close

Baon sa pakikibaka


Hindi lang panawagan at diwang palaban ang baon natin sa lansangan, dapat may laman din ang tiyan para may lakas at enerhiya.

Bakit nga ba nagra-rally ang mamamayan? Ito ang laging tanong ng iba sa tuwing may makikitang mga tao na nagtitipon at dala ang mga placard sa kalsada.

Ang pagra-rally ay higit pa sa pagtitipon o pagsigaw sa kalsada. Ito’y isang malayang pagpapahayag, isang demokratikong paraan upang manindigan at punahin ang bulok na pamamalakad ng gobyerno.

Sa kasaysayan ng Pilipinas at ng daigdig, paulit-ulit nang napatunayan na ang lakas ng mamamayan sa lansangan ay kayang magpabago ng polisiya, magpanagot ng pinuno at magpatalsik ng pasistang pamahalaan.

Noong 1986, nagkaisa ang milyon-milyong Pilipino sa EDSA upang wakasan ang diktadura ni Ferdinand Marcos Sr. Noong 2001, pinatalsik si Joseph Estrada matapos ang sunod-sunod kilos-protesta laban sa korapsyon na tinaguriang EDSA People Power II.

Sa mga pabrika at sakahan, ang mga welga at kilos-protesta ng manggagawa at magsasaka ay nagbunga rin ng makasaysayang tagumpay. Nitong nakaraan lang ang malawakang kilos-protesta sa Luneta dahil sa kagarapalang pangungurakot ng kaban ng bayan.

Kaya ang kahalagahan ng rally ay hindi lang pagpapahalaga sa sarili, bagkus ito’y pagmamahal sa bayan.

Sa pagpapahalaga sa panawagan ng inaaping mamamayan, marapat din na hindi lang iyon ang bitibit sa kalsada, dapat din ay may laman ang tiyan. 

Ito ang mga maaaring baunin sa tuwing lalahok sa kilos-protesta.

Maraming klase ng tinapay ang maaring baunin. And’yan ang kilalang pandesal o tasty bread.

Puwede itong lagyan ng palamang peanut butter, pinakamadali at hindi madaling mapanis, praktikal at may laman din itong protina at good fats na nagbibigay ng enerhiya lalo na kung may kahabaan ng programa o malayo ang lalakarin sa pag martsa. 

Maari din magpalaman ng pritong itlog sa tinapay. May protina din ito at maaaring makatulong para hindi manghina sa gitna ng mahabang araw na pagkilos.

Maaaring luto sa pagkakalaga, pinatuyo o sariwang prutas. Isa na rito ang nilagang saging na saba, maliban sa madaling ihanda, madali rin ito kainin habang nakikinig ng programa. Magaan lang din ito bitbitin sa bag.

Ang nilagang kamote, abot kaya at madaling lutuin. Hindi rin ito madaling masira at kayang magbigay ng matagal na enerhiya dahil sa natural nitong carbohydrates.

Kahit anong klaseng saging, lakatan o senyorita, ay magandang baunin. Idagdag din ang mansanas, dahil ito hindi madaling maipit o madurog sa bag, nakapagbibigay din ito ng matagal na sigla.

Dalanghita o ponkan pampabuhay ng loob sa init ng araw, madali lang ito balatan at hindi rin madali masira. Hindi rin papahuli ang pasas o anumang pinatuyong prutas, magaan sa bag at may taglay itong natural na asukal at fiber na nagbibigay ng mabilis na enerhiya at tulong din sa digestion, kaya hindi madaling mapagod o magutom.

Siyempre walang tatalo sa pagbabaon nito. Kahit anong oras pa ang rally, maigi pa rin na magbaon ng kanin at ulam. Pinakapraktikal at nakakabusog na maaaring baunin.

Ang mga pinatuyo o tinapang isda, hindi agad nasisira at madaling kaninin kahit malamig. Sa isang simpleng lalagyan na kanin at ulam, sapat nang may baong lakas para magmartsa at sumabay sa sigaw ng masa.

Dagdag siyempre sa listahan ang adobo, madaling gawin, matagal masira at siguradong nakakabusog. Kahit malamig, nanatili ang lasa at sarap na kayang magpatatag sa paglahok sa rally.

Higit sa lahat dapat ay may baon na tubig. Pamapawi ng pagod at uhaw. Panlaban sa dehydration lalo na sa mahabang oras sa ilalim ng araw. 

At para iwas basura, gumamit ng mga reusable container at eco bag dahil ang pagkilos para sa bayan ay dapat kasabay ng pangangalaga sa kalikasan.

Hanggang ngayon, nananatiling mahalaga ang mga kilos-protesta bilang sandata laban sa katiwalian at abuso sa kapangyarihan. Ika ni Crispin “ Ka Bel” Beltran, “Ang tunay na demokrasya ay nabubuhay sa lansangan.”

Sa panahong tinatakot at binabansagang “terorista” ang pagiging aktibista, mahalagang paalala na ang kritikal na tinig ay hindi krimen. Ito’y pagsasabuhay ng malasakit, tapang at pagpapakita na may malasakit tayo sa kinabukasan at karapatan ng bawat mamamayan.

Kaya walang mali sa paglaban, may mali kaya lumaban!