga bintana. 

Ayon naman sa isa pang EOD, siya ang tumanggap sa mga bagay na ‘di umano ay nakuha sa mga nasasakdal. Ngunit inamin niya na walang mga fingerprint ng mga akusado sa mga bagay na nakumpiska. 

Ang pinakahuling testigo para sa taga-usig ay ang ang forensic chemist na tumingin sa mga bagay na nakumpiska.

Sa bahagi ng nasasakdal, ang una nilang testigo ay ang akusadong si Ireneo Atadero. Sinabi nitong si Ireneo na organisador siya ng mga unyon ng manggagawa.

Noong Okt. 15, 2018, papunta sana sila sa Liliw, Laguna sakay ng kotseng minamaneho ni Lusiana.Pagdating sa Brgy. Pagsawitan, pinahinto sila ng mga armadong kalalakihan na nakasibilyan. Pinababa sila sa kanilang sasakyan, pinadapa sa daan, at pagkatapos ay pinosasan.

Pagkatapos ng isang oras, dinala sila sa tabi ng Cebuana Lhuillier at doon nila napansin na pinasok pala ang kanilang sasakyan ng mga armadong kalalakihan na kalaunan ay nalaman nilang kasapi sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng pamahalaan. 

Sinabi ng mga taga-CIDG na may mga granada raw sa loob ng sasakyan. Nabigla na lang sila ng ilabas ng mga ito ang mga granada.  Dinala sila sa Camp Crame noong bandang alas 5:00 na ng hapon kung saan sila inimbistigahan at pansamantalang kinulong hanggang sila ay malipat sa Metro Manila District Jail, Annex IV,

Sumunod na testigo ng mga nasasakdal ay si Legaspi na nagsalaysay na isa siyang magsasaka sa Bataan. Sumama siya kina Ireneo para mapag-usapan sana ang Comprehensive Agreement on the Social Economic Report sa pagitan ng NDF at ng gobyerno. Pareho ang salaysay niya sa sinabi ni Atadero.

Sa bahagi naman ni Silva, sinabi niya na consultant siya ng NDF. Papunta sana sila sa Liliw, Laguna dahil may kakausapin sila tungkol sa peace talks nang bigla na lang silang pinahinto ng mga pulis sa isang checkpoint sa Sta. Cruz. Pagkatapos nito ay kinasuhan sila dahil ‘di umano sa dala nilang mga baril at pampasabog sa kanilang sasakyan kahit wala silang dalang armas.

Tumestigo rin para sa mga akusado ang isang tanod sa Sta. Cruz na nakakita nang pababain ang mga akusado at agad na posasan ng mga kasapi ng PNP. Lumapit siya para malaman kung ano talaga ang nangyari ngunit pinagbawalan siya ng pulisya.

Si Calderon ang panghuling testigo ng mga akusado.

Sinabi niya na noong Okt. 15, 2018, ay sumama siya sa isang pag-uusap kasama ang mga akusado bilang kinatawan ng Gabriela. Nagkita sila sa Carmona Public Market at papunta na sana sila sa lugar na kanilang usapan ngunit pinara ng armadong kalalakihahan ang kanilang sasakyan.

Nalaman nila kalaunan na mga pulis pala ang mga ito. Hinalughog ng mga ito ang sasakyan kung saan ‘di umano ay nakuha ang mga ilegal na bagay kahit wala naman silang dalang mga ganito.

Tinimbang ng Husgado ang mga testimonya sa kaso ng Sta. Cruz 5. Sa huli, nagpasya ang Husgado na walang sapat na ebidensya upang panagutin ang mga akusado at mas kapani-paniwala ang kanilang kuwento kaysa kuwento ng prosekusyon.

Una, ang mga sinasabi ng mga prosekusyon witnesses ay hindi magkatugma sa maraming bagay. 

Sinasabi halimbawa ng isang testigo na kitang-kita niya si Silva sa harap ng sasakyan dahil hindi tinted ang bintana. Pero sinasabi naman ng ibang testigo ng prosekusyon na tinted ito at mahirap makita ang mga nasa loob. 

Sinasabi rin ng mga pulis na sinabihan muna nila ang mga akusado ng dahilan kung bakit sila hinuhuli at saka sila pinosasan at pinatayo nang magkatabi. 

Ngunit ito ay pinabulaanan ng mga akusado, kasama na ang tanod, na nagkaisa sa kanilang deklarasyon na ang mga akusado ay pinababa sa kanilang sasakyan at pinadapa ng mga pulis na nakaharap sa lupa.

Isa pa, wala ring ebidensya na ang mga baril at pasabog na pinresenta sa husgado ay siya rin ang mga baril at pasabog na nakuha sa mga akusado. Inamin mismo ng prosekusyon na wala silang maipakitang litrato nang gawin ang imbentaryo ng nakuhang mga baril at pasabog. 

Sinasabi ng mga testigong pulis na ang walang lisensiyang mga baril at pasabog ay kinunan ng imbentaryo kaharap ang mga opisyal ng barangay. Ngunit nakapagtataka dahil wala man lang pruweba ng partisipasyon ng mga opisyal ng barangay.

Wala ring patunay na nandoon ang mga akusado nang maganap ang imbentaryo. Pagkatapos daw ng imbentaryo, ang nakuhang mga baril at pasabog ay inilagay sa isang locker. Taliwas ito sa sinasabi ng PNP Procedures Manual na dapat sa crime laboratory ilalagay ang mga ito at ilalabas lamang kung may subpoena na ang Prosecutor’s Office.

Dahil sa mga ganoong depekto sa ebidensya ng prosekusyon o taga-usig ay inabsuwelto ng Husgado ang Sta. Cruz 5 sa nasabing kaso,

Malungkot isipin na inabot ng halos pitong taon na nakabinbin ang nasabing kaso bago ito natapos. Ngunit isang bagay ang muli nating natutunan sa kasong ito: huwag tayong mawalan ng pag-asa, mga kasama.

Sa malaon o madali, gaano man katagal, ay maaabot din natin ang paglayang ating hinahangad para sa mga bilanggong politikal!